Kabanata 14: Isang Pagtatagpo

3 0 0
                                    


ANG TOTOO NIYAN, may sikreto si Sapira. Isang sikretong lubhang mapanganib sa lipunang kanyang ginagalawan.

Nang gabing iyon, hinintay muna ng dalagitang marinig ang hilik ng kanyang Nanay bago dahan-dahang bumaba sa papag na kinahihigaan. Mala-pusa ang kanyang galaw upang maiwasan ang paglangitngit ng kanyang kama.

Tahimik niyang binaybay ang daan patungo sa pintuan.

Bumalikwas ng bangon ang kanyang Kuya Salermo.

Napatda si Sapira. Napahinto sa kanyang kinatatayuan.

Makalipas ang ilang minuto, narinig niya ang paghilik ng nakatatandang kapatid. Nakahinga ng maluwag ang dalagita.Tahimik niyang isinuot ang balabal sa ulo at nagmamadaling lumabas bago pa may makapansin sa kanyang pag-alis.

Sinalubong siya ng mabining simoy ng panggabing hangin at nakakabinging katahimikan. Malalim na ang gabi at tulog na ang kanilang mga kapitbahay.

Napabuntong-hininga si Sapira at ipinagpatuloy ang ginagawang paglalakad. Tinahak niya ang daan patungo sa Lawa ng Habang-buhay na Kariwasaan. Gamit ang maliwanag na buwan bilang giya, iniwasan niya ang mga naliligaw na mga ahas na itinatago ng kadawagan at karimlan. Kung pagmamasdang maigi ang kanyang kilos, mahahalatang sanay siyang baybayin ang daang ito.

Sa dulo ng daang kanyang tinatahak, isang kubling kweba ang kanyang tinunton. Tago sa mata ng karamihan, naroon sa kwebang kubli ang isang balsa na tila parang naghihintay sa pagdating ng nagmamay-ari rito. Tinantang ni Sapira ang balsa at kinalag ang pagkakatali. Maingat na umakyat ang dalagita sa loob nito, binabalanse ang katawan gamit ang sagwang kawayan. Iginiya niya ang sasakyang pandagat lagpas sa Isla ng mga Perlas, patungo sa lupaing natatakpan ng makapal na hamog. Sa likod ng makakapal na hamog, naroroon ang lugar na pakay niya, ang Lupain ng mga Lambana.

ALAM NIYANG NAKARATING na siya sa kanyang destinasyon ng salubungin siya ng halimuyak ng mga bulaklak na namumukadkad sa hatinggabi at samu't saring nagsisiliparang mga gamu-gamo.

Bumaba si Sapira sa balsa at itinali ito sa sanga ng puno ng nara na nasa tabi ng dalampasigan. Pagkatapos ay tinalunton niya ang isang makitid na daan. Tiyak ang kanyang bawat galaw at kilos.

Ibang-iba sa Isla ng mga Perlas, ang tagong Lupain ng mga Lambana ay punong-puno ng naggagandahang mga bulaklak. Mala-higante ang pigura ng dalagita habang naglalakad sa malaking hardin. Nang marating ang pakay na sulok, lumuhod si Sapira upang kumatok sa maliit na pintuang kahoy.

"Tao po!" aniya.

Ang totoo, hindi tao ang nakatira sa maliit na tahanang iyon.

Muli siyang kumatok.

"Sino iyan?" balik-sagot ng isang munting tinig na nanggaling sa tahanang kinakatok ni Sapira. .

Tumikhim si Sapira. "Si Sapira ito," aniya.

Sandaling katahimikan ang namagitan. Matiyaga siyang naghintay. Alam niyang hindi basta-basta maniniwala ang mga ito.

Muli siyang tumikhim. "Molave," aniya. "Nariyan ka ba? Pwede ka bang lumabas? Ako ito, si Sapira."

Sandaling katahimikan ang muling namagitan sa kanila.Maya-maya, bumukas ang maliit na pintuan. Mula roon, isang paru-paro ang lumabas. Kumakampay ang makukulay nitong mga pakpak.

Alanganing ngumiti si Sapira. "Magandang gabi!" bati ng dalagita.

"Ano ang kailangan mo?" yamot na tanong ng nagsalita. Nanggaling ang boses sa katawan ng paru-paro.

Napangiwi si Sapira. "Hindi ba pwedeng bumati ka muna sa akin ng magandang gabi?" sagot niyang may alanganing ngiti sa mga labi.

Lumipad ito ---sapagkat ito ay isang lambana --- hanggang sa maging kapantay ng mukha ni Sapira. "Inuulit ko, anong kailangan mo?" seryosong tanong nito.

Book 1: Si Sapira at ang Aliping Itinakda [Tagalog] (on-going)Where stories live. Discover now