XVIII

56.6K 2.5K 854
                                    

XVIII

ISAAC

"A-ANONG NANGYARI RITO, Officer?" namumutlang tanong ni Ayrand sa kanya pagkababa nila ng sasakyan. Nakaamba siyang bumunot nang baril habang iniikot nang lingon ang paligid. Walang ibang naroon kundi ang isang police mobile car na sa pagkakaalam niya ay pag-aari ng mga kasamahan niyang pulis.

Nilapitan ni Isaac ang sasakyan at pinatay ang makina. Naitikom niya ang sariling kamao dahil sa natuklasan.

"Nahuli ako..." sabi niya sa sarili. Nakilala niya kasi kung kanino ang kotseng ito. "C-Chief..." usal niya. Pagkuwan ay buong lakas siyang pumihit paharap sa lalaking nasa likuran niya. Mabilis niyang nahugot ang kanyang baril at itinutok dito. "Bakit?!" asik niya rito. "Bakit nyo nagawa iyon kay Kim?!"

Awtomatikong naitaas ni Ayrand ang sariling mga kamay. "H-huminahon ka, Officer..."

Nang isang dangkal na lang ang layo niya rito ay tinutukan niya ito sa sintido. "Ikaw, si Chief Ariola... si Flexus... si Mico... si Kendo, sino pa?! Sino pa, Ayrand... sino pa?!" kamuntik na niyang makalabit ang gatilyo. "Sinu-sino pa ang lumapastangan sa kanya?!"

"Wag kang magbulag-bulagan, Officer... alam kong alam mo kung sino pa..."

Dahan-dahan niyang naibaba ang hawak niyang baril. Sa huli ay napasandal siya sa kanilang sasakyan.

Kumalma ang mukha ni Ayrand nang makita ang hitsura niya.

"Imposible yang sinasabi mo..."

Napangisi ang lalaki sa sinabi niya. "Marami ka pa talagang hindi nalalaman."

"A-anong ibig mong sabihin?"

"Dahil ang itinuturing niyong ama ni Kendo na si Detective Bart..." nagdilim ang mukha nito. "...ang nagplano ng lahat..."

Napatanga siya sa nalaman.

Napahalakhak pa si Ayrand. "Siya lang naman ang nag-udyok sa amin... na gawin ang krimen na iyon. Hindi siya matinong tao na kagaya ng inaakala mo. Balasubas ang taong itinuring mong ama."

***

RED

"M-MAY TAO BA dyan?!" sigaw ni Red dahil wala siyang makita ni marinig. Ang alam niya lang ay nasa loob siya ng isang kulungan na walang liwanag.

Nasa kadulu-duluhan pa ang selda niya. Malayo siya sa ibang mga preso. Aakalain niya ngang nakapikit siya ng mga sandaling iyon o di kaya'y nabulag dahil napakadilim. Nang mamatay ang ilaw ay wala siyang ideya kung ano na ang nangyari. Nabuhayan lang siya nang marinigan niya ang iyak ng isang sanggol.

Panandaliang nagbukas ang ilaw ngunit nawala rin.

"Tao!" sigaw muli niya. "May tao ba dyan?!"

Minsan pa'y may narinig siyang kalansing sa kung saan. Nanlaki ang kanyang mga mata nang kusang bumukas ang kulungan.

"S-sino yan?" kabado niyang tanong. Sigurado siyang may taong nagbukas nito.

Walang tugon mula rito. Pero sa malapit lang ay narinig niya ang iyak ng sanggol.

Kumurap ang ilaw at sumulpot sa harapan niya ang isang dalagita. Sa bisig nito pala naroon ang umaatungal. "M-Madelle?" nakilala niya agad ang duguang babae. "A-anong nangyari sa'yo?"

Tigmak ng mga luha ang mukha nito. "U-umalis na tayo, rito..."

"Teka... paano ang mga kasama ko?" ang tinutukoy niya ay itong kasama niyang preso dito sa kulungan at iyong matandang lalaki sa katapat niya.

Lumingun-lingon sa paligid si Madelle. "Red..." malamlam ang mga mata nito. "W-wala kang kasama rito..."

"Ha?" nang ikutin niya rin ng tingin ang paligid ay siya nga lang ang mag-isa roon.

InsanusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon