Entry #12

167 1 1
                                    

IslaSoledad: Sagana sa Hirap, Salat sa Yaman 

ni UndomesticGoddess 

Sakay ng isang bangkang de-motor si Ayanah upang tawirin ang nangangasul at malinaw na karagatang pumapagitna sa bawat isla ng Soledad. Isang pagsasaliksik sa buhay ng isang pamilyang pilipino ang kailangan niyang gawin upang isumite sa kaniyang propesor. Ito ang magdidikta kung siya ba ay papasa o uulit sa asignaturang dalubulnungan o mas kilala sa tawag na sosyolohiya. Sa kaniyang ulat ay kailangan niyang ipaliwanag o ipakita kung paanong nabubuhay ang isang tipikal na pamilya kumpara sa mas maalwan na buhay ng iba katulad niya. Ang bawat pagkukumpara sa talakayang gagawin niya rito ay maaaring masalamin ang bawat antas ng pagkakaiba o 'di kaya ay pagkakapareho ng mga ito.

Ang malinaw at malinis na dagat ay kaniyang dinadamdam habang nakasawsaw ang isang kamay dito. Sa kabila ng ingay ng ugong ng bangkang de-motor ay tila nakamit ni Aya ang katahimikan sa pagmasid sa naggagandahang mga tanawin gaya ng mga pulo-pulong isla na tila ba magkaka-away sa layo. Ayon sa mga tao rito ay may labing-isang isla raw ang mayroon dito kung saan kabilang ang Isla Soledad. Minsan na rin itong naging lagusan ng mga pirata o 'di kaya ay teroristang napapadpad dito.

Habang palapit nang palapit ang sinasakyan niyang bangka ay hindi magkamayaw ang kasiyahan at kaba sa kaniyang dibdib. At sa pagsisimula ng lahat ng ito ay natanaw na niya sa 'di kalayuan ang pamilyang magiging bida ng kaniyang ulat. Ang pamilyang tutuluyan niya hanggang sa matapos ang kaniyang presentasyon at ulat. Ang pamilyang siguradong tatatak sa kaniyang buhay. Ang pamilya Ambalatugan... kung saan ay pansamantala siyang magiging parte ng mga ito.

Isang pamilyang may anim na miyembro. Si Apong Dado na sa edad na singkuwenta y singko na siyang haligi ng tahanan nila ay isang mangingisda. Si Inang Atang na ilaw ng tahanan naman ay kuwarenta y nuebe na at tanging nasa bahay lang dahil sa sakit na hika. Si Saina na panganay na anak ay isang estudyante sa La Soledad ay atrasado na ang pag-aaral dahil sa kakulangan sa pera. Labing-apat na taon na ito ngunit nasa ikalimang baitang pa lamang ng pag-aaral. Samantalang ang mas batang si Utoy ay nasa kaparehong baitang ni Saina at nasa tamang edad nitong sampung taon. At ang mga bunso ay ang kambal na Samira at Safira na siyang pawang mga nasa edad tatlong taon.

Nang dumaong sa pampang ang sinasakyan niyang bangka ay agad niyang sinukbit sa kaniyang mga balikat ang isang malaking backpack na naglalaman ng lahat ng gamit niya at ilang plastic bag na may lamang pasalubong niya. Inalalayan siyang makababa ng isang bangkero, at nang maitapak ang mga tsinelas sa buhangin ay agad na lumubog ito. Nilapitan siya ng mga batang si Samira at Safira at agad siyang niyakap ng mga ito. Isang mainit at mahigpit na yakap ang iginawad nito sa kaniya. Isang bulaklak naman ang isinabit sa likod ng tainga niya nang nakatatandang kapatid ng mga ito na si Saina habang nakamasid naman ang mag-asawang Apong Dado at Inang Atang sa kanila kasama ang tila mahiyaing si Utoy.

Sa unang pagtungo niya rito sa Isla Soledad ay inobserbahan niya ang lugar at ang mga pamilyang naririto. Matapos niyang makapagpaalam sa mga nakakataas sa lugar na iyon ay pinayagan siya ng mga itong gawin dito ang kaniyang ulat kapalit ay walang pamilya ang maaaring saktan o gawan ng masama.

Maliit lamang ang Isla Soledad kung kaya sa pag-iikot-ikot niya rito ay napansin niya agad ang simpleng pamumuhay ng mga tao rito. Sagana sa likas na yaman ang buong lugar lalo na at malapit ito sa kalikasan at sa yamang dagat. Ang tirahan ng mga ito ay barong-barong na gawa sa pinagtagpi-tagping kahoy at ang pangunahing trabaho o pinagkukunan ng mga tao rito ay ang pangingisda. Sa kaniyang paglibot ay napukaw ng pansin niya ang isang barong-barong na tila napapaligiran ng makukulay na papel kung saan nakasulat o kaya ay nakapinta ang mga salitang, "Isla Soledad: Sagana sa kahirapan, salat sa yaman". Isang poster na tila sumasalamin sa buong kalooban ng mga tao sa Isla Soledad.

KLPP 1ST WRITING CONTESTजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें