Entry #11

203 2 1
                                    

    Depinisyonng Pamilya 

ni flyingsnow23    


"Ang pamilya ay isang salita na binubuo ng pitong letra at tatlong silaba."

Napanganga ang guro ng sampung taong gulang na batang si karlo sa narinig. Bakit naman naging gano'n ang depinisyon ng isang batang katulad nito sa pamilya? Sa halip na kutyain o sabihing mali ang sinabi ng kaniyang estudyante ay nginitian niya ito ng matamis.

"Tama! Tama si Karlo. Ang pamilya ay isang salitang binubuo ng pitong letra, at tatlong silaba. Sino pa ba sa inyo ang may alam kung ano ang ibig sabihin ng pamilya?"

Marami ang nagtaas ng kamay para sumagot. Sa bawat pagsagot ng mga ito ay tinitingnan niya ang reaksyon ng paslit. Parang wala lang dito ang mga naririnig sa paligid. Parang wala lang dito nang sabihin ng mga kaklase nito na ang pamilya ay yaong may ina, ama, at mga anak.

***

"Karlooo..."

Nagkukumahog na bumaba mula sa ikalawang palapag ng kanilang bahay si Karlo matapos marinig ang malakas na pagtawag ng kanyang lola Maria.

"Bakit po, la?"

"Bantayan mo muna itong tindahan, hani? At ako'y pupuntang bayan para mamalengke."

"Opo, la." Nakangiti niyang sagot sa matandang siyang nakalakhan niyang kasama sa buhay.

"Huwag munang aalis hangga't 'di pa ako dumarating, ha?"

"Opo." Muli ay sagot niya habang inaabot ang isang garapon ng candy para kumuha ng isa.

Ang segundo ay naging minuto, at ang minuto ay naging oras. Naiinip na tiningnan ni Karlo ang daan kung saan papunta ang pedicab na sinakyan ng lola niya. Bakit kaya inabot ito ng ganito katagal sa pamamalengke? Gusto pa naman sana niyang maglaro sa likod bahay.

Dahil sa sobrang inip sa pagdating ng kanyang lola. Hindi namalayan ni Karlo na nakaidlip pala siya. Nagising na lamang siya nang makarinig ng tunog ng tricycle. Tila agad na nanumbalik ang lakas na tumayo siya, at sinalubong ang parating. Pero nanlumo siya nang makitang imbes na ang abuela ang makita ay iba ang lumabas sa tricycle. Tila mag-asawa ang dalawa. Ang babae ay malaki ang tiyan. Nakaagaapay naman dito ang lalaki. Akmang tatalikod sana siya nang marinig ang pagtawag ng babae sa pangalan niya.

"Karlo?"

Naantala ang paghakbang niya sa narinig. Kilala ba siya ng babae? Nakayukong lumingon siya. Ilang saglit ay nakita niya na ang isang pares ng paa sa kanyang harapan. Hinawakan nito paangat ang kanyang mukha niya at hinarap dito.

"Ikaw nga, Karlo!"

Bakas ang saya sa boses nito.

"Sino po kayo?" Namimilog ang mga matang tanong niya. Nakita niyang dumaloy ang isang patak ng luha sa kaliwang pisngi ng babaeng buntis. Hindi niya alam kung bakit. Pero parang gusto niyang pahirin ang mga luhang iyon.

"Bakit po kayo umiiyak?" sa halip ay tanong niya.

"Masaya lang ako, anak. Masayang-masaya." Nakangiti nitong saad bagaman, at dumadaloy pa rin sa magkabilang pisngi nito ang 'di maampat na mga luha.

"Bakit niyo po ako tinatawag na anak?" Nagtataka paring tanong niya.

"Dahil siya ang mama mo, Karlo."

Agad na napabaling sa bagong dating na abuela ang kanyang pansin.

"Mama?" mahinang usal niya.

KLPP 1ST WRITING CONTESTWhere stories live. Discover now