Entry #1

523 13 10
                                    

La Familia: Pagsabay Sa Daloy at Unos Ng Buhay.

by   Arjay Quinicho (Penwrite)


"Rene, ayusin mo na ang bubong natin mamaya! At itong bahay, itali mo na rin. Nako, pag tayo napag-abutan pa!" bungad ni Milagros sa bagong gising na asawa.

Nagsisimula pa lamang ang umaga at sumisilip pa lamang ang haring araw ay abala na ang ilaw ng tahanan sa pag-aasikaso sa mga gawain.

"Anak, Dulce! Tapos ka na ba kumain diyan? Bilisan mo at baka mahuli ka na naman sa klase mo!" sigaw ni Milagros sa kaniyang anak.

"Itong baon mo, nakabalot na! 'Wag mong kalilimutan. Iwan ko na rin dito sa ibabaw ang pera mo." paalala pa niya kay Dulce.

"Sige po, 'Nay. Aalis ka na ba? Ingat ka sa pagtitinda ah!" paglalambing naman ng anak sa kaniya.

Napangiti na lamang si Milagros at nilapitan ang kaniyang anak, hinalikan niya ito sa noo bago nagtungo sa pinto.

"Oh? Ako, wala ba akong halik na makukuha?" nakangiting sambit ng kaniyang asawa.

"Umayos ka, Rene! Aalis na ako, ikaw na bahala rito sa bahay! Iyong mga bilin ko, gawin mo bago ka pumunta sa trabaho!" tugon niya kay Rene.

"Para halik lang eh." pahabol pa ng kaniyang asawa at tumawa.

Araw-araw ganito ang sinaryo sa loob ng kanilang tahanan. Isang masayang pamilya ang mag-anak ni Milagros. Hindi man sila pinalad at kapos sa buhay, hindi pa rin iyon naging dahilan para maging malungkot sila.

Kahit na pinagtagpi-tagping sako, yero at ilang pinamulot na mga tabla lamang ang kanilang bahay. Kahit na ang kanilang tahanan ay nakatayo sa ilalim ng tulay, sa tabi ng ilog. Hindi iyon naging hadlang para maging masaya at hindi rin nila alintana ang hirap na nadarama.

"Inay! Payong mo! Kakalimutan mo na naman, kaya ka nagkakasakit eh." sambit ni Dulce sa kaniyang ina.

Kahit kailan ay hindi nakalimot na mag-alala si Dulce sa kaniyang ina. Bagay na ikinatutuwa naman niya, senyales lamang iyon ng mabuting pagpapalaki niya sa anak.

Para kay Milagros, pamilya ang maituturing niyang kayamanan. Walang bagay o kahit na sino man ang mas hihigit pa rito. Lahat ng bagay ay kaya niyang gawin o isugal at ipagpalit para lamang sa ikabubuti ng kaniyang asawa't anak.

"Lagring! Balita ko'y may bagyo na naman daw na darating ah!" bungad ng kaniyang kumare nang siya'y makita.

"Oo nga eh. Pinapaayos ko na nga kay Rene iyong aming bahay, mahirap na kapag napag-abutan kami." tugon niya na may halong pag-aalala sa boses.

"Aba, 'di ba kayo lilikas? Tabing ilog lamang ang inyo ah! Mas mabuti siguro'y pumunta na kayo sa simbahan." paalala ng kausap sa kaniya.

"Nako, masyado ka naman mag-isip. Mahina lamang naman iyong bagyo, Nadia. Kaya na siguro iyon ng aming bahay." nakangiting tugon ni Milagros at ipinagpatuloy ang ginagawa.

"Oh siya, mag-ingat na lang kayo. Balik na ako sa puwesto ko." pamamaalam ni Nadia.

"Ale, pagbilhan nga ako niyang bibingka!" sambit ng isang bata.

Agad din naman itong pinagbigyan ni Milagros.

Araw-araw ito ang trabaho niya, ang magtinda sa tapat ng simbahan. Bukod sa marami siyang mamimili sa lugar, malapit din ito sa bahay dalanginan.

Isang relihiyosang tao si Milagros. Kahit kailan ay hindi siya pumalyang magdasal upang magpasalamat sa lahat ng kaniyang natatanggap sa buhay, mabuti man iyon o masama. Bukod sa pamilya, isa pa ang kaniyang pananalig sa Diyos sa mga bagay na kaniyang pinakapinahahalagahan. Sa tuwing pakiramdam niya ay wala na siyang makakapitan pa o mahihingian ng tulong, tanging dito sa simbahan ang kaniyang takbuhan.

KLPP 1ST WRITING CONTESTWhere stories live. Discover now