Chapter 2

5.3K 140 2
                                    

Napa-sign of the cross si Mika bago siya pumasok sa loob.

"Oh? Ano pa'ng hinihintay mo? Bakit hindi mo pa kunin si Migui?" ani Cedric.

Napasulyap ang dalaga sa cute na bata na noo'y nakatayo habang nakahawak sa gilid ng crib. Hindi naman nalalayo ang hitsura nito kay Cedric.

"Linisan mo muna ang bata at palitan ng damit bago mo patulugin," ani Cedric.

"Okay po," mabilis niyang sagot atsaka siya lumapit sa bata.

Nanginginig ang tuhod ni Mika noon. Hindi niya mawari kung dahil ba 'yon sa takot na baka mabuking siya ni Cedric na wala siyang alam sa pag-aalaga ng bata o sadyang may kakaiba lang talagang dulot sa kanya ang presensiya ng binata. Hindi niya maintindihan ang nangyayari sa kanya noon. Dati namang malakas ang loob niya pero tila natatameme siya sa harapan ni Cedric. Medyo seryoso kasi ang mukha nito. Kinakabahan siya na baka sa maling galaw niya, basta na lang siya nitong kaladkarin palabas. Wala pa naman siya ngayong mauuwian.

Kukuhanin na niya si Migui nang marinig niya ang pagtunog ng sumarang pinto kaya agad siyang napalingon. Wala na sa likuran niya si Cedric. Napahawak na lang siya sa dibdib at nangingiting humarap sa bata." Hay! Ang sungit naman ng daddy mo, pogi," bulong niya sabay pisil sa pisngi nito.

Natawa naman ang bata na tila sumang-ayon sa sinabi niya.

Nangingiting binuhat ni Mika ang bata. At habang kalong-kalong niya ito, inisa-isa niyang buksan ang mga drawer para hanapan ito ng damit at diaper. Madali lang sa kanya ang mga ganung bagay, kayang-kaya niya pang banuin ang mga 'yon. 'Wag lang sa puntong magkakasakit at madidisgrasya ang bata. Wala kasi siyang alam sa mga ganung sitwasyon.

Lumuwang ang pagkakangiti ni Mika nang matanaw niya ang mga bundle ng diaper na nakalansan sa bandang itaas ng cabinet. Inilapag niya ang bata sa crib atsaka niya tinangkang abutin ang diaper. Pero masyadong mataas ang kinalalagyan nito kaya nahirapan siyang abutin ito. Inilinga niya ang mga mata sa paligid para humanap ng matutuntungan pero wala siyang makita. Napaupo sa gilid ng kama si Mika sabay napabuga ng hangin. "Grabe, naman 'to! Pagkuha lang ng diaper, pahirapan pa," bulong niya. Tinapik-tapik niya ng mga kamay ang kama habang nag-iisip hanggang sa makaisip siya ng solusyon. Tumuntong siya sa ibabaw ng kama atsaka siya dumukwang sa cabinet. Medyo kinulang pa rin ang taas niya kaya napatingkayad pa siya. Saktong aabutin na niya ang isang bundle ng diaper nang biglang bumukas ang pinto. Nagulat si Mika kaya nawalan siya ng balanse at dumulas ang paa niya pababa. Mabuti na lang at agad na nakatakbo papalapit sa kanya si Cedric.

Biglang namilog ang mga mata niya nang dumikit ang mga labi niya sa pisngi nito. Napayakap siya noon sa leeg ng binata kaya ganoon na lang ang kabog ng dibdib niya. Tila slow motion na napatingin sa kanya ang binata at saglit na nagtama ang kanilang paningin. Biglang nagkailangan ang dalawa nang mapansin ang posisyon nila. Nakayakap kasi sa baywang niya si Cedric habang nakayakap siya sa leeg nito.

"Ano ba kasing ginagawa mo?" ani Cedric nang ibaba siya.

"Kumukuha lang po ako ng diaper, Sir," mahinang sabi niya.

Hinila ni Cedric ang drawer na malapit sa crib at tumambad sa kanya ang mga wipes, diaper at iba pang gamit ng bata. Stock lang pala ang nakita niyang diaper na nakasalansan sa itaas. "Sa susunod, matuto kang magtanong," seryoso ang mukhang sabi nito.

"Sorry po, Sir."

Napailing si Cedric. Inabot niya ang bote ng gatas na nabitiwan niya sa kama atsaka niya isinubo sa bata." 'Wag kang magla-luck ng pinto. Anytime, sumisilip ako sa bata."

Alanganing napangiti ang dalaga. Wala rin pala siyang privacy kung ganun.

"May problema ba tayo dun, Mika?" seryoso ang mukhang tanong ni Cedric.

Destined To Be YoursWhere stories live. Discover now