Kabanata 7: Bisita Mula Sa Palasyo

6 1 0
                                    


SINAMANTALA NI SAPIRA ang pananalasa ng buhawi upang senyasan ang matandang babae. Mabilis itong tumayo at tumakbo palayo sa grupo ng mga bandido. Hinihingal nitong narating ang pinagtataguan ni Sapira.

Kung may pagtataka man sa isipan nito sa biglaang pagsulpot ng buhawi, ibinaon nito iyon sa limot. Sa mga oras na ito, mas mahalaga para sa matandang babae ang makatakas.

Tahimik na iginiya ni Sapira ang matandang babae palabas sa lugar na iyon. Malakas na malakas ang kalabog ng dibdib ni Sapira. Tahimik ring sumunod ang matandang babae. Paminsan-minsan ay nadudulas ito sa mga bato. Pero mabilis itong tumatayo at determinadong nagpapatuloy.

"Nasaan na ang babae!" malakas na sigaw ng bandido. Nakawala na marahil ang mga ito sa misteryosong buhawing nagkulong sa mga ito. "Nasaan na!?"

Napatigil sa ginagawang pagtakas sina Sapira at ang matandang babae. Nagkatinginan. Bumadha ang takot sa kanilang mga mata.

"Hanapin niyo ang letseng babae! Huwag na huwag kayong babalik hangga't hindi niyo nahahanap ang babae! Hanapin niyo!" Halos dumagundong ang boses ng lalaki.

Sapat na ang narinig nila. Walang lingon-likod na kumaripas ng takbo palayo ang dalawa.

HUMIHINGAL ANG DALAWA nang makarating sa bayan, ilang distansiya ang layo mula sa kagubatan.

"Sa tingin ko," humihingal na bigkas ni Sapira, "ligtas na ho kayo, manang. Malayo na ho tayo sa mga bandido." Sapo niya ang nananakit na tiyan dahil sa labis na pagtakbo.

Napaupo sa labis na pagod ang matandang babae.

Sa unang pagkakataon, nakita niya ang hitsura ng matandang babae sa malapitan. Sa kabila ng mapuputing buhok, may sopistikasyon ang abuhin nitong mga mata at kiming mga labi. Simple ang tabas ng mahaba nitong saya pero gawa sa matibay na materyales. Tanging ang mga maykaya sa buhay ang nagkakaroon ng pagkakataong makapagpatahi ng ganitong klase ng baro.

"Ayos lang ho ba kayo, Nanang?" tanong ni Sapira.

"Ayos lang ako, ineng," paninigurado ng matandang babae. Sa kabila ng pagsasabi nito na ayos na ito, nakikita ni Sapira na mabilis pa rin ang kabog ng dibdib nito at nangangatog pa rin ang boung katawan. Hinahabol nito ang hininga, sinisikap na pakalmahin ang loob.

Hinimas ni Sapira ang likuran ng matandang babae upang mapakalma ito. Mga ilang minuto muna sila sa ganitong posisyon bago tuluyang naging mahinahon ang matandang babae.

"Napakatapang ng ginawa mo," sabi nito sa kanya matapos kumalma. "Kung hindi dahil sa'yo, malamang kung ano na ang nangyari sa akin." Tila nangalisag ang balahibo nito sa pag-iisip sa posibleng mangyari dito. Pati si Sapira, kinilabutan.

"Huwag nyo na hong isipin iyon," aniya, "ang mahalaga, ligtas na kayo."

"Maraming salamat, ineng," anito, bumabaha ang pasasalamat sa mukha. "Nanang Tandingan ang pangalan ko," pagpapakilala nito.

Ngumiti si Sapira sa babae.

"Hayaan mong bigyan kita ng gantimpala kapalit ng kagitingan mo," anito. Inilabas nito ang lukbutang nakatago sa baywang. May nakakahalinang bagting ng nag-uumpugang pilak at ginto ang kalupi ng matanda. Naglabas ito ng ilang pirasong pilak at iniabot sa kanya.

Hindi siya tanga para tumanggi sa grasya. At tsaka, ipinagtanggol naman niya talaga ang babae. Dapat lang na kuhanin niya ang gantimpala. Pero ewan ba ni Sapira kung bakit nagdadalawang-isip siya na tanggapin ang iniaalok nito.

"Sige na, kunin mo na ito," pagpipilit ng matandang babae nang hindi niya kuhanin ang perang iniaalok nito. "Isipin mo na lang na pagpapasalamat ko ito sa iyo."

Napahugot ng hininga si Sapira. Sandaling nagtalo ang isip. Malaki ang maitutulong ng ilang pirasong pilak sa buhay niya. Maari niyang gamitin iyon upang ipambili ng ilang pirasong tela para sa ipapatahing magandang damit, o maari niyang ibili ng matalas na metal para sa kaniyang pana.

Subalit sa halip na tanggapin ang salaping ibinibigay ng matandang babae, tahimik na umiling si Sapira.

