Kabanata 5: Sa Lawa ng Habang-buhay na Kariwasaan

9 1 0
                                    

MASUKAL ANG DAANG tinahak ni Sapira. Nagsasalimbayan ang malalaking baging at malalapad na sanga ng matataas na punong-kahoy. Pupunta si Sapira sa pinakapusod ng kagubatan, sa Lawa ng Habang-buhay na Kariwasaan. Ito ang pinakamagandang hardin sa kanilang lugar. Masinsin ang kasukalan nito at tigib ng mga magaganda at kakaibang mga bulaklak. Titignan niya kung may naliligaw doong waling-waling.

Ikinakanlong ng dalawang kambal na kweba ang tagong lawa. Karamihan sa mga katutubo, ayaw umapak sa lugar na ito dahil sa mahiwaga nitong awra. Balot ng sari-saring kwentong kababalaghan ang lugar. Ayon sa sabi-sabi, may engkanto daw sa lugar. Napakahilig daw manligaw ng mga pilyong engkanto sa mga minamalas na tao. Kapag natyempuhan mo sila, hindi ka na makakarating sa paroroonan mo. Iikot-ikot ka lang sa lugar. Inaakit daw ng mga ito ang mga magagandang babae sa kanilang bayan kaya hindi na ulit natatagpuan ang mga ito.

Nagkikibit-balikat lang si Sapira sa mga usap-usapang ganito. Malay ba niya kung nakikipagtanan lang ang mga kababaehang iyon kaya nawawala. Hindi masyadong nagpapaniwala sa mga usap-usapan si Sapira. Ang totoo, hanggang bulong-bulungan lang naman ang kanyang mga kapwa katutubo. Walang aamin na naniniwala ang mga ito sa kababalaghan. Matagal ng ipinagbabawal ang paniniwala sa anumang uri ng kababalaghan at pagsasagawa ng anumang uri ng mahika sa kanilang kaharian. Kamatayan ang kaparusahan sa pagsuway sa utos na ito.

Tanging si Sapira lamang ang malakas ang loob na magpunta sa kagubatang ito. Ipinagpatuloy niya ang kaniyang paglalakbay, hinahawi ang mga baging na nagkukubli sa lawang kanyang tinatahak.

Mabini ang hanging sumisimoy sa paligid ng Lawa ng Habang-buhay na Kariwasaan. Malinaw ang lawa kaya't kitang-kita ang mga dalag at hito na naglalangoy at nagtatalunan.

Napangiti ang dalagita. Napakaganda ng lugar na ito. Nagsasalimbayan ang preskong berdeng mga damo, nakakasilaw na rikit ng dilaw na mirasol, at kulay ubeng bango ng geranyum.

Kakaiba talaga ang imahinasyon ni Bathala, naisip niya.

"Ngayon, waling-waling, nasaan ka?" tanong ni Sapira sa walang hangganang hardin na kanyang natatanaw.

Mabini ang hanging sumagot sa kanya.

Napabuntong-hininga siya. Hindi ang bulaklak ang maglalakad papunta sa kaniya, sigurado siya. Kaya naman sa nagdaang ilang minuto, binuhos ng dalagita ang boung atensyon sa paghahanap sa hinahanap na bulaklak. Pero napatda ang babae ng may marinig na malakas na kalabog sa di-kalayuan.

"Ano iyon?" tanong niya.

Tumigil ang galaw ng hangin. Pansamantalang tumigil maging ang indayog ng nagsasayawang mga dahon.

"Tulong! Tulungan niyo ako! Tulong!" Histerikal ang sigaw na iyon.

Napatigagal si Sapira. Parang may kung ano na kumoryente sa kanya.

TAHIMIK NA BINITAWAN ni Sapira ang hawak na bulaklak ng waling-waling. Mala-pusang binaybay ang madudulas na mga bato at inakyat niya ang malalabay na sanga ng punong-kahoy. Mula sa likuran nito ay sinilip ang mga kaganapan sa paligid.

"Tulong?" sarkastikong tawa ng isang lalaking boses haragan, "walang makakarinig sa iyo dito!"

Sa gitna ng kadawagan, mga lima o anim na kalalakihan ang nakapalibot sa isang matandang babae. Namumutok ang mga masel ng mga ito. Mala-barena ang laki ng mga hita at braso. Nakakapangalisag ng balahibo ang mga espada at sibat na hawak ng mga ito.

Namilog ang mga mata ni Sapira pagkakita sa limang kalalakihan. Mga tulisan!

Nakasuot naman ng balabal ang matanda na parang galing sa isang mahabang paglalakbay. Nakalugmok sa sulok ang itim na kabayong sinakyan nito, may tama ng dalawang pana ang katawan. Humahalinghing ang kabayo dahil sa labis na sakit.

"Tiba-tiba tayo dito, pare!" May kasamang ngisi ang sinabing iyon ng isang lalaki. Tuwang-tuwa ang mga walanghiya sa pagkakasukol sa biktima.

Humigpit ang kapit ng matandang babae sa balabal nito.

Napakagat-labi si Sapira. Kung mamalasin ka nga naman, oo.

ALAM NI SAPIRA kung ano ang gagawin.

Dapat siyang kumaripas ng takbo palayo. Umiwas at umalis. Hindi siya tanga para sumali sa gulo ng may gulo. Hindi gawain ng mga alipin ang makisawsaw sa mga kaguluhan. Baka mamaya, maging mitsa pa ito ng maaga niyang kamatayan.

"Bathala ko!" panambitan ng matandang babaeng nasukol ng mga haragan. "Tulungan po ninyo ako!"

Napangiwi si Sapira.

Abala ang Bathala, may oras pa kaya itong sagutin ang pagmamakaawa ng isang mortal na nilalang?

Book 1: Si Sapira at ang Aliping Itinakda [Tagalog] (on-going)Where stories live. Discover now