KABANATA 32: Gumamela

1.5K 96 30
                                    

"Anak, maayos bang nakauwi si Binibining Juana?" tanong ni ina.




Lumingon ako sa kaniya at tumango, "Opo, ina. Inihatid namin siya ni Jose sa daungan malapit sa kanilang mansyon gamit ang bangka."




Nang masagot ko ang kaniyang katanungan ay itinuon ko ang aking atensiyon sa mga tanim kong gumamela. Kung sa araw ay nasa gitna ako ng karagatan upang mangisda, sa gabi nama'y hindi nawawaglit sa aking isipan na tingnan ang aking tanim bago magpahinga.




"Batid mo bang ang mga gumamela ay sadyang maselang halaman, anak?" nakasuot man ng kaniyang pang-tulog na kasuotan ay umupo pa rin si ina sa aking tabi.




"Po?"




"Sa ating mansyon sa San Fernando ay mayroon rin tayong tanim na gumamela. Subalit dahil tropikal ang temperatura roon, ay tila napakahirap itong mamulaklak. Naalala ko pa noon, hindi ka kailanman tumapak sa ating hardin ngunit nagbago iyon ilang buwan ang nakalipas bago tayo lumisan sa lungsod," banayad ang boses ni ina at kahit napakalamig nang simoy ng hangin buhat ng dagat na malapit ay para akong niyayakap.





"Naging malinaw lamang sa akin ang lahat nang masaksihan ko ang isang ginoong naglalagay ng pataba sa lupa ng mga tanim kong gumamela tuwing gabi matapos niyang pitasin ang ilan sa mga bulaklak nito. Ang unang pumasok sa isip ko noon ay... iaalay niya ang mga bulaklak ng gumamela sa kaniyang napupusuan, at hindi nga ako nagkamali. Noong gabi rin na iyon ay nakita ko ang ginoo na masugid na naghihintay na buksan mo ang bintana ng iyong silid at siya'y iyong puntahan. Malinaw pa sa aking isip noong iniabot sa iyo ang mga pinitas niyang mga bulaklak at sinabing..."





Palihim kong pinunasan ang aking luha gamit ang likod ng aking kamay nang tumulo ito at umiling, "Ina, h-hindi ko na po sana gustong marinig ang kahit na ano tungkol sa ginoo."





Hinawakan ni ina ang aking kamay at sinabing, "Batid kong hanggang ngayon ay siya pa rin ang iyong iniibig, anak. Itanggi mo man ito nang paulit-ulit ay batid ng isang ina ang nilalaman ng puso ng kanilang anak."




"I-ina..."




"Mabuti siyang tao... anak. Napakarami mang akusasiyon ang lumitaw tungkol sa kaniya ay naniniwala akong mahal ka rin niyang tunay kagaya ng pagmamahal ko sa iyo."




Niyakap ko si ina nang napakahigpit habang patuloy sa pag-agos ang aking mga luha. Bukod sa katotohanang labis ang pag-aalala niya sa akin ay mas naantig ang aking puso sa kadahilanang hindi nagbago ang pagmamahal niya sa akin sa kabila ng kaniyang nalaman.




Kinabukasan ay maaga ulit kaming nangisda nina Mang Romolo at Jose. Hindi man marami ang aming nahuli dahil sa paparating na bagyo, ay sapat na ito. Marami naman kaming nahuling isda kahapon. Matapos ang madamdamin naming pag-uusap ni ina ay napagpasiyahan kong ako na lamang ang mamimili ng kaniyang mga telang panahi. Nais ko rin kasing masaksihan ang mga pagbabagong nangyari magmula noong itinalaga si Don Gerardo bilang punong heneral. Bukod pa roon ay patago kong mamanmanan si Heneral Vicencio upang malaman ang tunay niyang pinaplano.





"Makisig na ginoo, ako'y natutuwang makita kang muli," bungad nang matandang may-ari ng pinagbibilhan ko ng tela. Kung tama ang pagkakarinig ko, ang pangalan niya'y Ginang Sonya.




Walang ibang tao roon kaya't ako siguro ang tinawag niyang makisig na ginoo. Masaya akong pinapasok ni Ginang Sonya sa kaniyang tindahan at ipinakita ang makukulay niyang mga tela.




"Ginoo, ang mga naggagandahang tela na ito ay nanggaling pa sa Espanya. Kararating lamang nito kagabi at talagang hinintay ko ang iyong pagbabalik upang ipakita ito sa iyo," pagmamalaki ni Ginang Sonya.




