KABANATA 30: Tela

1.6K 98 44
                                    

"Magandang umaga, Mang Romolo at Jose!" bati ko sa kanila nang sila'y aking matanaw sa dalampasigan.





Itinigil nilang dalawa ang paghahanda sa bangka nang marinig ako. Pupungay-pungay pa ang mata ni Jose. Halata sa mukha nitong kagigising lamang habang si Mang Romolo naman ay tinulungan akong buhatin ang ilan sa mga kagamitan sa pangingisda.




"Magandang umaga rin sa iyo, Ryannel. Nag-agahan ka na ba?" tanong ni Mang Romolo.





Tumango ako habang pinagmamasdan ang alon sa dagat, "Opo, Mang Romolo. Maagang naghanda sina Stella at Nena ng agahan. Si Ina naman ay nagtatahi ng mga telang nabili niya sa pamilihang bayan noong gabi."





"HENERAL GUEVARRA, NAKAHANDA NA PO ANG BANGKA. MAARI NA TAYONG LUMAYAG!" halos mabingi ako sa sinabi ni Jose. Bakas sa mukha nito ang pananabik.





Kinatok ko ang noo nito at ngumisi, "Hindi ba't paulit-ulit ko nang ipinaalala sa iyo sa huwag mo na ako tawaging Heneral Guevarra? Hindi na ako isang heneral, Jose."




Tatlong buwan na ang nakalipas mula noong bumitiw ako sa aking tungkulin bilang punong heneral ng San Fernando. Minabuti ni ina na ipagbili ang aming mansyon at gamitin ang salaping nalikom roon upang manirahan sa tagong isla. Pangingisda ang pangunahing pinagkakakitaan ng mga tao rito. Ang mga naninirahan ay payapa at malayo sa siyudad kung saan malayang nakadestino ang mga sundalong Espanyol.






Bago pa man sumikat ang araw ay nagsimula na kaming lumayag patungo sa gitna ng dagat. Kaming tatlo nina Jose at Mang Romolo ay nanghuhuli ng isda araw-araw na aming ibinibenta sa pamilihan kapalit ng bigas at kaunting salapi. Pagtatahi naman ang pinagkaka-abalahan nina Ina, Stella, at Nena sa isla. Buong akala ko noon ay hindi kami magtatagal sa islang ito sapagkat nasanay kaming tumira sa siyudad, ngunit nagkamali ako.





Nang maayos namin ang lambat sa ilalim ng dagat ay mahaba-habang paghihintay at ang mainit na araw ang aming naging kalaban. Kung noon ay napagkakamalan akong dayuhan sa aking maputlang balat, ngayon ay kayumanggi na ito. Nang tumulo ang pawis sa aking noo ay pinunasan ko rin iyon kaagad gamit ang tuwalyang nakasabit sa aking kanang balikat. Ibinigay ko naman ay Mang Romolo ang aking sumbrerong yari sa tambo nang mapansing naiinitan rin ito.






"Balita ko'y nagpo-protesta ang ilan sa ating kababayan sa lungsod sapagkat napakataas ng buwis na sinisingil ng bagong punong heneral," pagbabahagi ni Jose.





Napakamot ng ulo si Mang Romolo, "Totoo ba ang aking narinig? Hindi ba't noong nakaraang buwan ay itinaas niya ito sa tatlumpung piso?"





"Opo, Mang Romolo. Hulaan niyo kung magkano na ito ngayon?" itinaas pa ni Jose ang kaniyang panurong daliri na parang isang guro.





"Magkano?" lumapit si Mang Romolo, hinihintay ang sagot ni Jose.





"Hulaan niyo nga po," ani Jose. Sa tagal ko na itong kilala ay malabong sabihin niya ito nang ganoon na lamang.





"Tatlumpu't lima?" hula ni Mang Romolo.




"Hindi po," sagot ni Jose.





"A-apatnapu?" hula muli ni Mang Romolo.





"Malapit ka na po," diretsong sagot ni Jose. Halata sa mukha ni Mang Romolo ang pagkainis.





Hinawakan ni Mang Romolo ang balikat ni Jose at pabirong nagbanta, "Malapit ka na ring masaktan, Jose."





Alapaap | R-18Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon