Kabanata 9: Si Datu Sakay

5 1 0
                                    


HUMAHANGOS NA NAKARATING sa bahay nina Sapira ang magkaibigan.

"Wala na ba sila?" tanong ni Sapira.

Sinapo ni Kiko ang nananakit na tiyan. "Siguro," anitong humihingal, "ambilis nating tumakbo eh."

Isinandal ni Sapira ang nahahapong katawan sa hamba ng pintuan.

Hinarap siya ng kaibigan at pinameywangan. "Ano ba kasing nakain mo at nilalabanan mo ang mga iyon?"

Umingos si Sapira. "Ikaw kaya ang batuhin ng mga walanghiya!"

"Hindi naman ibig sabihin makikipag-away ka kaagad?" rasonableng sagot-tanong ni Kiko.

"Sinong nakikipag-away?" Nanlaki ang mga mata nina Kiko at Sapira. Boses iyon ng nanay ni Sapira.

"Away?" inosenteng sabi ni Kiko. "Ang sabi ko ho, laway. Hahaha. Laway, Nana Selena. Laway. Tumutulo ho kasi ang laway nito ni Sapira. Hahaha."

Eeew, sa lahat ng idadahilan, laway pa, naisip niya. Inignora ni Sapira ang ginagawang pagkambat ni Kiko.

Tumaas ang kilay ni Ani Selena. Pero nagulat si Sapira dahil pinili ng inang huwag nang palakihin pa ang napansin.

"Hindi bale na," ani Ani Selena na humigit ng malalim na paghinga, parang pagod na pagod. "Mabuti ay naririto ka na, kanina pa kita hinihintay."

Kumunot ang noo ni Sapira sa tono ng ina. "Bakit ho? Ano po ba iyon?" naalarmang tanong niya.

"Ano ang nangyari kanina?" seryoso ang tono ng ina.

"Kanina? Ano po ba ang ibig niyong sabihin?" nababanas na sabi ni Sapira. "Kanina pa nagtatanong ang mga tao, at kung ano-ano ang ibinibintang sa akin. Ano ba talaga ang naganap kanina?"

"Huwag kang masyadong maldita, Sapira," panenermon ng ina. "Tinatanong kita ng matino. Pagkatapos ng panahon ng paliligo ni Binukot Busilak, panumandaling nawala ang Binukot. At nasa ilalim siya ng iyong pangangalaga ng siya ay mawala."

"Nawala?" nagulat na sabi ni Sapira. "Iniwan ko lang siya kasama nina Topet."

Ang mga kalalakihang taga-buhat ng karwahe ng dalagita ang kanyang tinutukoy.

Huminga ng malalim ang ina. "Nawala siya at bigla na lang na hindi na makita nina Topet," imporma ng ina. "Hindi ka rin matagpuan."

"Malay mo namasyal lang ang Binukot Busilak, Nanay. Eh sino ba naman kasi ang mataba ang utak na nagsabing hindi puwedeng maarawan ang mga binukot?" aniyang nag-iinit ang ulo. "Hindi ko naiintindihan kung bakit iniisip agad ng mga tao na ako ang may kasalanan sa pagkawala ng Binukot. Sa susunod, dapat bang ikadena ko sa katawan ko ang Binukot?"

"Tsk." Ngumiwi si Sapira nang maramdaman ang batok ng ina. "Sabihin mo sa akin kung talaga bang sadya mo siyang iniwanan?" sabi ulit nito sa seryosong boses. Tiningnan siya ng ina nang malaliman sa mga mata.

"Ano ho ba sa tingin ninyo?" mainit na sagot ni Sapira.

"Tinatanong kita, Sapira. Hindi kita pinalaki para sumagot ng bastos."

"Hindi po, hindi ko po siya sadyang iniwanan," sagot niya sa nanginginig na boses. "Bakit ko naman po gagawin iyon? Inutusan niya akong mangalap ng waling-waling na ilalagay sa kanyang pampaligo kaya umalis ako para maghanap ng bulaklak," paliwanag niya.

Napahigit ng malalim na paghinga ang kanyang ina.

"Siya nga," anito, lumapit sa kanya at inayos ang pagkakalapat ng kanyang damit. "Kung gayon, iyan ang sasabihin mo sa kanya. Iyan lang ang sasabihin mo sa kanya."

Book 1: Si Sapira at ang Aliping Itinakda [Tagalog] (on-going)Where stories live. Discover now