KABANATA 31: Tulong

1.4K 92 30
                                    

"Ang totoo niya'y ihahatid ko sana ang iyong uniporme sa inyong mansyon," dagdag pa ng matanda. Bakas sa tono ng boses nito ang paggiliw.




"Naku, huwag na po! Nakakahiya na nga pong nagpatahi ako inyo sa dami ng inyong gawain rito sa pamilihan," wika ng heneral.




Habang abala ang dalawa sa pag-uusap ay nakahanap ako ng tiyempo na lumapit sa mga kasuotan roon. Sinuot kong muli ang aking sumbrero at nagkunwaring naghahanap ng baro. Hindi pa man ako nagtatagal roon ay narinig ko na ang dahan-dahang paghakbang na papalapit sa aking direksiyon.





Nang lumabas mula sa silid-sukatan ang isang binibini ay basta na lamang akong kumuha ng kahit anong damit at ikinulong ang sarili roon. Naghahabol ako ng aking hininga na para bang galing ako sa karera.





"Bakit ba siya naparito? Bakit ngayon pa?!" sigaw ng aking isip.





Sa aking harapan ang isang malaking salamin at daig ko pa ang nakakita ng multo kahit hindi ko pa naman siya nasisilayan. Kahit hindi siya tawaging Heneral Vicencio ng matanda ay malalaman kong siya nga iyong tunay. Sa kaniyang malalim na boses at ang bilis nang tibok ng puso ko noon kapag siya'y papalapit.




Hindi ko dapat ito nararamdaman. 




Bumaling ang aking tingin sa kahoy na dingding nang may kumatok rito galing sa kabilang silid-sukatan.





"Ginoo, inyong pong ipagpaumanhin ngunit ang kasuotan na iyong napili ay para sa akin. Iyan ang unipormeng ipinatahi ko rito kay Ginang Sonya," ang boses iyon ay mula kay Heneral Vicencio.




Nanlaki ang aking mga mata nang mapagtantong ang hawak ko ay ang kulay berde niyang uniporme. Maging ang kaniyang pangalan ay nakatahi sa kanang dibdib nito.




Javier Vicencio



"Ginoo, ikaw ba'y... nariyan pa sa loob?" tanong ni Heneral Vicencio at muling kumatok.




Pilit akong umubo nang malakas, umaasang magbabago ang aking tinig upang hindi niya ito matunugan.




"P-pasensiya na po. Heto po ang inyong uniporme," mahina kong sambit at inilusot ang uniporme sa uwang ng dingding patungo sa kaniya.




"Gracias," pasasalamat niya.





Dali-dali akong lumabas ng silid-sukatan nang marinig kong sinusukat niya na ang kaniyang uniporme. Bumungad sa akin ang matandang babae hawak ang nakasupot na mga tela. Ibinigay ko sa kaniya ang salaping pambayad kapalit nito at mabilis na lumabas sa pamilihan. Sakto namang naroon si Jose kaya't hindi na ako naghintay pa.




"Mang Romolo, tayo na po't bumalik sa isla!" naghihingalo kong wika nang makabalik kami ni Jose sa bangka.





Hindi naman nagtanong pa si Mang Romolo. Tinanggal niya ang pagkakatali ng bangka at nagsimulang magsagwan pabalik sa isla. Matapos ang mahigit isang oras ay nakarating na kami sa pampang. Sinalubong kami nina Nena at Stella na mukhang kakatapos lamang maglabada.




"Kuya, maligayang pagbabalik!" bati ni Stella.





Iniabot ko sa kaniya ang nakasupot na rolyo ng mga tela at binati siya pabalik. Mabuti at nakabili ng mga mais si Jose sa pamilihan kaya't kahit papaano ay mayroon kaming pasalubong para sa kanila.





Nakahanda na ang pagkain sa lapag ng aming kubo nang pumasok ako roon. Marami mang pumapasok sa aking isip ay hindi ako tumanggi nang hainan ako ni ina. Sadyang maliit ang kubo na aming tinitirahan dahilan para mag-umpugan ang aming mga siko. Gayunpaman, ang araw-araw naming salo-salo ang nakapagpapawala ng aking pagod sa maghapong pangingisda.




"Anak, mayroon kang bisita," wika ni ina. Tumigil naman ako agad sa pagbabasa ng aklat ng panitikan.




Maya-maya pa'y pumasok ng kubo si Binibining Juana. Nakasuot ito ng pang-karaniwang kasuotan katulad noong nagdaang linggo nang bumisita ito sa akin. Nagmano ito kay ina bilang pagrespeto at umupo sa aking tabi. Nang senyasan ko ang aking kapatid na si Stella na bigyan ng inumin ang aming bisita ay agaran naman itong sumunod. Lumabas rin silang dalawa ni ina sa kubo upang bigyan kami ni Binibining Juana ng espasiyo.




"Totoo nga ang ating prediksiyon, Ginoo. Nakipagkasundo nga ang aking ama't-ina sa mga Espanyol at maaaring ginamit lamang nila si N-nena upang mapatalsik ka sa iyong puwesto bilang Punong Heneral," pag-amin ni Binibining Juana.




Para bang may apoy sa aking puso na ngayo'y sumiklab pagkatapos kong marinig iyon, "Saan at p-paano mo ito nalaman, Binibini?"




"Nalaman ko lamang ito noong Miyerkules, tatlong araw na ang nakakalipas. Malalim na ang gabi noon nang bumisita sa aming mansyon sina Donya Isabella at ang kaniyang anak na punong heneral ng mga Espanyol na si Heneral Vicencio. Palihim ang pagbisitang ito at narinig kong pinag-uusapan nila ang tungkol sa planong pag-angkin sa lupain ng mga maralita. Kailangan nating gumawa ng aksiyon, Ginoo," bakas sa kaniyang boses ang labis na pangangamba.




Ako nama'y tila naubusan ng sasabihin, pilit pinoproseso ng aking utak ang mga impormasiyong nalaman. Bukod kay Binibining Juana ay wala ng ibang taga-lungsod ang nakakaalam kung nasaan ako kasalukuyang naninirahan. Tandang-tanda ko pa noon kung paano ako nakiusap na bigyan ng medisinang nagpagaling sa aking ina para lamang sikretong iabot kay Paz na siya ring nagpagaling kay Heneral Vicencio. Ngayong napag-alaman kong kasapi siya nina Don Gerardo ay kumirot ang aking puso.




Iniisip ko kung plinano niya ba talaga ang lahat mula sa una naming pagkikita.





"Ginoo?" ikinaway ni Binibining Juana ang kaniyang kamay, tapat ng aking mukha upang kuhain ang aking atensiyon.






Tinitigan ko siya sa kaniyang mga mata, "Binibining Juana, ako'y labis na nagpapasalamat sa balitang iyong inihatid subalit... hindi ba ito makakasama sa iyo? Batid kong mayroon kang busilak na kalooban at nais mo ring tulungan ang ating kapwa pilipino ngunit si Don Gerardo na punong heneral ngayon ay siya ring ama mo."





"Tama ka, ginoo. Ang katotohanang siya ang aking ama ang hindi ko lubusang matanggap. B-buong buhay ko'y hindi ako kailanman tumanggi sa kaniyang kagustuhan. Noong nagtungo ako ng Amerika upang mag-aral at mapalayo sa iyo ay siya rin ang may kagustuhan nito," naging emosiyunal ang binibini.





Walang pag-aalinlangan ko siyang niyakap. Ang bawat salitang kaniyang binitawan ay parang kay tagal niyang kinimkim at sa loob nang maraming taon ay ngayon niya lamang ito naipahayag. Batid kong sakim ang kaniyang ama at gagawin nito ang lahat mapanatili lamang nito ang kaniyang posisyon... kahit pa saktan ang damdamin ng kaniyang nag-iisang anak.





Sa gitna ng mga hikbi ng binibini ay muli itong nagsalita, "G-ginoo, k-kailangan mo akong iligtas. Kasabay nang pagbalik ni Binibining Leonor sa Espanya ay sinabi ni ama na ipapakasal niya ako sa isang Espanyol. M-malakas ang kutob kong ang lalaking ipapakasal sa akin ay si.... Heneral Vicencio."





-Terrorious

×××

Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon