Entry #19

161 3 4
                                    

 Ang Kanilang Pamana

ni Winfour2


Tirik na ang araw nang imulat ko ang aking mga mata dahil sa pangungulit ng anak kong si Baste. Paulit-ulit niya pang sinundot-sundot ang aking ilong para lang tuluyan na akong magising. Mayamaya, narinig ko na lang ang malakas at tuloy-tuloy niyang pagtawa. Hindi ako nainis, sa halip ay natawa pa nga ako sa aking isip. Ganito rin kasi ang ginagawa ko sa tuwing gigisingin ko siya. Nang ako'y makabangon, nagkunwari akong galit. Nakasimangot akong tumingin sa kaniya. Natigil siya sa paghalakhak, nakatingin lang siya sa 'kin na parang naghihintay sa sasabihin ko.

"Bakit mo ba akoー" Hindi pa ako natatapos pero bigla na naman siyang tumawa. Mas malakas kumpara kanina, may paghawak pa sa tiyan.

Napakamot na lang ako sa ulo, napakapilyo na nitong anak ko. Anim na taon pa lang pero marunong nang mang-asar.

"Nagmana sa 'yo ang anak mo, pilyo." Napalingon ako sa bandang pinto. Nando'n si Cess, ang napakaganda kong asawa. Halos lumubo na ang pisngi niya dahil sa pagpipigil ng tawa.

"Aba! Tinatawanan mo rin ako?" Sinubukan kong lapitan si Cess pero bigla na lang akong pinigilan ni Baste. Hinawakan niya ako sa kaliwang hita.

"Mommy, takbo!" sabi ni Baste.

Mabilis na lumabas si Cess ng kuwarto. Pero bago 'yon, nag-wacky face muna siya sa akin. Habang si Baste nama'y todo kapit sa hita ko para lang hindi ko maabutan ang mommy niya.

"Ikaw bata ka!" Kiniliti ko nang kiniliti si Baste. Dahilan para bumitaw siya sa akin. Hindi ko na sinayang ang pagkakataon, tumakbo ako palabas at hinanap ko si Cess. Wala siya sa sala, kaya naman nagtungo ako sa kusina. Naabutan ko siya roon, pero hindi agad ako nakalapit. May armas siya! May hawak siyang sandok!

"Sige, lumapit ka, matitikman mo 'tong bagong sandok natin," pagbabanta niya na bahagyang natatawa.

"Ang daya mo naman e, walang gan'yan."

"Huwag ka kasi magulo, nagluluto ako e."

"At ako pala ang magulo ngayon ah, kayo kaya 'yon. Ang sarap ng tulog ko ginising n'yo ako." Nagtangka akong lumapit ngunit hindi ko naituloy nang ituro niya sa akin ang armas niya.

"Hala, ako ba sumundot ng ilong mo? 'Di ba anak mo?"

"E bakit mo ako tinatawanan?"

"E nakakatawa e," pilosopo niyang sagot.

Mga ilang sandali lang, dumating na si Baste. Suot pa niya ang iniregalo kong damit na may tatak na Superman. Ang kulay pula namang panyo na itinali niya sa kaniyang leeg ang nagsilbi nitong kapa. Napailing na lang ako nang makita ko pang may hawak siyang laruang espada sa kaliwang kamay. Full gear siya, mukhang hindi ako uubra!

Pumagitna siya at sa akin nakaharap, tanda lang na ang asawa ko ang pinoprotektahan niya.

"Ang bilis magbihis ah, 'yong totoo? Planado ito, 'no?" tanong ko kay Cess. Tawa lang siya nang tawa.

"Hindi ka makakalapit sa mommy ko! Ako si Superman!" sabi ng makulit kong anak. Ipinagmamayabang pa niya ang kaniyang espadang gawa sa plastik.

"Superman daw, wala namang espada si Superman e," pang-aasar ko. Mabilis namang umusli ang nguso ni Baste.

"Mommy si Daddy o! Inaaway ako."

"Bakit mo inaaway ang baby boy ko? Salbahe ka ah." Nasa aktong lalapit si Cess pero mabilis akong tumakbo paalis habang tumatawa.

KLPP 1ST WRITING CONTESTWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu