Kabanata 8: Ang Gantimpala ni Sapira

4 1 0
                                    

ANG KABAYANIHAN, LAGING nabibiyayaan ng gantimpala.

Mali.

Sa totoong buhay, hindi ganun ang laging nangyayari. Minsan, kamalasan pa nga ang iginaganti sa kabayanihan.

MARAHANG NAGLALAKAD PABALIK sa tahanan ni Datu Sakay si Sapira nang biglang may batong lumipad sa harapan niya.

Kinapa niya ang noong tinamaan na biglang kumirot. Namuo sa gilid nito ang mainit at malapot na likido. Dugo.

Bigla ang pag-init ng kanyang ulo. "Walangya!" aniya. "Sinong nambato sa akin?"

Sinuyod niya ang paligid para hanapin kung sino ang may pakana.

"Ako!" sabi ng isang boses lalaki. "Ako ang nambato sayo!"

Tiningnan niya ang lalaking nagsalita. Ito si Makisig, labimpitong taong gulang. Kababata nila ito, pero hindi niya kailanman naging kaibigan. Isa itong timawa, nabibilang sa liping malaya. Gaya ng mga kaangkan nito, isa itong mandirigma.

Isang malaking kabalintunaan ang pangalan ni Makisig. Malaki kasi ang katawan nito, bilog na bilog ang mukha, parang uwak sa tulis ang nguso, at parang sumadsad sa buhanginan ang ilong.

May kasama itong dalawang alipores.

"Iyan ang dapat sayo!" anito Makisig na nanlalaki ang malaking ilong. "At eto pa!"

Nanlaki ang mga mata ni Sapira ng makitang dalawang malalaking bato pa ang ipinukol nito sa kanya.

"Sira-ulo ka talaga ano?" sigaw niya, inilagan ang nagliliparang mga bato.

Nakakainsultong dumura ang lalaki.

"Mas sira-ulo ka!" galit na panunumbat nito. "Iresponsable ka! Pabaya! Dapat sayo, ibitin ng patiwarik sa puno hanggang sa magtanda!"

"Ano bang problema mo?" aniya.

"Pinabayaan mo ang Binukot!" sigaw-panunumbat ni Makisig. "Dapat sayo makulong!"

"Huh?" nagugulumihang tanong niya.

"Wag ka nang magmaang-maangan pa!" susog ng isang kasamahan ni Makisig, si Okoy. "Kapag may nangyaring masama sa Binukot, kulang pang pambayad ang buhay mo!"

"Mabuti pa, itali natin ang aliping iyan!" ang sabi ni Makisig sa mga kasamahan.

"Tara!" ayuda ni Okoy. "Isilid natin sa sako at dalhin kay Datu Sakay!"

Umikot ang mga mata ni Sapira. "Hoy, naririnig ko kayo!" untag niya sa mga ito. "Sa tingin niyo ba, papayag akong basta-basta niyo lang mahuhuli. Subukan niyong lumapit sa akin, uupakan ko kayo!"

Nagtagis ang mga bagang ni Makisig. "Sa tingin mo, hindi ka namin kaya?!"

Naghalakhakan ang mga lalaki.

Ikinuyom ni Sapira ang mga kamao. Makikita ng mga ito, dudurugin niya ang mga bakulaw.

"Tara, hulihin siya!"

Itinaas ni Sapira ang mga kilay, nanghahamon.

"Ngayon na! Bilis!"

Sabay-sabay na tumakbo papasugod ang mga lalaki.

Inihanda ni Sapira ang sarili.

"SANDALI! SANDALI! TUMIGIL kayo!"

Napatigil ang lahat para tingnan kung sino ang nagsalita.

Humahangos na tumakbo papalapit sa kanila ang nagsalita, si Kiko. Tumakbo ito sa harap niya at idinipa ang mga kamay.

"Ikaw?" napapantastikuhang atungal ni Makisig. Tiningnan nito ang patpating katawan ng binatilyo, mula ulo hanggang paa. "Ang lakas ng loob mong pigilan kami!? Naghahanap ka ba ng sakit ng katawan?" Umamba itong susuntok sa lalaki.

Mabilis pa sa alas-kuwatrong nagtago ang kaibigan sa mga siko nito. Ang lakas ng naging halakhak ni Makisig.

Ngani-nganing batukan ni Sapira si Kiko. Maginoo nga ito oo. Pero duwag.

Idineretso ni Kiko ang katawan. Pulang-pula ang mukha dahil sa nabalahong dignidad.

"Kung takot ka naman pala, bakit ka pa hahara-hara diyan?" asar na kastigo ni Sapira kay Kiko. "Kaya ko ang sarili ko!"

Hindi siya pinansin ng binatilyo. Hindi rin ito umalis sa harapan niya.

"Huwag niyo nang awayin si Sapira!" ani Kiko sa mga lalaki. "Natagpuan na ang Binukot Busilak."

Natigilan sina Makisig sa sinabi ni Kiko. "Kung nagsisinungaling ka, tingnan ko lang kung anong mangyari sa'yo!" pambabanta ni Makisig.

"Bakit naman ako magsisinungaling sayo?" rasonableng sagot-tanong ni Kiko, "Kagagaling ko lang sa liwasan. Nakita ko mismo ang Binukot."

Kumunot ang noo ni Sapira.

"Nawawala ba ang Binukot?"

"Oo!" sigaw-panunumbat ni Makisig. "Iniwan mo siya kaya siya nawala. Pinabayaan mo ang iyong tungkulin!"

"Pinabayaan?" aniya. "Siya kaya ang nag-utos sa aking umalis para ipitas siya ng orkidyas!"

"Sinungaling!" anito.

Nagtagis ang mga bagang ni Sapira.

"Hindi na nga siya nawawala!" singit ni Kiko na pumagitna sa kanilang dalawa.

"Kanina ka pa nang-iinsulto ha," banas na sigaw ni Sapira, inignora ang sinasabi ni Kiko. "Tara! Sapakan na lang tayo."

Nagngalit ang mga bagang ni Makisig.

Pinigilan ni Kiko ang dalagita.

"Bitiwan mo ako! Baka nakakalimutan mong muntik ko nang mapilayan ang mapagmataas na iyan!" sigaw ni Sapira.

Totoo. Sa huli nilang sagupaan, muntik nang hindi na muling makalakad ang binatilyo.

"At ikaw naman, baka naman nakakalimutan mong ilang ngipin na ang nalagas sayo dahil sa pagiging basagulera mo!" balik-sagot ni Kiko.

Totoo ulit. Sa huli nilang sagupaan, dalawang ngipin ang natanggal sa kanya.

Inignora pareho nina Sapira at Makisig si Kiko. Matalim ang mga tinging ipinupukol ng dalawa sa isa't isa.

"Tumigil na kayong dalawa! Kapag hindi kayo tumigil, isusumbong ko kayo kay Datu Sakay!" pananakot ni Kiko.

Nanlisik ang mga mata ni Makisig. Pero nanatili ito sa kinatatayuan nito.

"Bakit hindi mo puntahan ang Binukot Busilak?" suhestsyon ni Kiko. "Para masigurado mong hindi ako nagsisinungaling."

Nag-isip itong panumandali. Pero siguro naisip nitong tama ang binatilyo. Ngumiwi ito kay Sapira, nagmuwestra sa mga kasama, at sabay-sabay na tumalikod.

Nakahinga ng maluwag si Kiko.

Pero hindi pa pala tapos si Sapira. Pasimpleng yumukod ang dalagita para kumuha ng bato. Bumuwelo ang dalagita at boung lakas na binato ang papatalikod na kaaway. Sapul sa balikat ang lalaki.

Nanlaki ang mga mata ni Kiko."Bakit mo ginawa iyon?"

"Yan ang bagay sayo!" ani Sapira, "ngayon, patas na tayo!"

Sumungasong ang ilong ni Makisig. Nagbaga ang galit sa mga mata nito.

May bumangong takot sa puso ni Sapira. Mukha kasing halimaw ang damulag.

"Sapira -" nanginginig ang boses na tantang ni Kiko sa balikat niya.

"O-oh," sagot ni Sapira.

"Halika na."

"Huh?"

"Halika na!"

Galit na galit na sumusugod papalapit sa kanila si Makisig.

Nagkatinginan sina Sapira at Kiko.

"Takbo na!"

"AHHH!"

Sabay na nagtatarang na tumakbo ang dalawa.

"Hoy!" sigaw ng naghuhurumentadong si Makisig, "Bumalik kayo dito!"

Walang lingon-likod na tumakbo palayo ang dalawa.

Book 1: Si Sapira at ang Aliping Itinakda [Tagalog] (on-going)Where stories live. Discover now