KABANATA 35: Pamamanhikan

1.8K 100 34
                                    

Matapos ang mahabang paglalakad ay narating na namin ng ginoo ang pamilihan. Totoo nga ang kaniyang sinabing ang kaniyang mga sundalo ay nagpupulong sapagkat wala ang mga ito sa paligid. Nakakatuwang pagmasdan ang mga mamimili na malayang nakikipagkalakalan.



"Ginoo, kailangan nating sumakay riyan upang marating ang aming tirahan," turo ko sa aking bangka na nakatali sa daungan.




Humawak ito sa kaniyang baba at malalim na nag-isip. Nakatutok ang kaniyang mga mata sa maliit na bangka kung saan kami sasakay. Malamang ay nag-aalangan itong sumakay roon sapagkat ang mga pag-aari niyang bangka ay hindi hamak na mas malalaki kumpara dito.




Maya-maya pa'y nauna na itong sumakay at magiliw na inilahad ang kamay sa akin upang tulungan akong makasakay. Habang abala ako sa pagtatanggal ng pagkakatali ng aking bangka, ang ginoo naman ay pawang pinapakiramdaman ang bangka. Sa palagay ko'y natatakot itong mahulog sa karagatan.




"Bulaklak! Bumili na po kayo ng bulaklak!" pag-aalok ng isang batang lalaking malapit sa amin.



Bukod sa kaniya ay malaya ring nakakapagtinda ang ilang taong walang puwesto sa pamilihan sa pamamagitan ng paglalatag ng malapad na dahon o tela sa lupa. Doon nila inilalagay ang kanilang mga paninda katulad ng gulay, prutas, at mga palamuti.



"Magkano iyang lahat?" ang boses na iyon ay galing kay Heneral Vicencio.




Hinanap ko ito sa bangka ngunit wala na ito. Sa isang iglap ay nasa tapat na siya ng batang nagtitinda ng iba't-ibang klaseng bulaklak. Pinagmamasdan ko lamang siya mula sa aking bangka.




"Ang lahat po ng bulaklak na ito ay nagkakahalaga ng humigit kumulang limang piso, sapagkat tumaas ang presiyo nito sa nagdaang bagyo," sagot ng bata.



Humugot ang ginoo ng akala ko'y salapi sa bulsa ng kaniyang pantalon. Nang inilabas nito ang isang pilak at akmang iaabot ito sa bata ay nagkukumahog akong lumapit.




"Ito na ang bayad ng ginoo. Maraming salamat," wika ko at iniabot ang limang piso.




Nakangiting tumango ang bata, "Maraming salamat rin po inyo, mga nagkikisigang ginoo. Nawa'y magustuhan ng inyong mga iniibig ang mga bulaklak na iyan."



Nagulat ako nang iabot sa akin ni Heneral Vicencio ang tatlong tangkay ng bulaklak ng gumamela, "Nagustuhan mo ba ang bulaklak na iyan, aking sinta?"




Nakamamatay na tingin ang iginawad ko sa Heneral ng Espanya, ngunit binigyan lamang ako nito nang matamis na ngiti. Ang bata naman na pinagbilhan namin ng mga bulaklak ay para bang na-estatuwa sa narinig. Tumango-tango ito at sinabing mabuhay raw kami nang matagal sa piling ng isa't-isa bago lumisan.




"Alam mo bang ang isang pilak ay nagkakahalaga nang walong real? Katumbas ito ng walumpung piso, Javier," may diin ang bawat salitang aking binitawan habang nagsasagwan.



Nasa kalagitnaan na kami ng karagatan at mula pa kanina'y pinagsasabihan ko ang heneral. Nakayuko itong nagsasagwan at hindi ko mawari kung ako ba'y kaniyang pinakikinggan.



"Alam ko... aking sinta. Subalit bukod sa mga pilak ay wala akong dalang salapi," halos bulong niyang sagot.



"Kung wala ako roon ay hindi ka magdadalawang-isip na gamiting pambayad ang pilak, tama ba ako?"




"Tama ka, aking sinta. Dahil sa nagdaang bagyo ay nais kong tulungan ang batang iyon kahit sa maliit na paraan," kampante niyang sagot.




"Ang ibig mo bang sabihin ay binili mo lamang ang mga bulaklak upang makatulong?" tanong ko ulit.




