Chapter 15

103 0 0
                                    

Kasalukuyang nag-aayos ng gamit si Nikki nang pumasok si Cedric. "Nagugutom ka na ba?" tanong nito nang maupo malapit sa dalaga.

"Okay lang ako," walang emosyong sagot ng dalaga.

"Iaayos ko lang 'yung pinamili natin sa ref . Ano'ng gusto mong ulamin?" tanong ni Cedric.

"Kahit ano okay lang ako. Sunod na lang ako pagkatapos ko rito," matamlay niyang sagot.

Napabuga na lang ng hangin si Cedric. Nawala kasi ang kaninang excitement sa kilos at pananalita ni Nikki.

Hindi mapakali si Cedric habang nasa kusina. Nababagabag kasi siya sa biglang pananahimik ng dalaga. "Pahamak ka talaga, Louie! Ayos na sana nakialam ka pa!" bulong niya sabay taga ng itak sa sangkalan. Lumingon siya sa kwarto pagkatapos ay muli siyang nagpapatuloy sa ginagawa. Nakaraos ang unang gabi nila roon nang tahimik at wala silang imikang dalawa.

"Kumakain ka ba nito?" sigaw ni Cedric mula sa ibaba atsaka niya itinaas ang isang pirasong pusit. Napadungaw si Nikki na noo'y nagkakape sa veranda. Nanlaki ang mga mata ng dalaga sabay napangiti. Dali-dali nitong ibinaba ang tasa ng kape at sinalubong siya sa hagdanan. Pero sa pagmamadali, natalisod si Nikki at dumire-diretso ito pasubsob sa binata. Napatihaya sa buhanginan si Cedric at napadagan naman sa kanya ang dalaga. Parang slow-motion na nagdikit ang mga labi nila bagay na kapwa nagpabilis ng tibok ng mga puso nila. Kapwa nanlaki ang mga mata ng dalawa nang madama ang lambot ng mga labi ng isa't isa. Ilang segundo rin sila sa ganoong sitwasyon bago itinulak papalayo ni Cedric si Nikki na para bang pasong-paso ito.

Hindi nagustuhan ni Nikki ang naging reaction ni Cedric pero hindi siya nagpahalata na nainsulto siya sa ginawa nitong pagtulak sa kanya. "Sorry," sambit ni Nikki nang makatayo. Sa sobrang hiya ay dalidali siyang umakyat at hindi na niya nilingon pa si Cedric.

Bumangon si Cedric mula sa pagkakahiga atsaka ito naupo sa buhanginan. Napabuga na lang ito ng hangin sabay tingin sa itaas. Nabigla siya sa nangyari kaya naitulak niya papalayo si Nikki imbes na alalayan niya itong tumayo. "Sabit ka na naman," aniya sabay kusot ng buhok. Muli siyang napabuga ng hangin bago siya tumayo. Itinabi niya muna ang dala niyang cooler bago siya sumunod kay Nikki sa itaas. Naabutan niya pa ito habang nililinisan nito ang sugat sa daliri nito sa kanang paa.

"Okay ka lang ba?" aniya nang maupo siya sa lapag. Inabot niya ang nasugatang paa ni Nikki atsaka niya iyon hinipan. Bahagyang umangat ang kuko sa kanang hinlalaki ni Nikki kaya alam niyang hindi biro ang tinitiis nitong sakit.

Nagulat si Nikki sa ginawang iyon ni Cedric. Taliwas kasi iyon sa naging reaction nito kanina na parang nandidiring itinulak siya papalayo. Tinangkang bawiin ni Nikki ang paa niya pero nilakihan lang siya ng mga mata ni Cedric na parang nagbabanta. Bahagyang napangiti si Nikki. Napawi na ang kaninang sama ng loob niya. Nakatingin lang siya kay Cedric habang hinihipan nito ang sugat niya sa paa. Matapos ang ilang segundo, sumulyap ito sa kanya. "Masakit pa?" malamlam ang mga matang tanong nito.

Alanganing napangiti si Nikki sabay umiling. Para siyang naakit sa malambing nitong tinig. Lalo pa nang maingat na pagpagin ni Cedric ang mga buhanging dumikit sa mga paa niya. "Bakit kasi ang clumsy mo?" nakangiting sabi nito nang tumingin sa kanya.

Tinulisan niya lang ito ng nguso pero hindi siya sumagot. Nangingiting tumayo si Cedric. Pumasok ito sa kwarto at nang makabalik ay may dala na itong panyo. Nagulat na lang siya nang maupo ito at talian ang sugat sa paa niya. "Masakit 'yan kapag nasabit sa kumot," anito nang muling tumingin sa kanya.

Bahagyang napangiti ang dalaga habang nakatitig sa binata. Ilang segundo rin sila sa ganung posisyon nang bulabugin sila nang pag-iyak ni Migui. Kapwa sila napalingon sa silid. Napatayo si Nikki pero naabot ni Cedric ang isang kamay niya. "Ako na," anito. Gumuhit ang kilabot sa buo niyang katawan nang maramdaman niya ang init ng palad ni Cedric. Pero hindi niya magawang alisin ang pagkakahawak nito sa kamay niya.

Destined To Be YoursWhere stories live. Discover now