Kabanata 1: Nang Ikinasal ang Dalawang Tikbalang

31 1 0
                                    

NANG UMAGANG IYON, taglay ng panahon ang pinakanakakaloko nitong pagkatao.

Boung araw na binalot ang kapaligiran ng mainit at maalinsangang panahon. Init na nakakapaso. Pero sa kalagitnaan nito, hindi inaasahang bigla na lamang bumuhos ang kagila-gilalas na ulan. Kaya naman sa gitna nito, nagmistulang mga basang sisiw ang mga tao. Sala sa init, sala sa lamig.

Isang dalagitang marahang naglalakad ang tahimik na napamura.

Siya si Sapira, Prinsesa ng Kaharian ng Montala.

Biro lang.

Ang totoo, isa siyang dakilang utusan ng isang dakilang prinsesa na anak ng isang dakilang Datu. At ang dakilang prinsesang iyon ang dahilan kung bakit hapong-hapo siya ngayon at biktima ng haliparot na panahon.

Nakasuot ang dalagita ng maiksi at kulay-putik na baro't saya na habi mula sa matibay na sanga. Bakya ang sandalyas sa kanyang mga paa. Nakatirintas ang mahaba at kulot na mga buhok.

Dahil sa biglaang bugso ng ulan, napilitan ang dalagitang maghanap ng lugar na masisilungan.

Nasa gitna ng daang nababakuran ng mga puno ang dalagita. Malayo na siya sa Kaharian ng Montala kaya't madalang ang mga istrukturang maaring silungan. Mangilan-ngilan lamang ang mga taong nagsisipaglakad.

"'Langya," aniya, "anyare sa panahon?"

Pasaway ang panahon. Nag-aagawan kasi ang matining na tirik ng araw at makulit na buhos ng ulan. Parehong ayaw magpatalo, parehong matigas ang ulo. Hindi pangkaraniwan. Mahiwaga.

"Ku, malamang may mga tikbalang na nagpapakasal," sambit ng isang aleng kasabayan ni Sapira sa paglalakad. "Mga hindi na nahiya!"

Nakasuot ng makulay na baro't saya ang babaeng nagsalita. May mga tumataginting na ginto at pilak sa kanyang mga braso at leeg.

Hindi sinasadyang romolyo ang mga mata ni Sapira sa narinig.

"Mahal, hindi totoo ang mga tikbalang," napapahiyang pagtatama ng lalaking kasama nito. Kaswal na tumingin ito sa kaliwa't kanan upang masigurong walang nakarinig sa babae.

"Hmmp, di ba iyon ang sabi ng mga matatanda kapag ganito ang panahon!" singhal ng babae. Yamot na yamot na nagpaypay ito. "Ano ba kasi ang ginagawa mo at hindi mo pa ako naihahanap ng masisilungan?!"

Napangiwi si Sapira. Makautos naman ito, wagas.

Nang mga oras na iyon, nagawi ang tingin ni Sapira sa isang puno sa di-kalayuan. Napakalaki ng puno, may malalabay at malalapad na mga sanga. May mga pangilan-ngilang mga kuneho na nagsisipagtago sa paanan nito. Kumikintab ang mga dahon ng nasabing puno.

Malapad ang naging ngiti ng dalagita. Dali-dali niyang tinungo ang nasabing puno upang magsilbing silungan.

Pero hindi lang pala siya ang nagnasa rito.

"Ay!"

Muntik silang magkauntugang tatlo ng sabay-sabay nilang narating ang puno.

"Hoy," untag ng babae, unang nakabawi sa sandaling pagkaparalisa. Mabilis nitong tinitigan si Sapira mula ulo hanggang paa. "Nauna kami rito.Umalis ka!"

At itinulak siya nito paalis.

"Anong nauna?" reklamo niya. "Ako kaya ang nauna!"

Tumaas ang kilay ng babae, itinuro ang pintang nakamarka sa itaas ng kanyang dibdib, na para bang iyon ang nagbibigay rito ng higit na karapatan at awtoridad.

Dalawang tuldok na niyayakap ng pigurang ⤰ ang nasabing pintados. Nang siya ay maglabing-tatlong taong gulang, iminarka sa kanyang dibdib ang nasabing simbolo gamit ang isang matulis na kutsilyong itinubod sa dagta ng alugbati at pinigaan ng katas ng kalamansi.

Iyon ang simbolo ng kanyang pagiging alipin.

At hindi ito ang unang beses na nangyari sa kanya ang ganito.

NAGSIMULA ANG LAHAT ilang dantaon na ang nagdaan. Noong unang panahon, nababalot ng misteryo at hiwaga ang mga kapuluan ng kaharian ng Montala. Noon, ang kapuluan ay tahanan ng mga mito, palaruan ng mga diwata, at paliparan ng mga taong lawin. Laging may awit ang pagaspas ng mga dahon at may lukso ang sayaw ng mga hayop.

Subalit nagbago ang lahat nang dumating ang mga dayong taga-kanluran. Lulan ng mga balangay, dumating ang mga mananakop at unti-unting hinawi ang agiw ng misteryo at hiwaga. Magmula noon, kaayusan ang namayani. Ipinanganak ang sistema sa lipunan upang mapangalagaan ang kaayusan. Nahati ang mga tao sa mga maharlika, malaya, timawa, at alipin.

At si Sapira ay nabibilang sa liping alipin.

Napangiwi si Sapira. Sawang-sawa na siya sa ganoong kalakaran ng buhay.

Muling tumaas ang kilay ng babaeng may nagkikislapang dekorasyon sa katawan. Para bang sinasabing wala siyang karapatang tumanggi.

Nag-init ang ulo ni Sapira.

"Isaksak mo 'yan sa baga mo!" dabog niya, sabay talikod ng alis.

Isang malaking pagkakamali ang kanyang nagawa.

Sabay na bumagsak ang panga ng mag-asawa sa kanyang ginawa. Sabay ding nanlisik ang mga mata ng mga ito.

"Impertinente!"

"Bastos!"

"Walang modo!"

Nanlaki ang mga mata ni Sapira. Nang bumaling siya sa kanyang kanan, sinalubong siya ng santambak na mga taong sumusungasong ang ilong sa labis na galit. Sa kaniyang kaliwa, naroon ang mga taong may matatalim na tinging itinatapon sa kanya. Sabay-sabay na pasugod ang mga ito sa kanya. Sabay-sabay. Sabay...

Napapikit si Sapira, kumakabog ang dibdib sa labis na takot. Ito na nga yata ang katapusan niya...

"Binibini," untag ng lalaki. "Napaano ka?"

Dagling napadilat si Sapira.Tiningnan ang kaliwa't kanan.

Walang tao roon.

Luminga-linga siya upang hanapin ang nagkakagulong mga tao. Subalit silang tatlo lang naman ang naroroon. At sambakol pa rin ang mukha ng babae.

Ipinilig niya ang kanyang ulo. Minsan, kastigo niya sa sarili, ang dramatiko ko lang.

"Binibini?"

Tiningnan niya ang lalaking nagtanong.

Ito naman, magtanong-tanong akala mo kabait. Pero kung magpaalis naman, wagas.

Sinarili niya na lang ang naisip. Pinilit niya ang sariling yumukod bilang pagbibigay-galang sa mga ito. Umatras siya at ipinaubaya sa dalawa ang puno.

Tulad ng inaasahan sa kanya.

Hindi na niya binigyan ng pagkakataong makita pa ang matagumpay na ngiti ng matandang babae. Maaasar lang siya.

Walang lingon-likod na sinagupa niya ang nakakalitong panahon. Napatingin siya sa himpapawid. Patuloy pa rin ito sa pagiging kakaiba. Marahil, tulad ng panahon, may hindi rin pangkaraniwan sa naganap.

Marahil.

Sa gilid ng kanyang mga mata, napagmasdan niya ang malaking puno na nagbigay ng proteksyon sa mag-asawa. Parang hindi na yata ito kumikintab.

Book 1: Si Sapira at ang Aliping Itinakda [Tagalog] (on-going)Where stories live. Discover now