Entry #9

87 1 2
                                    

    FamiliaOrdinario 

ni bolPEEN

NAGSISIMULA pa lamang na sumikat ang araw mula sa likod ng mataas na bundok sa silangan at basa pa ang mga dahon na dulot ng malamig na hamog ng nagdaang gabi ay bumangon na sina Aling Lita at Mang Crisanto sa pagkakahiga sa kanilang matigas na papag na nasasapinan lamang ng banig na yari sa dahon ng pandan habang ang kanila namang tatlong anak ay masarap pang natutulog sa silid ng mga ito. Sabado naman ngayon at walang pasok sa eskwela ang mga bata kung kaya't minabuti muna nilang hindi gambalain ang pagkakatulog ng mga ito at baka pagod ang mga anak sa isang buong linggong pagpasok sa paaralan at paggawa ng mga aralin at proyekto sa magdamag.

Bumaba ng hagdan si Aling Lita at nagtungo sa munting kusina na nakapahiwalay sa mismo nilang bahay, nagbuhay ng apoy sa kalan gamit ang mga sinibak na kahoy, at saka nagsalang ng tubig na iinitin sa takure. Samantala, kinuha naman ni Mang Crisanto ang kanilang radyo na nakalapag sa isang tabi ng bahay at kapagkuwan ay umupo sa isang bangko sa kusina matapos ilagay sa isang istasyon ng maagang balita ang hawak na radyo at inilapag sa mesang nasa harap at nakinig ng balita ukol sa pabago-bagong panahon. Mamaya, pagkatapos ng agahan ng mag-anak ay pupunta pa sa bukid si Mang Crisanto upang bantayan ang kanilang pananim na palay na malapit ng anihin at baka pamugaran nanaman ng mga makukulit na maya at ubusin ang malakulay ginto nitong mga butil. Pansamantala namang naupo si Aling Lita sa isa pang bangko kaharap ng asawang sa ngayon ay nagsindi at naghithit ng sigarilyong tabako habang matamang nakikinig ng anunsyo sa radyong nasa harap.

Parehong gumuhit ang munting ngiti sa mukha ng mag-asawa matapos mapakinggan ang sinabi ng tagapagbalita sa radyo na maayos ang lagay ng pangkaraniwang panahon sa araw ding iyon.

"Salamat sa Diyos at mabuti ang panahon! Tiyak na masisira ang ating mga pananim sa bukid kung sakaling sumama ang lagay ng panahon lalo't hindi na ganoon katibay ang tukod ng ating mga pananim na gulay. Siguradong madadapa rin ng husto ang ating palay sakaling lumakas ng husto ang bugso ng hangin," nasa tinig na pagpapasalamat na wika ni Mang Crisanto sa asawa.

"Ay, salamat sa Diyos! Ako man din ay makakapunta sa bayan upang ipagbili ang mga gulay na naani natin kahapon sa bukid. Tiyak na mabibili ang mga iyon lalo na't kaylalaki ng mga upo at patola, at kaybibilog ng mga kamatis," ang sagot ni Aling Lita.

"Sigurado iyon!" tuwang-tuwa na sang-ayon ni Mang Crisanto sa asawa at saka may naalala, "Siyangapala, h'wag mo sanang kalimutang bumili ng masarap na ulam sa bayan, maraming mapagbibilhan sa mga gulay, e." dugtong ni Mang Crisanto.

"Opo, Kamahalan!" ang natatawa namang biro bilang sagot ni Aling Lita sa mabuting asawa.

Nang kumulo ang isinalang na tubig sa takure ay agad iyong isinalin ni Aling Lita sa may kalumaan na rin nilang kulay pulang termos na nadidisenyuhan ng mga nabubura nang paruparo at bulaklak dala ng mahabang panahon na rin nilang gamit. Nagtimpla si Aling Lita ng limang tasang kape habang si Mang Crisanto naman ay lumabas ng kusina at nagtungo sa labas para bumili ng mainit na pandesal sa sumisigaw na naglalako ng tinapay.

"Estrella, Gloria, Cinio...bumangon na kayo at nang makapagkape na. Nagtimpla na ang inyong Inay ng makakape," ang tawag ni Mang Crisanto sa labas ng silid ng tatlong anak na noon ay kagigising lang at saka muling bumalik sa kusina.

Ilang sandali pa ay bumangon na ang tatlong magkakapatid at lumabas ng kanilang silid matapos iligpit ang ginamit nilang banig, kumot, at unan sa papag. Pumunta sa banyo, naghilamos, at saka nagtungo sa kusina kung saan naroon sina Mang Crisanto at Aling Lita na hinahanda ang mga tasa ng kape at mainit na pandesal na binili.

KLPP 1ST WRITING CONTESTWhere stories live. Discover now