Bumakas ang pagtataka sa mukha ng matandang babae sa naging reaksyon ni Sapira. "Sige na ineng. Kunin mo na ito," pagpipilit nito.

"Huwag na ho," ani Sapira. "Huwag niyo na hong isipin iyon. Itago niyo na ho iyang salapi ninyo."

Nangulukot ang kilay ng matandang babae. "Sigurado ka ba iha? Tiyak kong nakaabala ako sayo. Masuklian man lang kita kahit paano."

Hindi, hindi naman masyado. Itinakas lang naman kita sa mga haragan. Mga haragan na marahil banas na banas na sa paghahanap sa nawawalang babae. Mga haragan na hindi mapapatawad ang kanyang ginawang pangingialam, na hahanapin siya at hahantingin at....

Nangalisag ang balahibo ni Sapira sa naisip na posibilidad. Katapangan ba ang ginawa niya. O katangahan? Pero maiinis lang siya kung sa kabila ng paghihirap nila, sa dulo'y mapapahamak pa ang matandang babae. Iniwas nga niya ang babae sa mga magnanakaw eh. Kaya sasagarin na niya ang kabaitan. Minsan lang 'to.

"Hindi bale na ho," determinadong sagot niya. "Itago niyo na ho iyan. Baka may makakita pa, pagbalakan na naman kayong nakawan."

May bumakas na paghanga sa mata ng babae. Hindi niya pinansin ang paghanga ng babae. Naiilang siya sa ganoong paghanga. Baka akalain nito mabait siya. Ang totoo, hindi talaga.

"San ho ba ang sadya ninyo? Ihahatid ko na ho kayo," aniya bilang pag-iiba ng usapan.

Hindi siya nito agad sinagot. Luminga-linga ito sa paligid. "Kasama ako sa delegasyon mula sa Palasyo. Magtutungo kami sa Isla ng mga Perlas. Napahiwalay lamang ako sapagkat may ipinahanap na prutas ang pantas. Medyo naligaw ako sa kagubatan. Marahil ay nag-aalala na sila sa akin sapagkat matagal akong hindi nakabalik sa karwahe namin," pagkukuwento ng matandang babae.

Napatango-tango si Sapira. "Tagapagsilbi ho kayo mula sa Palasyo."

Tumango ang matandang babae at ngumiti, "Oo ineng."

Kung gayon, pareho silang nagmula sa liping alipin. Ang pagkakaiba lamang ay sa Palasyo ito naglilingkod. Natuwa si Sapira sa isiping kapwa niya alipin ang kaniyang nailigtas. Mas nakakalungkot kapag ang napagnakawan ng mahirap ay kapwa rin mahirap.

"Huwag ho kayong mag-alala, narito na ho kayo sa bayan," paninigurado niya sa matandang babae. "Saan ho ba tumutuloy ang inyong delegasyon?"

Nagpalinga-linga ang babae. "Hindi ko pa alam ineng. Subalit tila amin ang karwaheng naroroon sa sulok ng plasa."

Sinundan ni Sapira ng tingin ang mga karwaheng tinatanaw ng matandang babae. Sa kabilang dulo ng liwasan, may malalaking karwahe ang nakatigil sa harap ng isang kainan. Malalaki at magaganda ang mga kabayong tahimik na nakahimpil. Pinakakain ang mga ito ng mga damo ng mga binatilyong nakasuot ng balabal na tulad ng suot ng matandang babae.

"Ihahatid ko na ho kayo papunta dun," alok niya.

"Mukhang hindi na naman delikado ang lugar na ito," anitong malalim na nag-isip. "Ligtas na ako rito, ineng. Maari ko nang lakarin papunta sa aming karwahe. Pwede mo na akong iwanan."

Kumunot ang kanyang noo, "Sigurado ho ba kayo?"

"Ayos lang ako talaga," anang matandang babae, may payapang ngiti sa mga labi.

Nagkibit-balikat si Sapira. Kung ayaw nito, eh di 'wag. Marahil nga ay ligtas na ang babae. Lumakad palayo ang dalagita matapos na magpaalam sa matanda.

"Iha?" anito ng makalayo na ng bahagya ang dalagita.

Lumingon siya.

"Anong pangalan mo?"

"Sapira," nakangiting sagot ng dalagita. "Sapira ho ang pangalan ko."

"Ikinagagalak kong makilala ka, Sapira," nakangiting paalam ni Nana Tandingan. "Salamat."

May sumilay na ngiti sa labi ng dalagita sa tinurang iyon ng babae.

"Ingat ho kayo," aniya bilang pamamaalam. Tinalikuran niya ang matandang babae.

Sa bayan, sunod-sunod ang ginawang pagbagting ng gong at mga kampana. Iyon ang hudyat na nakarating na ang mga delegado mula sa Palasyo.

Book 1: Si Sapira at ang Aliping Itinakda [Tagalog] (on-going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon