Entry #6

78 2 2
                                    

TheDream 

ni Beat_G 

Nakakabinging tugtugin ang maririnig sa apat na sulok ng lugar na iyon. At mababakasan sa mga mukha nila ang kasiyahan habang sumasabay ang kanilang baywang sa ritmo ng musika. Hindi alintana ang usok na nagmumula sa entablado at sa sigarilyo, patuloy lamang sila sa pagsayaw na parang wala nang bukas. "Whooo! Inom pa tayo!" sigaw ni Gail sa mga kasama sabay tungga sa bote ng alak.

"Hoy Gail! Umuwi ka na. Baka hinahanap ka na ng mga magulang mo," ani ni Gina--isa sa mga barkada ni Gail. Bigla namang tumawa ang dalaga sa naging pahayag nito. "Hayaan mo sila. Hindi ko naman sila kailangan, e!" sambit niya habang sumasayaw.

"Hay, bahala ka nga! Basta sinabihan kita ah!" Iling-iling na wika ni Gina. Napasimangot naman ng mukha ang dalaga nang biglang pumasok sa isipan ang imahe ng kaniyang mga magulang. "Oo na! O' siya, para sa'yo ito! Ubusin mo iyan ah, libre ko na 'yan."

Ang kaninang dismayadong mukha ay biglang nagbago nang ilahad ni Gail ang bote ng alak sa kaibigan. "Salamat dito, ah! Tara inuman pa tayDa" Napahagikhik na lamang siya sa inasta nito, alam na alam niya talaga kung paano iibahin ang usapan.

"Babe..." Bigla siyang tinaasan ng balahibo nang marinig ang mabaritonong tinig ni Dave--ang kaniyang boyfriend. Nararamdaman niya ang init na hatid ng mga halik nito sa kaniyang leeg, "Hmm..."

"Tell me, gusto mo pa ba?" Malambing na tanong ni Dave sa kaniya. Hindi agad siya nakasagot dito nang biglang hapitin ng binata ang kaniyang maliit na baywang at halikan siya sa mga labi. At nang makabawi ay agad na sinagot niya ang mapupusok na halik nito.

***

Napangiti siya nang makita ang isang dalaga na kasalukuyang nakangiti rin sa kaniya. Mayroon itong kulay itim na mahabang buhok na bumagay sa itim at bilugan nitong mga mata. May manipis na mapupulang labi at maliit at matangos na ilong. Isa lamang ang masasabi niya sa nakikita, napakaganda ng babaeng nasa salamin.

Kalaunan, bigla na lamang napuno ng dugo ang kaniyang mukha, nagkaroon ng maraming butas, labas ang kaniyang isang mata, at may nakabaon na itak sa kaniyang ulo. "Ahhhhhhh!!!"

Kasabay ng kaniyang pagsigaw ay ang pagdilim ng paligid. At doon niya napagtantong nahuhulog na pala siya. Dahil sa takot ay ipinikit niya ang mga mata at muling sumigaw nang malakas.

Makalipas ang ilang minuto, dumilat siya at natagpuan ang sarili na kumportableng nakahiga sa kaniyang kama, "Grabe namang panaginip iyon," sambit niya habang ang dalawang kamay ay nasa dibdib.

Tumayo siya mula sa pagkakahiga at diretsong tinungo ang banyo. Matapos niyang maligo't mag-ayos ay bumaba na siya sa kanilang sala. "Good morning, Dad, Mom, and Darwin!" Masayang bati niya sa mga ito. Ngunit agad na nawala ang ngiti sa kaniyang labi nang balingan siya ng tingin ng kaniyang pamilya.

Biglang kumabog ang dibdib niya nang makitang kulang ng isang mata ang tinawag niyang Mom, labas ang puso ng tinawag niyang Dad, at lamog-lamog ang mukha ng tinawag niyang Darwin. Napaatras siya nang kaunti, nang makita ang sarili niyang anyo na nasa hapag-kainan din. At wala pang isang kisap-mata ay nasa harap niya na ang babaeng kamukhang-kamukha niya, napako siya sa kaniyang kinatatayuan, natigil ang paghinga niya, at nararamdaman niya na rin ang panginginig ng kaniyang tuhod. Nais niyang tumakbo palayo rito ngunit... hindi niya kaya.

Dahil sa takot na nadarama, ipinikit niya na lang ang mga mata at napagpasiyahang hinintayin na lamang ang kaniyang katapusan. Dumaan ang ilang segundo ay wala siyang naramdaman na kung ano, kaya dumilat siya, at nasaksihan niya kung paano kinakain ng babaeng kanina'y nasa harap, ang walang buhay na katawan ng kaniyang mga magulang at nag-iisang kapatid.

KLPP 1ST WRITING CONTESTWhere stories live. Discover now