Itinigil nito ang pagsasagwan at hinawakan ang aking kanang kamay. Maya-maya pa'y dinampian niya ng halik ang likod nito.




"Aking sinta, ang mga bulaklak na aking binili ay para sa iyo... lalo na ang mga gumamela. Oo, nais kong makatulong sa aking sariling paraan subalit ang pinakamahalaga sa akin ay walang iba kung hindi ikaw," buong puso niyang pahayag.




Kung kaming dalawa'y naglalaban sa isang debate ay aaminin ko na ang aking pagkatalo. Ang heneral na ito ay sadyang maingat sumagot at kapag wala ng lusot ay gagamitan ka nang matamis niyang mga salita.





Hindi pa man kami tuluyang nakakalapit sa dalampasigan ay nasisilayan ko na si ina. Bukod sa kaniya ay naroon rin sina Mang Romolo at Jose na naghahanda sa pangingisda. May ilan ring mga naninirahan roon na nagtatampisaw sa dagat.




Sumikat na ang araw kaya marahil ay hindi ako maaninag ni ina mula sa kaniyang kinatatayuan, ngunit nang malapit na ang bangka sa pampang ay sinalubong ako nito. Pagkababa ko sa bangka ay agaran ako nitong niyakap at sinabing labis siyang nag-alala sa hindi ko pagbalik noong gabi.



Nang mapansing hindi ako mag-isang bumalik sa isla ay tila nabagabag ito. Kinuha iyong tiyempo ni Heneral Vicencio upang bumaba sa bangka at magmano sa aking ina.



"Kasing-ganda po kayo ng umaga, Donya Florencia. Para sa inyo po ang mga bulaklak na ito," nakayuko niyang iniabot ang mga rosas na kaniyang dala.



Kung gayon ay ang gumamela ay sa akin, samantalang ang pulang rosas ay para sa aking ina. Ang ilan pang mga uri ng bulaklak gaya ng sampaguita ay para raw sa aking kapatid na si Stella, at ang santan naman ay para kay Nena.




"Maraming salamat sa iyong papuri at sa mga... bulaklak na ito, Heneral," yakap ni ina ang mga iyon at tinapik ang balikat ng ginoo.




"Javier na lamang po ang itawag niyo sa akin," lumapit ito sa aking ina at bumulong, "Batid ko pong malaki ang galit ng ilang naninirahan rito sa mga Espanyol."



Tumawa ang aking ina sa narinig, "Mas mapapanatag rin ako kung hindi mo na ako tatawaging Donya, Javier."



"Masusunod po... ina," mabilis nitong sagot, dahilan para magulat kaming dalawa ni ina.





"Tsk! Tsk! Tsk! Tiyak na mas maiibigan ni Tiya Florencia ang bigas kaysa sa mga bulaklak na iyong dala, ginoo," naka-krus ang mga braso ni Jose at nagpaikot-ikot kay Heneral Vicencio na tila isa itong bisor.




"G-ganoon po ba, ina? Nais niyo po bang padalhan ko kayo rito ng maraming bigas?" tanong ni Heneral Vicencio sa aking ina.




Hindi naman kaagad nakasagot si ina nang muling magsalita si Jose, "Sa islang ito ay hindi po kami tumatanggap ng kahit na ano ng walang kabayaran. Nagkakaroon lamang po kami ng bigas at iba pang pagkain sa pamamagitan ng pangingisda."



Napahawak si Heneral Guevarra sa kaniyang baba at malalim na nag-isip. Matalim namang tinitigan ni ina si Jose, senyales na itigil na nito ang pagsasalita.


"Pagpasensiyahan mo na ang mapagbirong si Jose, Javier. Nais lamang niyang makasama ka namin sa pangingisda," paglilinaw ni Mang Romolo.




"Ah, ganoon po ba?" pailalim na tumingin sa akin si Heneral Vicencio, tila gusto nitong kumpirmahin kung tama ang kaniyang narinig.




"Kung ako sayo'y magpapakitang gilas ako kay Tiya Florencia, ginoo. Isa iyong susi sa matagumpay na pamamanhika–" tinakpan ko ang ilong at bibig ni Jose bago pa niya matapos ang kaniyang sasabihin.




"Siguraduhin ninyong matibay ang ating bangka sapagkat pupunuin natin ito ng mga isda ngayong araw," taas-noong pagmamayabang ng ginoo na siyang aking ikinabahala.



-Terrorious

×××

Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon