KABANATA 38: Imbakan🔞

4.2K 121 54
                                    

Paalala: Ang kabanatang ito ay naglalaman ng mga maseselang eksena na hindi angkop sa mga menor de edad o hindi bukas ang pag-iisip.




"Bakit mo ginawa iyon, Tinyente?" tanong ko kay Tinyente Ismael. Kilala ang punong heneral ng Espanya sa taglay nitong kalupitan kaya't nais kong malaman ang nag-udyok rito upang makipagtigasan.






Ibinaba nito ang maliit na palanggana na naglalaman ng mainit na tubig at tuwalya. Napakislot ako sa sakit nang tanggalin nito ang telang nakabalot sa aking kaliwang paa upang bigyan iyon ng paunang lunas.





Habang dinadampian ng mainit at basang tuwalya ang bukong-bukong ng aking paa ay sumagot ito, "Ang alin, Ryannel? Ang pagharang ko sa heneral na siyang nararapat ko lamang gawin... o ang iuwi ka rito sa aking tahanan imbes na hayaan kang sumama sa kaniya?"





"A-ang lahat ng iyon. Sa pagkakakilala ko sa iyo noon ay batid kong hindi mo ito gagawin. Kung hindi ako pumagitna ay tiyak akong may isa sa inyong dalawa ang hindi na makakauwi ng buhay," seryoso kong saad ngunit nginitian lamang ako nito.





Napakapit ako sa sulok ng aking inuupuan nang mabilis nitong ilapit ang kaniyang mukha sa akin. Isang pulgada lamang ang pagitan namin sa isa't-isa kung kaya't malinaw sa aking paningin ang bawat detalye ng kaniyang mukha at ang ekspresiyon nito.




"Ryannel, ginawa ko lamang iyon para sa iyong ikabubuti. Isa pa, mas mapapanatag ang aking kalooban kapag narito ka," anito at lumayo nang kaunti upang magpatuloy sa pagdadampi ng mainit sa tubig sa aking paa.




"Oo nga pala, narito ang ilang papeles na aking natagpuan sa silid nina Don Gerardo," pag-iiba ko ng usapan.




Iniabot ko sa kaniya ang mga papeles na agad naman nitong binasa. Nakasulat man sa wikang Espanyol ang nilalaman nito ay nagawa pa rin namin itong maintindihan sapagkat parehas kaming may alam sa nasabing wika.





"Ang mga papeles na ito ay kasamiyento ng kasal ni Binibining Juana sa kastila. Sinasabi ritong sa araw na matuloy ang kasal ay mababahagian ang pamilyang Gerardo ng kayamanan kapalit ng pag-angkin ng mga Espanyol sa buong San Fernando," wika ni Tinyente Ismael.




"Hindi maaring matuloy ang kasal na ito. Siguradong maraming pilipino ang mag-aaklas sa oras na angkinin ng mga kastila ang ating bayan," mariin kong tugon.





"Subalit nakakapagtakang hindi nakasulat sa kasamiyentong ito ang kastilang ipapakasal kay Binibining Juana, Ryannel," binuklat ni Tinyente Ismael ang tatlong pahinang mga papeles upang tignan iyong maigi.





"Sadyang mapanlinlang ang mga Espanyol, Tinyente Ismael. Hindi sila papayag na gumawa ng isang kasunduan na hindi sila ang lubos na makikinabang."





Tirik na ang araw noong ako'y magising kinabukasan. Nakakatuwang hindi na ganoon kasakit ang aking kaliwang paa. Sa kabilang banda ay hindi ko na naabutan ang pag-alis ni Tinyente Ismael na sa tingin ko'y nagtungo na sa katipunan. Hawak ang liham para kay ina ay nagtungo naman ako sa pamilihan upang bumili ng mga tela.




Napakamot ako ng ulo nang mamataang sarado ang tindahan ni Ginang Sonya na siyang pinagbibilhan ko ng mga tela. Nang tingnan ko ang paligid ay bukas naman ang mga katabi nitong tindahan. Akmang lalakad akong palayo nang bumukas ang pintuan ng tindahan na yari sa kahoy.




Kumatok ako roon at sinabing, "Ginang Sonya, kayo po ba'y nariyan sa loob? Bibili po sana ako ng mga tela kung maaari."





Wala mang sumagot sa akin ay batid kong mayroong tao sa loob sapagkat nakakarinig ako ng tila yapak ng sapatos. Dahan-dahan kong binuksan ang pinto upang pasukin ang tindahan. Kung nakabukas lamang ang pinto ay iisipin kong mayroong nagtitinda rito dahil ang mga tela at mga mamahaling kasuotan ay nakasabit pa rin sa dingding.




Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon