Entry #4

213 2 2
                                    


Apat na Tanghali sa Buhay ng Pamilya Buot

by Pen E. Lope



TANGHALI. Tagaktak ang pawis ni Aling Narya habang umiire. Mahigpit ang kapit niya sa braso ng kaniyang asawa -- ni Mang Juan -- na tila roon siya humuhugot ng lakas ng loob, lakas ng loob upang mailabas ang sanggol na nasa loob ng kaniyang sinapupunan.

"Kaunti na lang, nakikita ko na 'yong ulo," wika ng babaeng hilot na nakatingin sa kaniyang puwerta. 

Kahit masakit, kahit naninikip na ang kalamnan sa loob ng lumobo niyang puson, kahit ang mga litid niya sa leeg ay tila puputok na, ay nagpakawala si Aling Narya ng malakas na sigaw kasabay ng pag-ireng makalalagot ng hininga. Umalingawngaw sa apat na sulok ng kanilang kubo ang kaniyang sigaw.

Pinagpapawisan na rin ng malapot si Mang Juan habang hinahalik-halikan ang kamay ng mahal niyang asawa. 'Kaunti na lang,' isip-isip niya. Kaunti na lang at matatapos na ang paghihirap ng kaniyang asawa. Kaunti na lang at masisilayan na ng kaniyang anak ang ganda ng mundo -- gandang ngayon lang niya napagtanto.

Mayamaya'y pumailanlang ang iyak ng isang sanggol -- hindi, hindi pala isa kun 'di dalawa, dalawang umiiyak na babaeng sanggol.

"Kambal, Narya, Juan! At parehong babae!" nakangiting sambit ng hilot. "Anong ipapangalan natin sa kanila?" dagdag nito.

Ngumiti si Mang Juan at buong-pagmamahal na hinalikan ang noo ni Aling Narya bago niya kuhanin ang isa sa dalawang sanggol mula sa kamay ng hilot. 

May balat sa leeg ang batang hawak niya -- batang binuo niya kasama ang pinakamamahal niyang asawa. Isa na siyang ganap na ama, at walang mapagsidlan ang kasiyahang kaniyang nadarama. Hindi niya namalayang unti-unting tumulo ang luha sa kaniyang mga mata -- luhang dulot ng tuwa, tuwa sapagkat hindi niya inakalang ang kagaya niyang may kapansanan ay mabibigyan pa ng ganitong regalo.

Hinaplos niya ang duguan ngunit malambot na pisngi ng sanggol na nasa kaniyang bisig, gayundin ang sanggol na nasa kamay ni Aling Narya.

"Ito si Nena," wika ni Aling Narya habang nakatingin sa nakapikit na talukap ng mga mata ng sanggol na hawak niya. "At siya si Nene. Nene Buot. Iyon ang gusto ni Juan."

Umangat ang mumunting labi ni Nene na tila nagustuhan ang pangalang ibinigay sa kaniya ng kaniyang ama. Doon na napahikbi si Mang Juan. Tunay ngang maganda ang mundo -- napakaganda.


TANGHALI. Iyakan ng dalawang paslit, at ingay ng mga nakikiramay ang maririnig sa loob ng bahay ng Pamilya Buot.

Sa dakong bintana, sa maliit na espasyo na naghihiwalay sa sala at sa kusina, ay makikita ang isang kabaong -- may dalawang kandila sa magkabilang gilid, at sa harap ng salamin no'n ay nakayuko si Mang Juan.

Umiiyak. Nagsisisi. Nagdadalamhati.

Kung pinatingnan niya lang sana nang mas maaga si Aling Narya sa doktor ay malalaman niya sana ang sakit nito. Kung pinakinggan niya lang sana ang pagdaing ng asawa. . . Kung naging mabuti lamang siyang asawa at pinigilan itong magtrabaho. . . pero hindi. At ito ang resulta.

Sa bawat patak ng luha ni Mang Juan sa salamin ng kabaong ni Aling Narya ay ang paglawak ng pagsisi at lungkot na lumulukob sa kaniyang puso. Lungkot na dahil sa pagkawala ng babaeng kaniyang minahal sa loob ng kalahating dekada.

Ang kaniyang mga paslit ay nakakapit sa laylayan ng kaniyang damit, umiiyak, hindi dahil naiintindihan nilang patay na ang kanilang ina at hindi na nila muling makakasama pa, kung hindi dahil umiiyak ang kanilang ama. Sabagay, ano nga ba ang aasahan sa kanilang murang isipan? Hindi nila naiintindihan ang nangayayri. Bata lamang sila. Bata na siguradong kailangan ng inang tatanglaw sa kanilang paglaki.

KLPP 1ST WRITING CONTESTWhere stories live. Discover now