Kabanata 15: Sa Lupain ng mga Lambana

5 1 0
                                    

IYON ANG UNANG beses niyang makakita ng tunay na lambana. Ang akala niya, hindi totoo ang mga ito. Kalokohan lang na natatakot ang Palasyo sa mga ganitong nilalang gayung hindi naman sila totoo. Subalit mali pala siya.

Kumislap ang kanyang mga mata. Malaki ang pabuyang ibinibigay ng Palasyo sa sinumang makadarakip ng mga mahihiwagang nilalang na kagaya ng isang lambana. Kapag pinili niyang dakipin ang nilalang, makakapag-ipon na siya ng sapat na salapi upang bilhin ang kalayaan ng kaniyang pamilya.

Pero hindi lang siya ang nagnanais na madakip ang lambana. Maging ang dambuhalang palaka ay gustong-gusto ang maliit na nilalang para gawin nitong pagkain. Wala ngang anu-ano ay inilabas nito ang pagkahaba-habang dila, dinampot ang maliit na nilalang, at isinubo sa pagkalaki-laking bibig.

Nagitla si Sapira sa nagaganap.

"Oy pangit!" sigaw ni Sapira. Bago pa niya maproseso ang kaniyang ginagawa ay isang palaso na ang dagli niyang pinakawalan. Bumagsak ito sa harapan ng dambulang palaka na nagpagitla rito, dahilan para mabitawan ang kinakain. Sandali itong kumurap-kurap, parang batang hinahanap ang pinagmumulan ng sigaw.

Dagling tumikom ang bibig ni Sapira. Siya ba iyon? Siya ba ang nagsalita? Sa kanya ba nanggaling ang palaso? Naman, hindi naman niya gustong mangialam.

Pero huli na ang lahat. Napansin na siya ng dambuhalang palaka.

Kinabahan si Sapira.

Nang makita siya ng dambuhalang palaka, umangil ito. "Alis tao!" anito, "Kokak!"

Namilog ang mga mata ni Sapira. Naykupo, nagsasalita ang walangya! Bakit may mga ganitong nilalang sa kanilang kagubatan?

"Kain tao! Kokak!" muling sabi nito.

Pinangalisagan si Sapira ng balahibo ng marinig ang sinabi ng dambuhalang palaka. Lalo pa siyang kinilabutan ng makita itong papasugod sa kanya. Nanginginig ang kamay ni Sapira na muling naglagay ng palaso sa kanyang pana.

"H-hoy hindi. Tumigil ka," aniyang itinutok dito ang hawak na palaso, "kung hindi iihawin kita."

"Kain tao! Kokak!" ang sagot ng palaka sa kaniyang pagbabanta.

Lumipad ang palaso ni Sapira pasalubong sa tumatakbong palaka. Nagulat ang palaka ng bumaon sa balikat nito ang palasong pinakawalan ni Sapira. Bigla ang pagbulwak ng dugo sa balikat nito.

"Yan ang bagay sayo!" ani Sapira na humanda na namang muli sa pagtira. Hindi balikat talaga ang pinatatamaan ni Sapira. Sa dibdib talaga ang kanyang puntirya, pero dumaplis ang kanyang tira. Malay ba naman ng dambuhalang palaka na nagkamali siya? Ang mahalaga ay natamaan niya ang hayop.

"Eto ang usapan natin. Bayaan mo na ang lambanang iyan, at hindi ko ito itutuloy," sigaw niya sa dambuhalang palaka. "Subalit kung magmamatigas ka, mapipilitan akong panain ka. Hindi ko alam kung saan tatama ang susunod kong tira!"

Totoo iyon. Hindi nga niya alam kung may tatamaan bang importanteng bahagi sa katawan ng dambuhalang palaka.

Pakiusap naman, huwag ka nang tumuloy lumaban, tahimik na dasal ni Sapira sa Bathala.

Humakbang ang dambuhalang palaka papalapit.

Naniningkit ang mga matang tinutukan niya itong muli ng pana.

Bumakas ang takot sa bilog na mata ng halimaw ng makita ang pana. Nagpabalik-balik ang tingin nito sa pana niya at sa palasong nakabaon sa balikat nito.

"Bibilangan kita!" aniya sa nagbabantang tono, "Isa! Dalawa!"

Subalit hindi pa siya nakakabilang ng tatlo ay parang duwag na nagtatarang na tumakbo papatakas ang dambuhalang palaka.

Book 1: Si Sapira at ang Aliping Itinakda [Tagalog] (on-going)Where stories live. Discover now