Kabanata 16: Desisyon at Pagkakataon

5 1 0
                                    

KINABUKASAN, MALALAKAS NA katok sa pintuan ang bumulabog sa kanilang umaga.

Panay-panay ang hikab ni Sapira nang magising ng umagang iyon. Kahit nasa harapan na niya ang kapeng mainit na mabisang pampagising, yumuyukyok pa rin ang ulunan ng dalagita.

Nasa likod-bahay nila ang kanyang Ina, nanghuhuli ng tandang para sa kanilang pananghalian.

"Nay, hindi kaya magalit si Kuya nyan? Alaga niya ang mga tandang na iyan. Ipinangsasabong niya ang mga iyan." Pahinamad niyang komento habang nakatalungko sa kanilang hapag-kainan at nakadungaw sa bintana.

"Shhhh!" pananaway ni Ani Selena. Walang ingay nitong inilagay ang isang tuntungan sa gitna ng bakuran at nagsaboy ng mais sa lupa. Ginagamit niyang pang-uto ang mais para lumapit ang mga manok. "Hindi naman niya malalaman . Ako naman ang nag-aalaga sa mga manok na ito."

Napailing siya, sabay higop sa tasa ng kape.

"Kok! Tok! Tok!" tawag ni Ani Selena sa mga manok.

Naglapitan ang tinawag na mga manok. Panay ang tuktok ng mga ito sa sinaboy na mais.

May isang adbenturerang manok ang naglakas-loob na sumampa sa tuntungan, kung saan mas marami ang nakasaboy na mais. Isang hawla --- patibong na kanina pa nag-aabang sa kung sinumang mangangahas na magtungo roon --- ang walang ano-ano'y bumagsak sa natulirong manok.

Napapalatak si Sapira.

Kawawa naman ang manok.

Habang nagbubunyi sa kanyang tagumpay ang kanyang ina, narinig nila ang malakas na katok sa kanilang dampa.

"Sino iyon, Nay?" tanong ni Salermo, kapapasok sa bahay galing sa gawaan nito. Dugyot pa tingnan ang binata na punong-puno ng uling ang mukha. Babad kasi ito sa hinangan kung saan pinatitibay nito ang mga sandatang pinapanday gamit ang apoy.

Nagkibit-balikat si Sapira. Tumayo at pinagbuksan ang pintuan.

May mga kawal na nangakahanay sa labas ng kanilang bakuran. Nakapalibot ang mga kawal sa dalawang tao, mga pantas mula sa Palasyo. Kasama ng mga ito si Datu Sakay.

Namilog ang mga mata ni Sapira nang makilalang si Pantas Binaya ang kasama ni Datu Sakay.

Bakit? Anong ginagawa ng mga ito dito?

Bahagya niyang itinago ang panginginig ng mga kamay.

"Ano po ang maipaglilingkod namin sa inyo, Datu Sakay," magalang na pagtatanong ni Kuya Salermo na sumunod sa kanya sa pagbubukas ng pintuan.

"Salermo, magandang hapon," sagot-bati ni Datu Sakay, "narito kami para makausap ang iyong kapatid. Maari ba kaming tumuloy?"

Ako? Bakit?

Nagkatinginan ang magkapatid, balot ng pagtataka ang mga mata.

"Hali ho kayo. Pasok!" yakag ni Kuya Salermo na iniawang ng malaki ang pintuan.

Bakit? Huwag! nais sana niyang iprotesta.

Subalit sunod-sunod na pumasok ang mga bisita. Tanging ang mga kawal ang natirang nagbabantay sa kanilang bakuran.

"Sapira, Salermo, sino iyan?" nagtatakang tanong ni Ani Selena nang maulinigang may dumating silang bisita. Hawak-hawak nito ang nahuling manok at puno ng balahibo ang katawan.

"Magandang araw," pagbati ng Pantas Binaya sa kaakyat na ina.

Naningkit ang mga mata ng kanyang ina. Matalas ang tinging itinapon sa bisita.

"Ah. Magandang araw," matiim na sagot-bati nito sa kanyang ina. Napahigpit ang kapit nito sa manok na hawak na buong lakas na nagkakawag bilang pagrereklamo.

Naabot mo na ang dulo ng mga na-publish na parte.

⏰ Huling update: Apr 05 ⏰

Idagdag ang kuwentong ito sa iyong Library para ma-notify tungkol sa mga bagong parte!

Book 1: Si Sapira at ang Aliping Itinakda [Tagalog] (on-going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon