III

109K 4.1K 1.2K
                                    

reposted new chapter

CRISTINA

NAPAIGTAD SI CRISTINA mula sa kanyang kinahihigaan nang maramdaman niya ang kakaibang sakit ng kanyang tiyan. Nayakap na niya ang sarili sa sakit non. Para siyang masusuka na hindi niya maunawaan.

Bakit kaya?

Bahagya siyang umunat upang kapain si Flexus sa kanyang tabi ngunit wala ang asawa. Mukhang maaga itong umalis para asikasuhin ang palugi na nilang negosyo.

Dali siyang tumayo at lumabas ng kuwarto. May common CR sila sa itaas, doon siya agad na pumasok. Napasalampak siya sa toilet bowl at sumubsob doon upang makasuka. Sunod-sunod ang paglalabas niya. Isinuka niya na yata ang lahat ng kinain niya kagabi.

Pero teka? Ano ito? Bakit ganito ang isinusuka niya? Parang giniling na karne?! Napakasangsang pa ng amoy!

Paanong ganito, eh, wala naman siyang naalalang kumain siya ng karne kagabi. Isa pa, pulos mga gulay na lang ang inuulam niya dahil nawawalan na siya nang ganang magkakakain lately.

Napaisip tuloy siya. Nang mahimasmasan na siya ay agad siyang lumabas ng kanyang kwarto at dumeretso sa kwarto ni Baby Apple.

Naroon ito at tulog na tulog. Marahan niya itong kinarga at hinalikan sa matambok nitong pisngi. Nais sana niyang dalhin ito sa labas upang maibilad sa magandang sikat ng araw nang may matanaw siya mula sa bintana. Sinilip niya iyon.

May bata na nasa tapat ng gate ng kanilang bahay. Napakunot ang noo ni Cristina ng makilala ito. Si Vanessa! Pero hindi ito nag-iisa. May kausap ito. Pero sino kaya ang kausap nito?

Ibinalik niya sa kuna si Apple at saka siya umalis para labasin si Vanessa. Padaskol niyang binuksan palabas ang kanilang main door.

Hayun ang anak niya at may kausap na lalaki!

Sino ang lalaking iyon? Pinakatitigan niya.

Napamura siya nang mapagmasdan niya. May kausap si Vanessa na pulubi! At hindi lang basta pulubi kundi – baliw na pulubi!

Mabilis niyang tinakbo ang daan palabas ng kanilang gate. Nang makalapit na siya kay Vanessa ay hinila niya ito sa pulso at inilagay sa likuran niya. Humarap siya sa malaking lalaki na mukhang wala sa tamang pag-iisip. Paano'y marungis ang suot nitong damit at walang sapin sa mga paa.

Nilalangaw ito dahil sa masangsang nitong amoy.

Tinitigan niya ito nang masama. Ang totoo, takot siya sa baliw. Wala kasi ito sa tamang pag-iisip at may kakayahan itong manakit ng kapwa tao. Ngunit tinatagan niya ang loob niya upang harapin ito para protektahan ang kanyang anak.

Nakatingin lang ito sa kanya. Napaatras siya nang makita niyang namumula ang mga mata nito! Nakakatakot. Parang mamamaslang ng tao!

Kinabahan na siya. Paano kasing magkakaroon ng baliw dito sa tinitirahan nilang exclusive subdivision? Paano ito nakapasok gayung may guard sa labas ng gate ng village?

Hinawi niya ang anak niya sa likuran. "Vanessa, dyan ka lang..." Nangangatog na siya.

Nakatingin pa rin sa kanya itong malaking lalaki. Para itong isang aso na kinikilatis siya bago siya kahulan. Kumilos ito nang marahan.

Napaatras muli siya. Kung anuman ang gawin nito ay nakahanda na siyang tumakbo.

Bubuhatin na lang niya ang bata. Subalit biglang ngumisi ang pulubi. Lumitaw ang maiitim nitong ngipin at malawak na gilagid. Kumamot ito sa ulo at saka sumeryoso ang mukha. Pumaling muna ang ulo nito bago tumalikod at naglakad palayo.

InsanusTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon