KABANATA 45: Palatuntunan

1.7K 75 22
                                    

Sapagkat limitado lamang ang panahon bago ang batalya ay hindi mawala sa aking puso ang pag-aalala. Kung husay lamang ay walang dudang napakagaling ni Heneral Vicencio sa pakikipaglaban. Bukod sa taglay niyang lakas ay alerto rin ito. Tila ba batid nito ang bawat kong galaw sa tuwing kami ay nag-eensayo.





Ngayon ang araw ng batalya at kasalukuyan akong nasa isla kung saan naninirahan ang aking magulang at kapatid. Si Heneral Vicencio ay nagpasyang maunang bumalik sa San Fernando matapos ang huli naming ensayo sa islang ito. Marahil ay nais niyang salubungin ang aking pamilya, subalit malaki ang posibilidad na hindi ito mangyari.





"Stella, buo na ba ang iyong pasiya na hindi mo nais masaksihan ang batalya ng mga Espanyol?" usal ko sa aking kapatid na kasalukuyang nagtutupi ng kaniyang mga kasuotan.




"Buo na po ang aking desisyon, kuya. Nais kong samahan si ina rito imbes na saksihan ang batalyang iyon."




Ni hindi lamang ako nito tinitigan sa aking mata ng banggitin niya iyon. Inaasahang mapupuno ang malawak na lupain ng mansyon nina Heneral Vicencio sapagkat inanyayahan ni Donya Isabella ang lahat ng mga lokal sa San Fernando at mga kalapit bayan na maging saksi sa naturang batalya. Kahapon ay pumarito si Binibining Juana upang pormal na imbitahan ang aming pamilya na dumalo. Nalalapit na rin ang kaniyang kasal kay Tristan at bakas sa mukha nito ang tuwa.





Bilang paglilinaw, ang sasama sa akin pabalik sa San Fernando ay tanging si Jose lamang. Hindi makabubuti kay ina ang batalya, samantalang si Mang Romolo, Nena at Stella ay piniling samahan si ina na siyang aking pinasalamat. Naisin ko mang manatili rito kasama nila ay mapapanatag ang aking loob kung naroon ako upang suportahan si Heneral Vicencio imbes na maghintay na lamang ng balita. Isa pa, nais ko ring makita ang mga lokal na pupunta at ang mga kasapi ng katipunan.





Gamit ang bangkang pangisda ay tinawid namin ni Jose ang katubigan patungo sa San Fernando. Hindi ko namataan si Heneral Vicencio sa daungan kung kaya't nakasisiguro akong naroroon siya sa kanilang mansyon upang maghanda. Inasahan ko namang walang mga sundalong Espanyol sa paligid.




"Ryannel, rito!" ang malakas na boses na iyon ay galing kay Tinyente Ismael nang mamataan niya akong naghahanap ng mauupuan sa gaganapan ng batalya.





Dahil sa kaniyang pagtawag ay natuon sa akin ang atensiyon ng ilang naroroon. Nang batiin ako ng mga lokal kong kakilala ay binati ko silang pabalik. Nagtatanong pa ang ilan sa mga ito kung nasaan ang aking ina at kapatid at nang mapunta ang usapan sa kung saan kami naninirahan ay mas pinili kong huwag na itong sagutin.





"Bakit ngayon lamang kayo? Buong akala ko'y hindi ka na darating, Ryannel," bagkus Tinyente Ismael.





"Hindi maaaring hindi ako pumarito, Tinyente," ang aking mga mata'y gumagala sa paligid, hinahanap ang kalahok na nais kong makita.





Nasa unahan nakaupo sina Donya Isabella, si Heneral Gerardo, Donya Gerardo, si Binibining Juana at Tristan. Magagara ang kanilang mga kasuotan. Samantala, nasa kanilang likuran ang ilang Espanyol na marahil ay mataas ang katungkulan at mga kasapi ng pamahalaang lokal. Naroroon sina Ginoong Pablo, Tandang Dante, at maging si Padre Dencio. Ako ay nakapuwesto sa bandang likuran kaya't hindi nila ako matanaw rito.




Nasaan na siya?





Nasaan ang mga kalahok?






"Kung ang sinisipat mo ay si Heneral Vicencio ay hindi mo siya matatagpuan sa paligid, Ryannel," saad ni Tinyente Ismael na siyang aking ikinabigla.






Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon