Kabanata 10: Ang Pagkawala

3 1 0
                                    


"MAYROON AKONG ITATANONG sa iyo, Sapira," ani Datu Sakay sa kalmadong boses. May mabait na ngiti pero may tatag ang mga mata nito. "Nais ko sanang sagutin mo ako ng tapat."

Napakagat-labi si Sapira. "O-opo," aniya.

"Ano ang naganap kanina?" tanong nito sa seryosong boses.

Namasa ang kanyang mga mata. Hindi naman siya iyakin talaga, pero ewan ba niya dahil parang nasasaktan siyang isipin na baka isipin ng Datu Sakay na pinabayaan niya ang kanyang tungkulin.

Huminga siya ng malalim, at sinabi sa Datu ang nangyari. Tumango-tango ang Datu pagkatapos na marinig ang kanyang sinabi.

"D-datu Sakay, pwede h-ho bang magtanong?" aniya, nag-aalangan man ay tanong niya sa Datu.

Ngumiti ang Datu. "Sige, ineng. Sabihin mo kung ano ang iyong katanungan."

"Ano ho ba ang nangyari kanina?"

Bahagyang gumalaw ang kilay ng Datu.

"Ang ibig ko hong sabihin," dagliang paglilinaw ni Sapira, "ano ho ba talaga ang nangyari? Ang alam ko lamang ho, nawawala si Binukot Busilak. Pero ang sabi ni Kiko, natagpuan na daw siya. Nakidnap ho ba ang Binukot? O tumakas ho siya sa ating lahat?"

Natawa ang Datu sa sunod-sunod niyang tanong.

Bahagyang napahiya ang dalagita sa tawa ng pinuno. "Ang ibig ko hong sabihin, hindi ko ho sadyang iniwan si Busilak. Kaya't kung may naganap man, malamang na meron hong higit na malalim na dahilan," paliwanag niya.

"Tama ka," ayon ni Datu Sakay.

"Ho?" hindi inaasahan ni Sapira ang pagsang-ayon ng Datu Sakay. "Saan ho ako tama?"

"Sa sinabi mong may dahilan ang lahat," ani Datu Sakay. "Kanina, nang tingnan ng pangunahing dama ang Binukot Busilak sa kanyang paliguan, hindi niya natagpuan ang binukot. Ayon sa kanya, nawawala si Binukot Busilak. Kaya naman idineklara kong nawawala ang Binukot at ipinag-utos sa lahat ng mga mandirigma na hanapin siya." Bahagya itong tumigil. "Inaamin kong naging eksaherado ang desisyon ko kanina sa pag-aakalang nadakip siya ng ating mga kaaway. Ipagpaumanhin mo, ineng, dahil ang puso ng isang ama ay mabilis na mabagabag."

Napakunot ang noo ni Sapira sa ikinukwento ng Datu. "Subalit paano ho ninyo nalaman na hindi ho nawawala ang Binukot Busilak?"

Huminga ng malalim ang Datu Sakay. Bahagyang kumunot ang noo nito. Sa unang pagkakataon, nakita niya ang linya sa gilid ng mga mata ng kanilang pinuno. "Makalipas ang isang oras, natagpuan ko sa kanyang silid ang Binukot Busilak," deklara ni Datu Sakay.

Sa puntong ito, mataman siyang tinitigan ng Datu Sakay. Sandali itong nag-isip. Pagkatapos ay mataman muli siyang tinitigan sa mga mata.

"Tapatin mo ako, iha," sabi nito, "hindi ito ang unang beses na tumakas sa iyo ang binukot, hindi ba?"

Napalunok si Sapira. Magsasabi ba siya ng totoo? O pagtatakpan niya si Binukot Busilak?

Hindi kasagutan ang hinihingi ng kanilang pinuno kung hindi ay kumpirmasyon. Pinilit ni Sapira na hindi kumurap. Hindi siya sumagot.

Ngumiti ang Datu Sakay nang mapansin ang kanyang ekspresyon. "Minsan, hindi ko alam kung dapat ba akong matuwa dahil sa iyong katapatan o hindi?" palatak nito.

Pinanatili ni Sapirang tikom ang bibig.

"Sapira, kilala mo ba ang mandirigmang si Dakila?" ulit na tanong ni Datu Sakay.

Napakagat-labi si Sapira. Tila walang kuwenta kung tatanggi siya sapagkat mukhang hindi naman niya mapaglalalangan ang Datu Sakay. Marahan siyang tumango.

Book 1: Si Sapira at ang Aliping Itinakda [Tagalog] (on-going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon