XI

63.2K 2.7K 1K
                                    

XI

KENDO KIM

"AMORA..." USAL NI Kendo habang nakasilip sa bintana ng kanyang kotse. Napangiti siya nang matanaw niya ang malawak na talahiban, ang kasunod niyon ay mahabang kabukiran.

Kumusta na kaya ang mga kababata niya? Ang mga kaibigan? 

At iyong first love niya? Napangiti na lang si Kendo habang patingin-tingin sa paligid mula sa loob ng kotse niya. Marami-rami talagang memories sa lugar na ito.

Matagal na siyang hindi umuuwi, naging busy siya sa Manila kaya wala na siyang time para umuwi rito sa San Martin. Pero wala pa rin namang masyadong ipinagbago ang lugar. Ganon pa rin. Pagkatapos ng mahabang daan, sa labas ng baryo ay may malaking presinto. Paglampas ng presinto ay palengke, maliit na mall at sunod-sunod ng ilang establisyemento, eskwelahan at iilang subdivision.

Huminto ang sasakyan niya sa isa sa mga subdibisyon. Ito ang pinakamaganda sa lahat. Private at iilan palang ang mga bahay sa loob, karamihan pa ay mansiyon. Dito rin siya nagpatayo ng bahay noong nakaraang taon. Nasa bandang bungad ang kanyang malaking bahay, mga katulong lang ang tao ron dahil wala naman na siyang magulang at kamag-anak. Bumusina siya at agad na may nagbukas ng gate sa kanya.

Umibis siya at daling pumasok sa kanyang bagong bahay. Kasunod niya ang isa niyang katulong na may dala ng kanyang mga bagahe. Iginiya pa siya papasok ng isang unipormadong lalaki na ninilbihan sa kanya. Kulang ay sambahin niya ang maaliwalas na anyo ng kanyang tutuluyan nang makapasok siya. Home sweet home.

Ang layo ng bahay na ito sa dating bahay niya sa baryo. Kung noon ay hamak na tao lang siya, ngayon ay sikat at napakayaman niya na. Marami na siyang bahay sa ibat-ibang parte ng Pilipinas. Pero dito lang talaga sa San Martin ang pinakapaborito niyang balikan kapag nasa Pilipinas siya. Palibhasa dito kasi siya lumaki at nagkaisip.

Minabuti muna ni Kendo na magpahinga nang maaga. Hindi niya alam kung kailan siya babalik sa Manila dahil ilang oras pa lamang siyang naririto ay naramdaman niya na agad ang kapayapaan. 'Di tulad sa siyudad na pinanggalingan, kabi-kabila ang mga projects at autographs.

Bago siya nahiga sa malawak niyang kama ay nagtipa siya sa kanyang telepono. Mabuti na lang at may napagtanungan siya ng new number nito. Ang kaso ay hindi naman sumagot sa kabilang linya ang tinatawagan niya. Tiyak na abala na naman iyon sa trabaho. Napaka-workaholic pa rin talaga. Subalit pihadong matutuwa ang lalaking iyon kapag nalamang umuwi na siya.

Nag-iwan na lamang siya ng voice message sa phone. "Isaac, brad, ako ito. Nasa San Martin ako ngayon, dalaw ka naman.." pagkasabi'y pinidot na niya ang buton at saka mag-isang napahalakhak. Super tagal na rin na di niya ito nakikita. Ni makibalita rito ay iniwasan niya talaga.

Pero aaminin ni Kendo, nami-miss niya na si Isaac, kahit maraming naging pagsubok ang pagkakaibigan nila ay naka-survive pa rin sila.

Lumapit siya sa kanyang DVD player at pinatutog iyon. Napapikit siya nang sabayan ang tugtog na mismong siya ang lumikha at kumanta.

"Amora..." kanyang naisatinig. Iyon ang pamagat ng kantang kanyang ginawa na sumikat anim na taon na ang nakakaraan. Dahil sa kanta niyang ito ay muli niyang binuhay ang rock music na hinaluan ng ballad at love songs.

Pumatok ito sa marami at tinangkilik kaya mabilis siyang sumikat na magpasahanggang ngayon ay nananatili pa rin sa puso ng marami. Dahil din dito ay nagkaroon siya ng maraming offer sa iba't-ibang recording companies ngunit tinanggihan niya. Pinili niya na maging composer na lang ng mga artist.

Subalit naiwan ang kanyang pangalan at tumatak sa isip ng mga fans. Kaya naman kahit saan siya magpunta ay hindi siya pinapatihimik ng kanyang mga tagahanga. At ngayon ay pagod na siya, gusto muna niyang magbakasyon. Ito ang dahilan kung bakit nagpasya siyang umuwi muna rito.

InsanusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon