KABANATA 26: Paratang

2.9K 119 30
                                    

"Heneral Guevarra, saan mo balak magpunta?" seryosong anas ni Jose nang siya'y aking makadaupang palad sa daan.




"Nais kong bawiin si Nena mula sa mga Espanyol. Hindi maaatim ng aking puso ang manatili sa isang tabi habang siya'y naghihirap," mariin kong sagot.




Akmang itutuloy ko ang aking paglalakbay nang harangan niya ang daan gamit ang kaniyang sarili. Nakatayo siya nang tuwid habang bukas ang kaniyang mga bisig.



"Ipagpaumanhin ninyo subalit hindi ko hahayaang malagay kayo sa kapahamakan, heneral. Batid po ninyong kumakalat sa buong San Fernando ang balitang kayo ay umiibig sa heneral ng Espanya, kaya't hindi makabubuti ang makita nila kayong patungo sa kaniyang mansyon," pagklaro ni Jose.




Pawang katotohanan ang lahat ng kaniyang nabanggit. Magmula sa balitang ako'y labis na umiibig sa heneral ng Espanya, gayon rin sa pagtutol ng buong San Fernando sa aming pagmamahalan. Kahit anong pilit kong itatak sa aking isip na ito'y isang kasalanan, ay hindi ko magawang burahin siya sa aking puso.




Sa wakas ay hinayaan na lamang ako ni Jose matapos marinig ang aking paliwanag. Tirik ang araw sa kalangitan ngunit hindi ako nagsisi na hindi ako sumakay sa aking kabayo patungo sa aking destinasiyon. Bago sa aking paningin na makitang ang aking mga kababayan na noon ay hindi magkandamayaw sa pagbati, ay hindi man lamang ako matapunan ng tingin ngayon.




"Hindi siya nararapat bilang punong heneral..."




"Isang malaking kasalanan ang pagmamahalan ng dalawang kalalakihan..."




"Nakasisiguro akong naghihinagpis sina Donya Florencia at ang namayapang si Don Marcelo sa kinahinatnan ng kanilang unico hijo..."




Iyan ang ilang bulungan na aking narinig nang mapadaan ako sa pamilihang bayan. Ang bawat salitang kanilang binibigkas ay waring punyal na tumutusok sa aking puso. Umiling ako at ipinagpatuloy ang paglalakad nang makaramdam ako ng kirot sa aking noo.



"Isa kang salot sa ating lipunan!"




"Naturingan kang heneral ngunit isa kang parausan!"




"Kung ang kapalit nang kalayaan ay ang pagkawala ng puri at dangal, ay mabuti pang sakupin na lamang tayo ng mga dayuhan!"




Ang mga bulyaw na aking naririnig ay umugong sa aking tainga habang patuloy na tumatama ang mga bato sa aking katawan. Wala akong magawa kung hindi tanggapin ang sakit at hayaan silang tamaan ang aking likod, braso, maging ang aking mukha hanggang sa hindi na ako makaramdam. Nakita ko na lamang ang aking duguang sarili na nakahandusay sa mainit na lupa.




Maya-maya pa'y isang malakas na pito ang nagpahinto sa naganap na kumosiyon. Lumapit ang mga lokal na sundalo na pawang armado. Sandali nilang pinagmasdan ang aking kalagayan bago sumambit ng salita.






"Ang inyong inaakusahan ay isa pa ring ganap na punong heneral. Lahat ng naririto ay nararapat lamang na hatulan ng karampatang kaparusahan."





"Hindi namin matatanggap na manatili siyang punong heneral! Magmula noong tumaas ang buwis na aming binabayaran nang walang kadahilanan, ay hindi na namin siya tinuring na heneral," ani ng isang matandang sa tingin ko'y magsasaka.





Sumabat ang isang ginang na tumatangis, "Buong akala namin ay isa kang mabuti at huwarang heneral, subalit ipinautos mo sa iyong mga sundalo na... ipagbili ang aming lupain sa mga Espanyol."





Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon