Kabanata 6: Inutakan ni Sapira ang mga Haragan

11 1 0
                                    

DAHAN-DAHANG LUMAPIT ANG mga lalaki sa matandang babae.

"Pakiusap, maawa kayo sa akin," pagsusumamo ng babae. Nanginginig ang mga kamay nito. "Ano bang kailangan niyo sa akin?!"

Dumura ang lalaking may kapirasong tela na nakapiring sa isang mata. Kung ginagaya nito ang nakakatakot na pirata, nagtagumpay ito.

"Isa lang naman ang kailangan namin sa iyo, ale," anitong dumura ulit. "Ibigay mo sa amin ang lukbutan ng salapi at walang mangyayaring masama sa iyo." Nakakaloko ang ngisi ng gago.

Itinakip ng matandang babae ang mga palad sa kanyang mukha dahil sa labis na takot.

NANG MGA ORAS na iyon, humihip ang pagkalakas-lakas na hangin.

Shhhssssssssssss.......

Nagdala ng sandamakmak na alikabok ang napakalakas na hangin.

"Ano iyan?" reklamo ng mga lalaking isinangga ang mga kamay sa hihip ng hangin at alikabok.

"Hakkhakk..." Nagkadaihit sa pag-ubo ang mga sanggano.

"Pssst..." Sinamantala ni Sapira ang pagkakataong may distraksyon para sutsutan ang matandang babae. "Pssst..." Kumaway si Sapira mula sa itaas ng punong pinagkukublian.

Bumakas ang takot sa mata ng matandang babae nang makita ang pigura ni Sapira na kumakaway. Pasimple itong tumingin sa mga kalalakihan, upang masigurong hindi siya napansin ng mga lalaki.

Muling kumaway ang dalagita para kuhanin ang atensyon ng matandang babae. Nagtama ang tingin nina Sapira at ng matandang babae. Iminuwestra niya rito ang kubling kuweba na pwede nitong pagtaguan. Lalong lumalim ang takot sa mga mata ng babae ng maintindihan nito ang ibig niyang sabihin.

Kainis ha, wala nang arte-arte, sa loob-loob ni Sapira, todo ang kabog ng dibdib dahil sa labis na kaba, pareho tayong mapapahamak dito kapag naglamya-lamya ka pa diyan.

Muli siyang sumutsot.

"Sino iyan?" angil ng lalaking lider ng grupo.

Dagling napatahimik si Sapira. Nanlaki ang kanyang mga mata. Narinig 'ata ng mga ito ang kanyang sutsot.

"Ibon lang 'ata yun pare."

"Gago!" singhal ng pinunong isa lang ang mata, "sumusutsot ba ang hayop? May tao rito! Hanapin niyo!"

Kumpirmado, narinig nga siya.

Ikinampay ni Sapira ang nanginginig na mga kamay. Lalo namang lumakas ang hihip ng hangin.

"Pare," ani ng isa sa mga lalaki, nangalisag ang mga balahibo. "Nandito tayo sa mahiwagang lawa. May aswang dito, hindi ba ninyo alam? Umalis na tayo dito!"

"Isa ka pa! Sira-ulo! Duwag kang gago ka!" sawata ng lider.

Sa gitna ng kaguluhan, hindi inialis ni Sapira ang tingin sa matandang babae. Hintayin mo ang hudyat ko, tahimik na senyas niya.

Tumango ang matandang babae. Tiim at may determinasyon ang mga mata.

"Ano ba, hangin lang iyan! Magsiayos nga kayo," dumadagundong na sigaw ng lider. "Ano pang itinatayo-tayo niyo diyan! Magsibalik kayo sa mga pwesto ninyo!"

Napa-igtad ang mga kalalakihan.

Tatlo, dalawa, tahimik niyang bilang gamit ang mga daliri, isa! Ngayon na! Takbo!

Sa senyales niya ay humugos ang pagkalakas-lakas na hangin. Namuo. At naging buhawi.

At isa lamang ang pinatatamaan ng nagngangalit na buhawi.

"AHHHHHHH!"

Sabay-sabay na nagsigawan ang mga kalalakihang parang lobong tinangay at pinaikot-ikot ng naglalarong buhawi.

Kung may panahon lang si Sapira, malamang tatawa siya ng malakas dahil sa pagpapaikot-ikot ng mga kalalakihan. Ang yayabang kasi kanina.

Pero sa pagkakataong ito, may mas mahalaga siyang kailangang gawin.

Book 1: Si Sapira at ang Aliping Itinakda [Tagalog] (on-going)Where stories live. Discover now