Entry #14

56 1 1
                                    

   Panunumbalik

ni Erthrismal Quill     

Malayang pinagsasawaan ng tubig-dagat ang aking mga paa habang naglalakad ako sa dalampasigan. Huminga ako nang malalim upang samyuin ang napakasariwang hangin na bumabalot sa buong paligid. Wala pa ring nagbabago sa lugar na ito...puting-puti pa rin ang buhangin nito at mabibilang mo sa iyong daliri ang mga taong narito. Napayakap ako sa aking sarili nang maramdaman ko ang malamig na hangin na bumabalot sa buong lugar. Iginala ko ang aking paningin dahil sa narinig kong mahinang halakhak ng isang bata. Napangiti ako sa aking nasilayan, mag-amang naghahabulan hindi kalayuan mula sa akin. Alam ko ang pakiramdam na iyon...kung gaano kasaya at gaano kalaya.

***

"Papa, sandali. H-hintayin mo a-ako," hinihingal kong sambit kay Papa habang sinusundan ko ang mga bakas ng kanyang mga paa sa buhanginan.

"Ano ba kasi ang ginagawa mo, Rubie?" tanong niya sa akin. Natawa siya nang makita niyang pilit inaabot nang maiksi kong binti ang mga naiwang marka sa kanyang dinaanan.

"Gusto ko po kasing bumilis sa paglalakad gaya po ninyo kaya sinusundan ko ang mga ito," ani ko habang nakatingin sa buhangin.

Nilapitan ako ni Papa. May kalakihan ang kanyang pangangatawan at taglay niya ang likas na tangkad na namana niya sa aking lolo, walang kahirap-hirap niyang binuhat ang pitong taong gulang niyang anak...ako.

"Anak, lalo ka lang mahihirapan kung susundan mo ang bakas ng iba. Dapat gumawa ka ng sarili mo." Ipinatong niya ako sa kanyang leeg.

Napamaang ako sa kanyang tinuran, "Ano po ang ibig ninyong sabihin, Papa?"

"Ang ibig kong sabihin, Anak, magkaiba ang sukat ng mga hakbang natin. Tingnan mo ang paa ni Papa hindi ba't malaki? Tingnan mo ang paa mo? Kasing laki lang ng manika. Ang isang hakbang ko ay maaaring maging tatlong hakbang mo," paliwanag niya na nagpakunot ng aking noo.

"Humawak ka, Anak," saad niya. Marahan siyang tumakbo habang hawak-hawak niya ako nang mahigpit.

"Papa, bilisan mo. Ayan na ang alon!" hiyaw ko. Kapag bumabalik ang tubig sa dagat ay lalapitan niya ito at kapag papunta na ulit sa pampang ang tubig ay lalayo siya rito. Tatawa-tawa naman si Papa kapag sumisigaw ako, "Ayan na! Papa, mababasa tayo!" Iginalaw-galaw ko pa ang aking mga paa na tila ba sa paraang iyon ay makalalayo kami sa tubig na tuluyang umangkin sa mga paa ni Papa, "Wala na, nahuli na tayo ng dagat," ani ko sa kanya.

Ibinaba niya ako at pinisil niya ang aking ilong, "Anak, minsan kailangan mong hayaan ang dagat na lamunin ang iyong mga paa para maramdaman mo ang tunay na saya." Tahimik kong pinagmasdan ang pagbuka ng kanyang bibig. Wala talaga akong maintindihan sa mga sinasabi niya pero batid ko na seryoso siya.

"Anak, umuwi na tayo. Lumalamig na, siguradong naghihintay na sa atin si Mama mo," aya niya sa akin.

"Dito na muna tayo, Papa. Minsan na nga lang tayo magkasama nang ganito, e," malungkot kong tugon sa kanya.

"Anak, hindi puwede, mag-aalala si Mama mo. Babalik na lang tayo sa susunod, a?" Itinikom ko lang ang aking bibig at umiwas sa kanya ng tingin, "Anak, babalik tayo rito. Pangako iyan ni Papa," Itinaas niya ang kanyang kanang kamay.

"Talaga po? Pangako iyan, a?" ani ko sa kanya at ibinigay ko sa kanya ang pinakamatamis kong ngiti. Humawak ako sa malaki at makalyo niyang kamay. Napakainit ng palad niya, dahilan upang kahit paano ay maibsan ang lamig na aking nararamdaman.

KLPP 1ST WRITING CONTESTWhere stories live. Discover now