"Tunay nga pong napakaganda ng mga telang iyan. Ngayon lamang po ako nakahawak ng telang ganito kadulas at mayroon na ring mga dekorasiyong nakatahi... subalit hindi po yata sapat ang aking salapi upang mabili ang ganitong klaseng mga tela. Bibilhin ko na lamang po ang mga telang nabili ko kahapon–"





Itinapat ng matanda ang kaniyang hintuturo sa kaniyang labi, senyales na itigil ko ang pagsasalita. Pumasok siya sa maliit na imbakan at inilabas pa ang ilang makukulay na mga tela.





"Huwag kayong mag-alala, ginoo. Ang lahat ng telang ito ay mabibili mo lamang sa halagang tatlong piso," aniya.





Nanlaki ang aking mga mata sa narinig. Tatlong piso para sa mga telang nagmula pa sa ibang bansa, hindi ba't sobrang mura naman yata noon? Base sa aking nahihinuha ay hindi ako tatantanan ni Ginang Sonya hangga't hindi niya napagbibili sa akin ang mga telang ito kaya naman iyon ang aking ginawa. Sana'y mayroon pa siyang tubo kung ganoon kababang presiyo niya ipinagbibili ang mga telang may ganoong kagandang kalidad.






Hawak ang supot na naglalaman ng mga tela ay bumili ako ng tuyo sa malapit na tindahan. Mura lang kasi iyon at paborito ito ng aking kapatid na si Stella. Nakakatuwang pihikan siya noon sa pagkain kaya't nagulat ako na naibigan niya ang tuyo kasabay ng piniritong kanin sa umaga.




"Atrapar al ladrón!" (Hulihin ang magnanakaw!), narinig kong sigaw ng isang armadong sundalong Espanyol.





Papalapit sa akin ang isang tumatakbong batang babae na sa wari ko'y nasa edad na tatlo. Sugatan ang bata at nakasaklob sa kaniyang maliliit na kamay ang mga butil ng bigas. Nang makita ako nito ay nagtago ito sa aking likuran.




"Eres cómplice de ese bastardo?!" (Ikaw ba ay kasabwat ng hampaslupang iyan?!) malakas na sigaw ng sundalong Espanyol sa akin.




Nakakapagtakang para bang walang naririnig o nakikita ang mga tao sa pamilihan. Lahat sila'y abala sa pamimili at pagtitinda. Sa kabilang banda, ang sundalong Espanyol na nasa aking tapat ay hindi ko maalala. Malamang ay bago lamang ito.





"¡Respóndeme!" (Sumagot ka!)





Ramdam ko ang takot ng bata sa aking likuran nang hawakan nitong mahigpit ang laylayan ng aking pantalon. Sa pagkakataong ito ay nahulog na sa lupa ang mga bigas na ipinuslit niya.




"Esta niña es mi hermana. Me gustaría disculparme por lo que pasó. Pagaré por el grano de arroz que recibió," (Ang batang ito ay aking nakababatang kapatid. Ako'y humihingi ng tawad sa nangyari. Hayaan mong bayaran ko ang butil ng bigas na hindi niya nabayaran), mahinahon kong wika.





"Tú hablas Español?" (Marunong kang mag-Espanyol?) hindi makapaniwalang tanong ng sundalo.




Imbes na sumagot ay kumuha ako sa aking bulsa ng limang pisong barya. Kung tutuusin ay katumbas na iyon ng dalawang salop ng bigas. Nang iabot ko iyon sa sundalong Espanyol ay lalo lamang itong nagalit. Kulang pa raw iyon sapagkat ang batang nasa aking likuran ay matagal nang magnanakaw.





Itinutok ng sundalo ang kaniyang baril sa akin. Tinitigan ko lamang ito sa mata at ang bata naman ay pinanatili kong nakatago sa aking likuran. Nakahanda na akong barilin ng sundalo nang mayroong boses na nagpatigil rito.




"Baja tu arma, Alvaro!" (Ibaba mo ang iyong baril, Alvaro!) utos ni Tristan.




-Terrorious

×××

Kaalaman tungkol sa presyo ng bigas noon:

Hanggang dekada-1980 ang bilihan ng bigas sa palengke ay sa “ganta” o “salop”. Halaw ang “ganta” sa India; ang “salop” ay salitang Malay. Katumbas nu'n ang halos dalawang kilo.

Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon