Kabanata 4: Naghanap si Sapira ng Imposible

11 1 0
                                    

ISANG ORDINARYONG UMAGA iyon nang ihayag ng tagatawag ang pagdating ng mga misyonero mula sa Palasyo. Binubuo ng mga pantas at iskolar na tagapayo ng Hari ang delegasyon.

"Mga kapwa ko katutubo, narito ang pinakabagong kapahayagan mula sa Sentro. Nakatakdang magtungo rito ang mga misyonero ng Hari dalawang araw matapos ang Taggapas. Magsipaghanda ang lahat! Magsipaghanda ang lahat!"

Umakyat ang tagatawag sa mataas na sanga ng punong mangga para marinig ng lahat ang kanyang sasabihin.

Iika-ikang nagtatakbo sa liwasan si Kiko para marinig ang sinasabi ng taga-tawag. Iika-ika ito dahil nadapa habang nagbubuhat ng panggatong. Iiling-iling na sumunod dito si Sapira.

Humugos ang bulong-bulungan ng mga kapitbahayan dahil sa hatid na balita ng tagatawag.

"Darating ang mga pantas mula sa Palasyo?"

"Ano kayang itsura nila?"

Mukhang tao malamang, sa isip-isip ni Sapira.

"Bakit kaya? Ano kaya ang gagawin nila dito?"

Nakakarindi ang kanya-kanyang usapan ng mga tao.

"Ano sa tingin mo ang dahilan ng pagpunta nila rito?" baling ni Kiko sa kanya.

Nagkibit-balikat ang dalagita.

"Bakit ba ganyan ka?" reklamo ni Kiko. "Ni hindi ka man lang ba natutuwa na magpupunta dito sa isla ang mga taga-Palasyo?"

Akala mo naman mas nakakataas ang mga taga-Palasyo kumpara sa kanila kung magsalita ito. Kung susumahin, totoo namang mas nakakataas sila dahil sila ay mga maharlika. Alam ng lahat iyon. Pero hindi masyadong mahalaga para kay Sapira ang ganoong mga bagay.

Muli siyang nagkibit-balikat. "Malamang nandito 'yung mga iyon para bumili ng perlas," aniya.

Matatagpuan sa pusod ng karagatan ng isla ang mga magaganda at magagarang mga perlas. Ito ang pangunahing produkto ng kanilang tribo. Sinisisid ng mga aliping maninisid ang dagat para gapasin ang mga perlas na inaalagaan ng mga kabibe.

"Hindi nila kailangang pumunta rito para bumili ng mga perlas," rason ng kaibigan. "May mga mangangalakal na nagpaparoo't parito para makipagkalakan."

"Malay ko, kung gayon," kibit-balikat niya.

"Hindi mo ba gustong malaman kung bakit sila pupunta dito?"

"Hindi nga. Kulit mo."

Napakamot sa ulo ang kaibigan.

"Malalaman naman natin iyan pagdating nila," praktikal na sagot niya. "Halika na." Magtutungo ang dalawa sa lawa na nasa itaas ng bundok para mag-igib ng tubig.

Tila nabatu-balaning hindi maalis ni Kiko ang pagkakatingin sa taga-tawag. Si Pastakingan, ang pinakamabilis tumakbo at pinakamalakas ang boses sa baryo, ang naatasang maging tagatawag. Tuwang-tuwa ito sa pagsagot sa mga tanong ng mga katribo.

"Oy," kambat niya kay Kiko.

Napakurap ang binatilyo.

"Tara na," hila niya sa kamay ng kaibigan.

Wala na itong nagawa kung hindi ang sumunod sa kanya.

"SAPIRA, HANDA NA ba ang aking paliguan?"

Malamyos ang boses ng babaeng tumawag sa kanya.

Nagmadali si Sapira sa pagsasaboy ng mga talulot ng rosas sa malaking batyang-paliguan na nakalaan para sa Binukot Busilak. Dahil hindi maaring maarawan ang binukot, hindi pwedeng magtampisaw sa lawa ang dalaga. Nagkakandakuba si Sapira para mag-igib ng tubig pampaligo ng binukot.

"Malapit na, Binukot Busilak," sagot niya sa tanong nito."Sandali na lang."

"Napakatagal naman," malamyos na reklamo ng binukot.

Ikaw kaya ang umakyat ng bundok at manguha ng tubig, ngani-nganing sabihin ng dalagita.

"Paumanhin ho," hinging-tawad niya.

Ikinawkaw niya ang kamay sa tubig para malaman kung maligamgam na ang temperatura nito. Para hindi ginawin si Binukot Busilak, binubuhusan niya ng maligamgam na tubig ang pampaligo nito.

Ayos na siguro ito, desisyon niya.

Ipinitik niya ang mga daliri para senyasan ang mga kasamahang alipin. Tumango ang mga ito. Sabay-sabay na binuhat ng apat na binatilyo ang magkabilang dulo ng karwaheng kawayan na sinasakyan ng dalagita. Nang makalapit sa kaniya, tumigil ang mga ito at maingat na ibinaba ang karwahe.

"Pwede ka nang lumabas, Binukot Busilak," ani Sapira.

Dahan-dahang hinawi ni Binukot Busilak ang kurtinang nakatabing sa karwahe nito. Sumungaw ang morena nitong kagandahan: makinis na kutis, maninipis na mga labi, at itim na itim na mga mata. Mahaba ang tuwid na tuwid nitong buhok.

Lumuhod ang mga binatilyong alipin at pinagsalikop ang mga kamay upang magsilbing upuan ng binukot. Magalang namang yumukod si Sapira.

"Sandali," --- kagyat na tumigil ang mga binatilyong nagbibitbit sa dalagita nang marinig ang malamyos na boses ng binukot --- "mga talulot ng rosas ba ang nariyan sa tubig?" tanong ni Binukot Busilak.

Tumango si Sapira.

"Oho," sagot ni Sapira. "Kahapon, nakiusap kang lagyan ng rosas ang iyong tubig-pampaligo. Kaya naman nanguha ako ng pinakabagong mga sibol na bulaklak ngayong umaga at inilagay sa iyong paliguan. Ang bango, hindi ba?"

Sandaling nag-isip ang Binukot.

"Pasensya na," sabi ni Binukot Busilak, "nahahatsing ako sa amoy ng rosas. Maari bang tanggalin mo ang mga iyan?"

Napakunot ang noo ni Sapira. Tuwang-tuwang naglunoy sa ilalim ng mga talulot ng rosas ang dalagita kahapon. Parang hindi naman ito nahatsing ah.

"Tanggalin ko lahat?" tanong ni Sapira.

Inosenteng tumango ang Binukot.

Napakunot ang noo niya. "Masusunod po," aniya na bahagyang sumungasong ang ilong.

"Sapira?"

"Oh," ani Sapira. Ano pang gusto mo? Ngani-nganing singhal niya.

"May isa pa akong ipapakiusap sa iyo, kung maari sana."

"Ano ho iyon?"

"Pwede bang sa halip na mga rosas, mga talulot ng orkidyas ang ilagay mo?" anito sa inosenteng boses.

Napangiwi si Sapira.

"Yung waling-waling," dagdag na utos nito.

Ngani-nganing pagbabatuhin ni Sapira ang Binukot. Letsugas, saan kaya siya makakahanap ng higanteng orkidyas na iyon?

ISANG DRAMATIKONG TRANSPORMASYON ang nagaganap sa boung komunidad.

Nagwalis at naglinis ang lahat ng kabahayan. Ni isang naninilaw na dahon, walang naligaw sa bakuran ng mga katutubo. Ang marurusing na mga bata, biglang nagkintaban. Pati ang mga alagang kabayo at manok, masinsing pinaliguan. Malayo pa lang, rinig na rinig na ang tilaok at halinghing ng nagrereklamong mga hayop.

Napapaligiran ng mga disenyong bulaklak at maririkit na sanga ng kawayan ang paligid ng liwasan. Biglang lumabas ang natatago nitong ganda. Pati mga kaawa-awang kalabaw na umuuwi galing sa pag-aararo sa kabukiran, nalilito at naliligaw.

Pinakamaganda at pinakapuno ng mga gawain ang bahay ni Datu Sakay. Abalang-abala ang mga kababaihan sa pagluluto. Malayo pa lang, naamoy na niya ang masasarap na halimuyak ng adobo, kare-kare, inihaw na bangus, at sangkatutak na mga minatamis.

Napalunok siya. Kanina pa naghuhurumentado sa gutom ang kanyang tiyan. Napahinga siya ng malalim, sandaling nagtalo ang isip.

"Tsk," palatak niya na napailing. Hindi pwedeng unahin ang sariling pangangailangan. Makakagalitan siya ng binukot kapag pinaghintay niya ito. Hinihintay siya nito dala-dala ang hinihiling nitong waling-waling. Kundangan naman kasi ay waling-waling pa ang napagdiskitahan nitong ilagay sa tubig-pampaligo nito.

Napaka-arte talaga, reklamo niya. Nagdesisyunan niyang kalimutan ang gutom. Mamaya na lamang siya kakain pagkatapos maligo ng binukot.

Marahan niyang binagtas ang orihinal na destinasyon.

Book 1: Si Sapira at ang Aliping Itinakda [Tagalog] (on-going)Where stories live. Discover now