CHAPTER TWO

2.6K 68 3
                                    


NAHINTO sa pag-iitsa ng holen si Nadia nang sa sulok ng mga mata'y matanaw ang parating na si Arlyn.

"Ayan na si Tisay, Nadia. Whew!" Napasipol ang batang lalaking kalaro ni Nadia pagkakita kay Arlyn. "Parang labanos sa kaputian, ah!"

"Hello, pasali naman," nakangising bati ng doce-anyos na si Arlyn kay Nadia. Nasa tabing-dagat sila.

Binulungan ng batang lalaki si Nadia. "Sasali daw. Isali natin."

Subalit umingos si Nadia at malakas na siniko sa sikmura ang batang lalaki na napauklo. Alam niyang hindi naman totoong sasali si Arlyn. Nang-iinis lang ito.

Arlyn was twelve pero kung kumilos at mag-ayos ay tila dalaga. Wala siyang natatandaang nakita niya itong naglaro o sumali sa laro ng ibang mga bata sa escuela. Which in her young mind was not normal.

She was always prim and proper. Paborito ng mga guro nito sa pagiging tahimik at hindi magaslaw. Malinis at laging mabangong tila rosas. Maraming ilag na mga kabataang babae subalit marami ring kabataang lalaki ang nagkaka-crush. Subalit tulad ng bulaklak na inihalintulad niya'y may malalaking tinik ito. Tinik na bukod-tanging si Nadia lang ang nakakakita.

Tinapunan ng tingin ni Arlyn ang batang lalaki. "Hoy, Popeye, hindi ako sinasagot ni Olive Oyl. Pakisabi mo naman sa misis mo na isali n'yo na ako, o?"

Naningkit ang mga mata ni Nadia. Kung mayroon man siyang hindi gustong itinutukso sa kanya ay ang pagiging payat niya. Na nagiging obvious dahil may kataasan siya. Subalit hindi siya ang uring agad na nagmumukmok kapag ganoong natutukso.

Niyuko ni Arlyn si Nadia. "Ano ba, Miss Oyl, isasali mo ba ako?" tuloy ito sa pangangantiyaw na sinabayan ng marahang hagikgik.

Umangat ang isang kilay ni Nadia. Binitiwan ang hawak na holen at tinitigan mula ulo hanggang paa at pabalik uli sa mukha ni Arlyn.

"Nagsalita ang maganda ang katawan." Sinabayan niya iyon ng nakakalokong tawa. "Kung hindi ko pa alam na may malaking peklat ka sa hita mo."

Agad na pinamulahan ng mukha si Arlyn. "Hindi totoo iyan, ha!"

"Anong hindi totoo? Nakita ko yata ang peklat mo nang minsang madapa ka. Akala mo siguro'y walang nakakita, ano?"

Dinilaan niya ito. "Aber, sabihin mong hindi totoo?"

"Talaga namang hindi totoo, a!" naiiyak nang sigaw ni Arlyn.

"Sinungaling! Siguro'y nagka-kurikong ka no'ng araw," tuloy sa pagkantiyaw si Nadia. "Aleng nagdadalaga-dalagahan... aleng kinurikong..." Nilagyan niya ng tono ang pambubuska at sinamahan pa ng pasayaw-sayaw. Sapat upang tuluyang umiyak si Arlyn.

Tuwang-tuwa siyang makitang napi-pikon at umiiyak ito. Lalo at ito naman ang nagpasimula ng pambubuska. Grade six ito at grade five siya at matanda sa kanya ito ng dalawang taon.

Ang sabi ni Aling Perla, ang ina nito, nahinto raw ng isang taon si Arlyn nang magkasakit ito noong grade two.

Pero dahil mataas si Nadia ay tila siya ang mas nakatatanda. At sa totoo lang ay cute si Arlyn sa pagiging mestisa nito. Mamula-mula ang pisngi, idagdag pa ang mapusyaw na kulay ng buhok.

Walang-wala si Nadia kung itatabi kay Arlyn. Payat at mataas siya sa edad nasampung taon. Tila siya kawayang-tsina. Bukod pa roon, morena siya na kung natatabi kay Arlyn ay nagmumukha siyang baluga. Ang buhok niyang itim na itim at tuwid ay tila lalo pa yatang nagpapayat sa kanyang tingnan.

Tulad ngayon, si Arlyn ay tila Barbie doll sa dilaw na damit at ang buhok ay maayos ang pagkaka-ponytail at may ribbon pa. Dilaw rin ang kulay ng tsinelas de gomang suot na ordinaryo kung tutuusin pag ibang bata ang may suot.

Sweetheart 08: My Cheating Heart (This is a true story)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon