KABANATA 39: Alkalde

2.4K 84 36
                                    

"Heneral Guevarra!" tinawag ako ni Jose mula sa malayo habang ang mga kamay nito'y kumakaway pa sa ere nang makita ako.






Ang ilan namang mga mamimili ay napatingin sa aking direksiyon. Masama kong tiningnan si Jose kaya tinakpan nito ang kaniyang bibig. Nang tuluyan na akong makalapit sa kaniya'y pinunasan ko ang aking pawis. Simula kasi noong iniwan ko ang punong heneral ng mga Espanyol sa tindahan hanggang sa makarating ako sa daungan ay mabilis akong tumakbo. Kung tutuusin ay ilang dipa lamang ang layo nito subalit marahil ay naghalo-halo na ang aking nararamdaman na sinabayan pa ng init ng araw.






"Sinabi ko na sa iyong huwag mo na ako tawaging Heneral Guevarra, hindi ba?" paalala ko.






Kumamot ito sa kaniyang ulo, "Pasensiya na po, ginoo. Sadyang makakalimutin ako. Iniisip ko nga po na kapag dumating ang araw na italaga kang muli bilang punong heneral ay ginoo naman ang lagi kong itawag sa inyo."






"Mas mainam sa akin iyon. Sa tagal ng ating pinagsamahan ay mas ikatutuwa ng aking puso kung tatawagin mo akong ginoo kaysa heneral," ani ko at iniabot ang liham at mga tela na para kay ina.






Sinubukan pa ngang basahin ni Jose ang liham ngunit pinigilan ko ito. Maya-maya pa'y namataan ko si Mang Romolo na agad rin akong kinamusta. Mas marami raw ang huli ngayong mga isda kumpara noong nakaraan na siya namang aking ikinatuwa.






"Hindi mo ba nais umuwi ngayong gabi, Ryannel? Maari naman kayong magsabay nina Stella at iyong ina bukas patungo sa mansyon ni Don Gerardo," suwestiyon ni Mang Romolo.






"Hindi na po, Mang Romolo. Hihingi po sana ako ng pabor na ihatid sila rito kasama si Nena bukas. Imbitado po ang buong San Fernando kaya't lahat po tayo ay maaring dumalo," saad ko.







Lumapit sa akin si Jose at binigyan ako nang kuwestiyunableng tingin, "Ginoo, sa palagay ko ay mas makakabuti sa iyong magpahinga sa inyong tirahan kaysa kay Tinyente Ismael. Marami po kayong mga kagat ng lamok lalo na sa iyong leeg. Teka, may ngipin po ba ang mga lamok–"






Tinakpan ni Mang Romolo ang bibig ni Jose at sapilitan itong pinasakay sa bangka, "Mauuna na kami, Ryannel. Mag-iingat ka."






Pilit akong ngumiti sapagkat kinakain na ako ng hiya sa aking kinatatayuan. Kinawayan ko sila Mang Romolo at Jose bilang paalam at nang tuluyan na itong mawala sa aking paningin ay napatakip ako ng aking mukha.






Nakahanda na sa hapag-kainan ang mainit na kanin at sinabawang isda na aking iniluto pagkarating ni Tinyente Ismael sa kaniyang tirahan nang lumubog ang araw. Kinuwento nito na mabusisi ang paghahanda sa mansyon ng mga Gerardo para sa kaarawan ng kanilang padre de pamilya. Si Donya Gerardo na kilala sa pagiging pihikan ay nagpatulong pa sa ilang kilalang ilustrador na maalam sa pagdidesenyo masiguro lamang na magiging engrande ang kanilang malawak na hardin.






"Ryannel, bago ko pa makalimutan. Ipinadala ko sa inyong isla ang mga kasuotang maaring suotin nina Donya Florencia para bukas. At ito naman ay para sa iyo," binigay sa akin ni Tinyente Ismael ang nakatuping barong at pantalon na wari ko'y mahal ang halaga. Kulay puti ang mga ito at may itim na mga disenyong nakaburda at mayroon ring pares ng sapatos.






"Naku! Hindi ko matatanggap ang mga ito, Tinyente," pagtanggi ko subalit hindi ito pumayag.






"Ryannel, ang tunay na basehan ng kapangyarihan ay ang iyong kasuotan. Iyan ang sinabi sa akin ng aking ama na hanggang ngayo'y nakatatak pa rin sa aking isipan," anito.







Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon