KABANATA 17: Pangako

4.7K 179 16
                                    

"Heneral?" ang pagtawag ni Jose ang nagpabalik sa akin mula sa mahabang pagkatulala.





Hinilot ko ang aking sentido, "Ipagpaumanhin ninyo ang aking hindi agarang pagtugon," ani ko sa mga naririto sa katipunan.





"Sadyang napakalalim ng iyong iniisip, heneral. Dahil ba ito sa kaarawan mo bukas?" binuklat ni Donya Gerardo ang kanyang makulay na abaniko at pinaypayan ang sarili.





"Muntik ko nang makalimutan! Oo nga pala't kaarawan mo na bukas, heneral. Mayroon ka bang planong maghanda ng piging para sa ating mga kababayan?" dagdag ni Don Gerardo.





"Sa tingin ko ay magandang ideya iyan, heneral. Kung ipahihintulot mo'y ako na mismo ang magbibigay ng imbitasiyon sa ating mga karatig-nayon," suwestiyon ni Tinyente Ismael.





Napatango na lamang ako, "Maraming salamat sa inyong lahat. Batid kong abala rin kayo sa maraming gawain sa ating pamahalaan at sa katipunan, kaya't sadyang nakakataba ng puso na naalala ninyo ang aking nalalapit na kaarawan."






Noong nabubuhay pa ang aking ama ay hindi nakakaligtaan ng aming pamilya ang magdiwang sa tuwing sasapit ang kaarawan namin ni Stella. Makukulay na palamuti at iba't-ibang putahe ang inihahanda ng aming katuwang sa espesyal na araw, subalit nang pumanaw ang aking ama ay natigil ito.





Matapos akong pumayag sa nasabing piging ay naglakbay ako patungong bayan upang puntahan si Binibining Juana. Simula noong nagkaroon ng komusiyon at hinarang ng mga sundalong Espanyol ang karwahe ng binibini ay hindi ko na siya muli pang naihatid.






At ang salarin ay walang iba kung hindi ang heneral ng mga Espanyol na si Javier. Hindi niya ako pinahihintulutang makipagkita sa binibini kapalit ng pagpayag niya na makadaan ito sa kanyang lupain.






"Nasaan na kaya ang ginoo?" tanong ko sa aking sarili nang tumigil ang aking kabayo sa tapat ng kanyang tirahan.






Bukod sa pag-agos ng tubig sa Batis ng Kasarinlan ay wala akong marinig sa paligid. Marahil ay bumalik ang heneral kasama ng mga sundalo sa kanyang mansyon. Hinilot ko ang aking sentido nang muli iyong kumirot sa dami ng bumabagabag sa akin.





Ang totoo niyan ay ginagambala ako ng mga salitang binitawan ni Heneral Vicencio kagabi. Umamin siyang ako'y kanyang iniibig at handa siyang lumayo sa akin kung ito ang aking nais. Hindi naging matiwasay ang una naming pagkikita kaya't kung noon niya sinabing handa siyang lumayo kung iyon ang aking kagustuhan, ay ipinaalam ko na iyon sa kanya. Subalit nitong nagdaang linggo ay sinasakop niya ang aking isipan. Magmula sa mga matatamis niyang mga salita hanggang sa mga pangakong hindi ko batid kung ito'y totoo.





Heneral Vicencio, nasisiraan ako ng bait dahil sa iyo!





"Ginoo!" nabaling ang aking atensiyon sa silangan nang marinig ko ang boses ni Binibining Juana.






Bumaba siya sa kalesa kung nasaan siya kasalukuyang nakasakay upang lapitan ako at yakapin. Lumingon ako sa paligid bago ko siya yakaping pabalik.





"Bukas na ang iyong kaarawan, ginoo," tinitigan niya ang aking mga mata na wari'y binabasa ang nakapaloob dito, "Naaalala mo pa rin ang pangako mo sa akin, hindi ba?"





Nang mapansin ko ang namamanglaw niyang mga mata ay napangiti ako, "Oo naman, binibini. Hindi ako kailanman makakalimot sa aking pangako."





Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon