Kabanata 2: Sa Isla ng mga Perlas

25 1 0
                                    

SI KIKO ANG ugat ng lahat ng ito.

Tulad niya, ipinanganak sa liping alipin ang kaibigang si Kiko. Sa Isla ng mga Perlas, ang mga alipin ay naninilbihan sa tahanan ni Datu Sakay. Siya ang pinuno ng kanilang tribo.

Kapalit ng kanilang paninilbihan, hinahati ni Datu Sakay ang mga pagkain at inumin sa lahat. Sinisiguro niyang lahat ng naninirahan sa komunidad ay mabubuhay ng matiwasay. Siya din, sampu ng kanyang mga mandirigma, ang nagtatanggol sa kanilang teritoryo laban sa mga kaaway at mababangis na nilalang.

Halos lahat ng kabataang lalaki nagnanais maging mandirigma. Maliban kay Kiko. Duwag iyon.

Tok...

"Aray," reklamo ni Sapira, sapu-sapo ang ulong binatukan ng ina.

Namaywang ang kanyang nanay.

Nakasuot ng mahabang baro't saya si Ani Selena, ang inay ni Sapira, nakapusod palayo sa mukha ang mahabang buhok. Hawak nito sa isang kamay ang sandok na ipinanghahalo sa nilulutong minatamis na saging.

Sa kasalukuyan, sandata ang kahoy na sandok.

"Nay naman!" reklamo ni Sapira.

"Saan na naman ba lumilipad ang isip mo at hindi ka nakikinig sa itinuturo sa iyo? Ilang beses ko na bang sinabing itubod mo ang tubô para pampatamis ng minindal na niluluto natin! Nakasalalay sa tagal ng pagkatubod ang tamis ng niluluto," singhal ng inay. "Anong ginagawa mo? Nakalimutan mo na namang itubod ang tubô!"

Gamit ang sandok, ngani-ngani siyang tirisin ng ina.

Napangiwi si Sapira.

"Eh," reklamo niya, "ayaw ko nga na nagluluto. Ikaw lang naman ang mapilit na dumito ako. Ang sakit-sakit kaya sa mata ng usok ng pugon!"

Mabilis pa sa alas-kuwatro ang batok ng ina.

"Aray!"

"Magtigil ka nga Sapira ha," nakapamaywang na pagpapaliwanag ng ina. "Anong klaseng babae ang hindi marunong magluto? Kung ganyan ka ng ganyan, itatakwil ka ni Datu Sakay. Subukan mo ang buhay ng mga barbaro, tingnan natin kung makakatagal ka!"

Ang mga barbaro ay ang liping itinakwil ng lipunan. Wala silang tahanan, wala silang pagkain. Namumuhay sila sa pamamagitan ng paglilimos. Yung iba, sa pamamagitan ng pandarambong. 

"Ang dramatiko naman ni Nanay," ani Sapira. "Pagluluto lang naman ang ayaw ko. Magaling naman akong gumawa ng mga sandata at magkumpuni ng mga kasangkapan." --- siya ang alalay ng nakatatandang kapatid na si Salermo na panday ng tribo --- "Malaki ang pakinabang sa akin ni Datu Sakay."

Sumungasong ang ilong ng ina.

Awtomatikong prinotektahan niya ang kanyang ulo.

"Tsk," ngiwi nito pagkakita sa ginawa niya, "tamang hinala."

Ibinaba niya ang mga kamay.

'Alangyang reaksyon 'yan, naisip niya, pahamak.

"Hoy Sapira!"--- Napangiwi siya. Sabi na nga ba niya at hindi pa tapos ang pangangaral ng ina --- "Magtigil ka nga riyan. Hindi iyan trabaho ng babae. Tigil-tigilan mo nga ang pagsasama sa kapatid mo."

At inilitanya nito ang mga gawaing dapat na ginagawa ng isang babae.

"Sapira?"

"Po?"

"Nakikinig ka pa ba?"

"Medyo"

"Anong medyo?" anito na nanlakihan ang butas ng ilong.

Mabuti na lamang at sa puntong ito ay biglang may taong dumating.

"Ani Selena? Narito ho ba kayo?"

Napatigil ang ina sa ginagawang pangangaral. Sumungaw sa pintuan ang patpating katawan ng nagsalita, ang kanyang kababatang si Kiko.

Book 1: Si Sapira at ang Aliping Itinakda [Tagalog] (on-going)Where stories live. Discover now