Kabanata 11: Ang Babaylan

2 1 0
                                    


IINOT-INOT NA BUMANGON si Sapira mula sa higaan. Pupungas-pungas na nagtungo sa batalan upang maligo. Nangangalahati na siya sa kanyang almusal na tinapay at kape nang dumating ang kanyang kuya.

"Bilis-bilisan mo pagkain diyan," ani Salermo, ang kanyang nakatatandang kapatid. Kumuha ito ng pan de sal at kumagat. "Pagkatapos mo, tulungan mo ako dun sa hinihinang kong mga sibat."

Inaantok na umiling siya. "Wala akong oras. Abala ako."

"Saan?" sarkastikong tanong nito. "Anong pagkakaabalahan mo?"

"Eh di ang -" pero hindi na niya naituloy ang sasabihin. Oo nga pala, kastigo niya sa sarili, sinibak na nga pala siya ni Datu Sakay sa kanyang trabaho. Parang may bato na biglang dumagan sa kanyang dibdib sa naisip na iyon.

Nang-aasar na pumalatak ang kanyang kuya Salermo.

Kumuha si Sapira ng isang kusot na tinapay, at ubod-lakas na binato sa kapatid. Kapol ang damulag.

Ang lakas ng tawa ni Sapira.

Pinandilatan siya ng kapatid. "Eto parang bata," reklamo ni Salermo, pinalis ang tinapay na tumama dito. "Bilisan mo nga dyan. Gamitin natin 'yang masel mong mala-barena para sa pagbubuhat ng mga sibat."

"Hindi ka ba nahihiya na inuutusan mo akong tumulong sa iyo eh kababae kong tao?" pangongonsensiya niya.

"Hindi ka ba nahihiya na kinakain mo ang itinanim, inalagaan at ginapas kong mga pananim eh hindi naman kita anak?" balik-tanong nito.

Natameme siya sa sagot nito.

"Mamaya. Puntahan kita mamaya," aniya, walang maisip na isagot sa kapatid kaya napilitan na lang na sumang-ayon. "Dadaan muna ako sa tahanan ni Datu Sakay. Kukunin ko lang ang natitira kong mga gamit dun."

"Psshhh," ani Salermo, "bahala ka."

"SINONG SINISILIP MO?" kambat ni Nonong Dinagar kay Sapira.

Si Nonong Dinagar ang pinakamatandang alipin sa sambahayan ni Datu Sakay. Siya ang laging kasa-kasama ng Datu. Naabutan nitong alanganing pumasok, alanganing lumabas ang dalagitang si Sapira. Kasalukuyan niyang sinisilip ang Datu Sakay, tinitiyak na wala ito bago pumasok sa tahanan nito. Nakakahiya kasi kung masasalubong niya ito.

Hindi niya alam kung bakit napadaan siya sa silid ni Datu Sakay. Hindi naman niya gustong bawiin nito ang pagtatanggal nito sa kanya sa trabaho, hindi ba? At tsaka, matagal niya na kayang gustong mahiwalay kay Binukot Busilak. Tingnan mo nga, ang binukot ang naglandi, pero siya ang naparusahan. Nasaan ang hustisya?

"Lumabas na po ba ang Datu Sakay?" inosenteng tanong niya upang matakpan ang pagkapahiya.

"Oo ineng," ani Nonong Dinagar. "Naroon na siya sa kanyang pook-hatulan."

"Ngayon? Kaaga naman po," aniyang napakunot ang noo. Bigla ang pagsikdo ng kanyang dibdib. Hindi naman siya ang hinahatulan ng mga ito, hindi ba? "Bakit ho kaya?"

Bumuntong-hininga ang matanda. Bago siya nito sagutin, kumuha ito ng kapirasong nganga at inilagay sa bibig. Panumandali itong ngumuya.

Napailing si Sapira. Ang mga matatanda talaga, at ang kanilang mga bisyo. Matiyaga niyang hinintay ang matanda na matapos ngumuya para marinig ang sagot sa tanong niya.

"May importanteng kailangang gawin ang Datu Sakay," sagot ni Nonong Dinagar, nang sa wakas ay matapos ngumuya.

Parang nais magpapadyak ni Sapira.

"Pero ano ho ang kailangan niyang gawin?"

Dumura ang matanda.

"Ano naman ang pakialam mo sa mga gawain ng Datu?" anito.

Book 1: Si Sapira at ang Aliping Itinakda [Tagalog] (on-going)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon