KABANATA 21: Karamdaman

4.7K 156 14
                                    

Heneral Guevarra, ang inyong ina ay malala na ang kalagayan. . .



Nang marinig ko ang balita kay Jose ay hindi na ako nakapagpaalam pa sa ginoo. Hindi na rin ako nakapagsalita sapagkat pinipigil ko ang luhang namumuo sa aking mga mata. Mabigat ang aking puso nang sumakay ako sa kabayo na pagmamay-ari ng isa sa mga sundalo.




Marahil ay hindi ko napansing matulin ang takbo ng kabayo dahilan upang magsitabi ang bawat mamamayang nadaanan ko. Waring naudlot ko pa ang kanilang talakayan na sa aking pagkakarinig ay pumapatungkol sa aking ina.




Wala pang kalahating oras ay narating ko rin sa wakas ang tarangkahan ng aming mansyon. Doon ay aking nakita ang napakaraming bisita. Kasapi man ng pamahalaan o maging karatig nayon ay naririto. Lahat sila'y hindi mapalagay sapagkat hindi sila pinahihintulutang makapasok sa loob upang makiusisa.




"Ryannel, bakit ngayon ka lamang bumalik?" bungad sa akin ni Mang Romolo.





Mahigpit kong kinuyom ang aking kamao, nilalabanan ang matinding emosiyon, "Ako po'y humihingi nang paumanhin sa aking huling pagbabalik. Maari ko po bang malaman kung nasaan po ang aking ina?"




Panandaliang natahimik si Mang Romolo bago ito sumagot, "Naroon siya sa kanyang silid upang magpahinga."





Malumanay man ang tono ng kaniyang pananalita ay hindi pa rin nawala ang bigat sa aking puso. Pinuntahan ko ang aking ina at doon ay aking nasaksihan ang tunay niyang kalagayan. Patuloy ang pag-ubo nito habang katabi niya ang aking kapatid na si Stella. Bagamat nakangiti ang kanyang mukha nang ako'y kaniyang masilayan, ay nababasa ko sa kaniyang malamlam na mga mata ang paghihirap.





"Salamat sa panginoon at nakabalik ka, anak. Saan ka ba–" hindi niya nagawang matapos ang kaniyang nais sabihin nang siya'y aking yakapin.




Ang mga luhang kanina ko pa pinipigilan ay malayang kumawala sa aking mga mata. Lubos akong nag-aalala noong hindi ko pa siya nasisilayan, ngunit mas lalo lamang akong nagpadala sa aking emosiyon nang siya'y aking mayakap.




Naghihikahos akong nagsalita, "Ina, a-ako po'y patawarin ninyo sa hindi ko agarang pagbalik."




Hinaplos ni ina ang aking mukha at pinahid ang mga luha roon, "Ang mahalaga'y nakabalik ka. Huwag kang mag-alala, anak. Ang aking karamdaman ay bunga lamang ng aking pagtanda."



"Ina!" pagtawag ni Stella sa aming atensiyon, "Huwag mo na pong itago kay kuya ang tunay niyong karamdaman."




Batid kong nais pigilan ni ina si Stella, subalit hindi niya iyon magawa sapagkat patuloy ang kaniyang pag-ubo. Umupo ako sa kaniyang tabi at ginabayan siyang humiga upang makapagpahingang muli. Nang bumukas ang pinto ng silid ay namataan ko si Binibining Juana kasama ang ilang doktor. May hawak silang mga kagamitan sa panggagamot at tinulungan ko silang mailapag iyon sa lamesa.




Tipid siyang ngumiti sa akin bago ibaling ang buo niyang atensiyon sa aking ina. Bawat pag-ubo ng aking ina ay parang tinutusok ang aking puso. Minabuti ko na lamang na lumabas sa kaniyang silid upang itago ang labis kong pagdaramdam. Ako na lamang ang sandalan ng aking ina't kapatid simula noong pumanaw si ama.




"Kailangan kong maging matatag para sa kanila," paulit-ulit kong binibigkas subalit sumasalungat iyan sa aking mga luha.




"Ginoo, maari ba kitang makausap?" tanong ni Binibining Juana matapos siyang makalabas ng silid.



Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon