Kabanata 12: Ang Hatol

2 1 0
                                    

SA ITAAS, HINDI humihinga sina Sapira at Binukot Busilak sa eksenang kanilang nasasaksihan.

"Wala bang gagawin si Ama upang mapigilan ang ginagawang paghatol kay Nana Linangan?" maya-maya ay tanong ni Binukot Busilak, nangingilid ang luha sa mga mata.

Matiim na napailing si Sapira.

"Hindi siya maaring mangialam, Binukot Busilak," tahimik na sagot ni Sapira. "Hindi niya maaring kalabanin ang utos ng Palasyo."

"Pero bakit hindi?" tanong ni Binukot Busilak, "walang ginagawang masama ang Nana Linangan!"

"Sapagkat kapag lumaban siya, malalagay sa alanganin ang ating tribo," tahimik na sagot ni Sapira.

Malinaw kay Sapira na kapag kinalaban ni Datu Sakay ang utos ng Palasyo, nangangahulugan ito ng digmaan. Ano ba ang laban ng kanilang tribo laban sa puwersa ng Kaharian? Bilang isang pinuno, hindi isasakripisyo ni Datu Sakay ang buhay ng nakararami para sa isang tao, kahit gaano pa kahalaga ang taong ito. Ngayon niya higit na naunawaan ang tunay na ibig sabihin ni Datu Sakay nang sabihin nitong may mga desisyon ang isang pinuno na kailangan nitong gawin para sa kapakanan ng nakararami.

Pinalis ni Sapira ang luhang hindi sinasadyang namalisbis sa kanyang pisngi.

Pero kahit na nauunawaan ni Sapira ang peligro ng paglaban sa utos ng Kaharian, may isang bahagi sa puso niya na umaasang sana ay may maganap na milagro, na sana ay may magawa ang Datu Sakay upang iligtas si Nana Linangan, ang kanilang babaylan.

Humikbi si Binukot Busilak, malayang bumubukal ang mapapait na luha sa mga pisngi nito.

"Sshh!" ani Sapira, tahimik na niyakap ang umiiyak na Binukot, "tahan na! Makakasama sa iyo ang labis na pag-iyak. Shhsh."

Lalong bumukal ang luha ng dalagita sa kanyang sinabi.

BUMAHA ANG HAGULGOL sa ibaba.

"Pantas Binaya," tahimik na utos ni Datu Sakay na tinawag ang pantas na mula sa Palasyo, "pakawalan mo ang anak ni Nana Linangan."

Napatingin sa kaniya ang lahat.

"Sa nakikita ko, wala siyang batas na nasuway," deklara ni Datu Sakay.

"Subalit -"

Naningkit ang mga mata ni Datu Sakay.

Tumikom ang bibig ni Pantas Binaya, bahagyang nagngalit ang mga bagang.

"Ngayon na," muling utos ni Datu Sakay, may awtoridad ang kalmadong boses.

Sa boses ng kanilang Datu, dagling nag-iba ang atmospera sa kapaligiran. Tahimik pero may pwersa ang naging galaw ng mga mandirigma. Pasimpleng dumantay ang kanilang mga kamay sa puluhan ng kanilang mga sandata.

Muling naningkit ang mga mata ni Pantas Binaya. Hindi nakaligtas dito ang paggalaw ng mga mandirigma ng tribo. Saglit nitong tiningnan ang hanay ng kaniyang sariling kawal. Panumandaling nagtalo ang isip.

"Pakawalan niyo yan!" sa wakas ay utos ni Pantas Binaya sa kanyang kawal.

Dali-daling pinakawalan ng mga kawal ang binatang anak ni Nana Linangan. Tumakbo ang binata upang lapitan at yakapin ang kaniyang ina.

"Marahil maari naming pakawalan ang kanyang anak, Datu Sakay," ani Pantas Binaya. "Subalit hindi maaring pakawalan ang babaylan. Alam mo ang batas na umiiral sa kahariang ito."

Nagtagis ang mga bagang ni Datu Sakay. Malinaw sa lahat ang batas ng kaharian, ipinagbabawal ang mahika sa buong kaharian. Ang sinumang mahuhuling gumagamit ng mahika ay papatawan ng parusang kamatayan.

Sapat na ang katamikan ni Datu Sakay upang maging kumpirmasyon.

"Kunin niyo na iyan!" malakas na utos ni Pantas Binaya.

Hinila ng dalawang berdugo ang kanilang babaylan.

Alam niya na maging si Datu Sakay ay wala ng magagawa sa puntong ito.

"SAAN NILA DADALHIN ang Nana Linangan?" naalarmang tanong ni Binukot Busilak.

Gumalaw ang lalamunan ni Sapira. Alam niya kung saan dadalhin ng dalawa ang matanda at kung ano ang gagawin dito. Subalit walang boses na lumabas sa kanya.

"Shhh," sa halip ay sabi niya, bilang pang-aalo sa dalagita, "shhsh."

Ang totoo, matagal na niyang alam na bawal ang mahika sa Palasyo. Subalit ngayon niya lamang naintindihan ang tunay nitong kahulugan.

Sa unang pagkakataon, masidhing galit at takot ang naramdaman ng dalagita dahil sa kanyang nasaksihan. 

Book 1: Si Sapira at ang Aliping Itinakda [Tagalog] (on-going)Where stories live. Discover now