Kabanata 3: Nakita ni Kiko ang Palasyo

14 1 0
                                    

GAMUNGGO ANG PAWIS ni Kiko makalipas ang ilang minutong paghahalo. Samantala, hayahay na nakaupo sa ibabaw ng mesa si Sapira, kumukuyakoy ang mga paa habang nilalantakan ang pasalubong na dalandan ng kababata. 

"Totoo bang nagpupulong ngayon ang konseho upang pag-usapan ang pagpapadala kay Binukot Busilak sa Palasyo?" tanong ng binatilyo.

Kapag dumating na ang takdang edad, ipiniprisinta ang mga Binukot at prinsipe ng mga tribo sa Palasyo ng Montala upang doon mag-aral. Milya-milya ang layo nito mula sa kanilang isla.

Nagkibit-balikat siya.

"Pambihira naman 'to," reklamo ni Kiko. "Hindi ka ba interesado sa mga nangyayari sa amo mo?"

"Hindi."

Napangiwi ito sa sagot niya. 

"Tsk tsk," palatak nito. 

Inirolyo niya ang mga mata sa iginawi nito. 

Kapag umalis ang Binukot Busilak, mababawasan ang kanyang trabaho. Pabor sa kanya iyon. 

Katahimikan ang namagitan sa kanila. Sa sobrang haba, pakiramdam niya'y nagtampo yata sa kanya ang kababata.

"Nandito nga ang mga iyon para pag-usapan kung paano dadamitan at ipiprisinta ang Binukot sa Palasyo," parang napipilitang sagot niya sa tanong ni Kiko. "Ano ang damit na susuotin? Ilan ang regalong ipiprisinta? Sino-sino ang isasama upang maging bahagi ng kaniyang sambahayan. Andami pang kuskos-balungos, hindi na lang basta papasukin sa eskwelahan ang tao."

"Pero bakit?" nagkakamot sa ulong tanong ng binata.

"Anong bakit?"

"Bakit kailangan pang gawin iyon?"

Kumunot ang kanyang noo.

"Dahil isa siyang maharlika," aniyang nagkibit-balikat. "At iyan ang pulitika ng mga maharlika."

Kumamot ito sa ulo bilang tugon.

Humigit siya ng hininga na parang nagtitimpi.

"Kasi nga po, makikisalamuha ang binukot sa mga maharlika na taga-Palasyo. Kung anuman ang gawin niya, magiging larawan kung paano titingnan ng ibang mga tao ang ating tribo. Hindi dapat isipin ng mga tao na mahirap at madaling talunin ang ating tribo. Dapat presentable si Binukot Busilak, marangya, kaaya-aya. Doon, hindi lang siya basta mag-aaral. Ang kanyang presensiya ay pupunla ng alyansa, mag-uumpisa ng komunikasyon, bubuo ng relasyon."

Sa boung panahon na nagpapaliwanag siya, nakabagsak ang mga panga ni Kiko.

"Hoy!" banas na untag niya rito.

Napakurap ang binatilyo. Itinikom ang panga.

"Ah, ganun pala iyon," anito. "Ang galing mo talaga! Akalain mo, alam mo iyon."

"Tse, drama mo."

Sandaling katahimikan ang namagitan sa kanila.

"Sapira," anito, " may itatanong ako sayo?"

"Nag-umpisa ka nang magtanong" 

Ngumiwi ito. "Hindi, seryoso to."

"O ano 'yun?"

"Ikaw ba, ginusto mong makapag-aral?"

Napatawa siya.

"Walang alipin na maaring makapag-aral," aniya.

"Pero bakit hindi tayo pwedeng makapag-aral?"

"Ewan ko. Hindi ko alam," aniya. "Ikaw ba, gusto mong mag-aral?"

Tumango ito. "Oo, gusto ko. Ayaw ko namang habang-buhay akong alipin."

"Huwag ka nang mangarap," aniya.

Book 1: Si Sapira at ang Aliping Itinakda [Tagalog] (on-going)Where stories live. Discover now