CHAPTER 15

58 4 1
                                    

"Pasensya na anak, ha? Pasensya na kung hindi pa kaya ni Mama na kausapin ang tatay mo tungkol sa 'yo kahit na nagkakausap na kami." Malungkot na sabi ko habang hinahaplos ko ang buhok ni Kheina.

Nakaupo ako sa isang plastic na upuan na nakita ko pagpasok ko sa loob. Hinila ko 'yon palapit sa kaniya para katabi ko siya at mahawakan ko siya nang maayos.

Tulog din kasi siya pagdating ko at nasa labas pa sila Mama. Papunta pa lang sila dito. Nagtanong lang din ako sa nurse kung nasaang kwarto dinala ang anak ko pagdating ko sa hospital matapos kong tanungin sila Mama kung nasaang hospital sila.

Dito kasi agad ako dumiretso pagkarating na pagkarating ko sa probinsya namin. Umuwe kasi ako ng probinsya dahil hindi talaga ako napapakali hanggat hindi ko siya nakikita.

Pag-uweng pag-uwe ko no'ng isang araw galing sa trabaho ay agad akong nag-impake para umuwe ng probinsya.

Isang araw din kasi ang biyahe ko kaya nagdesisyon talaga akong umuwe agad. Ni hindi nga alam nila Tita na umalis ako.

Nag-iwan lang ako sa kanila ng sulat na mawawala ako ng isang linggo at hindi ko naman na sila inintindi pa kung ano mang mangyayare sa kanila habang wala ako. Bahala na sila sa mga buhay nila.

Nagpaalam din naman ako kay boss. Nagpaalam ako kung pwedeng mawala ako ng isang linggo. Iba ang dinahilan ko sa kaniya at buti na lang hindi siya nagtanong at pinayagan ako.

Hindi rin ako nakapagpaalam kay Jazley. Hindi niya alam na umalis ako kaya no'ng araw na tumawag sa 'kin si Mama para ipaalam ang nangyare kay Kheina ay sinulit ko na lang na kasama ko siya.

Kahit na iniisip ko si Kheina no'ng araw na 'yon ay tinago ko dahil ayaw kong mahalata ako ni Jazley. Inenjoy ko na lang ang araw na 'yon na kasama siya.

Alam kong hinahanap na ako no'n. Sigurado akong nagtataka 'yon kung bakit hindi ako pumasok. Sinabihan ko rin naman si boss na kapag nagtanong si Jazley sa kaniya kung nasaan ako ay sabihin niya na lang din kay Jazley kung anong sinabi ko sa kaniya.

"Anak." Napatingin ako sa may pinto nang marinig ko ang boses ni Mama.

Lumayo muna ako kay Kheina para yakapin si Mama. Niyakap niya naman ako pabalik no'ng sinalubong ko siya ng yakap. Katabi niya si Papa kaya niyakap ko rin si Papa.

"Namiss ka namin, anak." Nakangiting sabi ni Mama habang hinahaplos pa ang pisnge ko.

Napangiti lang din naman ako habang nakatingin sa kanilang dalawa. Ang tagal ko ring hindi sila nakita at nayakap nang ganito.

"Sobrang namiss ko rin kayo, Ma. Pasensya na kung ngayon lang ako." Naiyak na sabi ko.

Umiling lang naman si Mama at niyakap ako ulit at yumakap din naman si Papa. Dahil do'n mas napaiyak ako at niyakap sila nang mahigpit.

Matapos ng yakapin namin ay nagpasya na kaming maupo na muna. Sabi din nila sa 'kin na lumabas lang sila para bumili ng pagkain at kakabalik lang din daw ni Kheina sa pagtulog.

"Sigurado akong matutuwa nang husto ang anak mo kapag nakita ka niya paggising niya." Nakangiting sabi ni Papa kaya napangiti na lang din ako at tiningnan si Kheina na mahimbing na natutulog.

Napatingin naman ako kay Mama nang bigla niyang hawakan ang kamay ko. Bumungad sa 'kin ang nakangiti niyang mukha.

"Anak, didiretsuhin na kita, ha? Nakita at nakausap mo na ba ang tatay ni Kheina?" Tila ba nawalan ako ng boses sa tanong ni Mama.

Hindi ko siya nasagot at nakatingin lang ako sa kaniya. Maya-maya lang ay ngumiti pa siya nang malaki sa 'kin at hinaplos ang buhok ko.

Nagsisimula ng mamuo ang mga luha ko sa mata ko. Alam kong gusto nilang makilala ang tatay ni Kheina. Alam din naman nila Mama ang totoong nangyare, kung paanong nagkaroon ako ng Kheina.

Your SmileWhere stories live. Discover now