Chapter Twenty-Six (Part 1)

1.4K 51 2
                                        


SIGURO kung naiiba ang pagkakataon baka natuwa pa si Jake na muling makita at makakasama ang daddy niya. Pero sa mga oras na ito, habang papasok siya sa kanilang bahay ay hindi niya magawang matuwa o magsaya. Alam naman kasi ni Jake ang totoong dahilan kung bakit umuwi ang daddy niya, kung bakit kinailangan nitong umuwi. Hindi iyon para sa kanya kundi sa gagawin nitong dapat matagal na nitong ginawa. Hindi naman niya sinasadyang marinig iyon pero nakabuti na rin para sa kanya
dahil naihanda niya ang sarili para doon.

Matagal na...

Siguro nga ay makasarili talaga siya dahil kahit matagal na niyang alam ang katotohanan ay hindi niya iyon matanggap-tanggap. Hanggang ngayon ay mahirap iyon para sa kanya. Na mula noon hanggang ngayon ay may kaagaw siya sa pansin ng daddy niya pati na rin sa atensyon ng mommy niya. Kaagaw na kahit kailan ay hindi niya yata mahihigitan.

Bumuga siya ng hangin nang tumambad sa kanya ang masayang eksena ng daddy at mommy niya habang kumakain ng pananghalian. Pagkatapos niyang umalis sa bahay nina Rubius namasyal muna siya sa halip na dumiretso sa bahay nila. Nagbabad siya sa isang computer shop at pinagsawa ang sarili sa paglalaro ng online games. Doon na siya inabot ng tanghali saka nagdesisyon na umuwi. At ngayon na nandito na siya parang mas gusto niyang manatili sa kanyang kwarto, mahiga sa kanyang higaan, at matulog nang mahimbing.

Natigil sa pagkukwentuhan ang mga magulang niya nang makita siya.

"Nandiyan ka na pala, Jake, halika samahan mo na kami ng daddy mong kumain," anang mommy niyta.

Nang hindi siya kumilos ito na ang lumapit sa kanya at pinaupo siya sa bakanteng upuan na nasa kabila ng pwesto ng mesa kung saan nakaharap sa daddy niya.

"Kumusta ka na Jake?" Masiglang tanong ng daddy niya.

Tumayo ito saka siya nilapitan. Niyakap siya nito nang mahigpit na ikinagulat niya ngunit ginantihan naman niya. Aaminin ni Jake na sa kabila ng sama ng loob na nadarama niya para sa ama na-miss niya rin ito.

"Na-miss kita, anak." Anito saka kumalas sa pagkakayakap sa kanya saka bumalik sa upuan nito.

Ang mga sumunod na sandali ay puro tanong tungkol sa kanya na malugod naman niyang sinagot. Kahit na kasi naikwento na iyon ng mommy niya ay mas gusto ng daddy niya na siya ang magkwento, na mula sa sarili niyang bibig manggaling ang pangyayari sa buhay niya na mahalaga lalo na sa school.

"Kumusta naman si Devin, anak?"

Napatuwid ng upo si Jake sa tanong nito.

"Okay naman po siya," sagot niya. Pinanatili niya ang pantay na tono. Tono na tila nagsasabi na hindi siya interesado at wala siyang balak na pag-usapan si Devin.

"Hindi ba kayo nag-uusap na dalawa?"

Nag-usap kami, Daddy, pero sa hindi paraan na alam mo. Isa pa hindi na kami nag-uusap na katulad ng dati.

Mukhang nahalata ng mommy niya na ayaw niyang sumagot. Ito na ang namagitan.

"Well, hon, nakausap ko si Devin one month ago ng minsan na pumunta siya rito. He's doing great. Ang sabi niya sa akin okay naman daw ang studies niya. Palaging mataas ang grades at Dean lister pa siya. Miyembro rin siya ng isang organization sa department nila."

Lihim na napapalatak si Jake sa mga sinabi ng mommy niya. Talagang updated ito sa mga bagay na may kinalaman kay Devin. Hindi naman nakapagtataka iyon pero nakapagseselos ang ganoong bagay. Siya ang anak pero mas maalam pa ito kaysa sa hindi nito kadugo.

Nang bumaling siya sa daddy niya, nakangiti ito ng maluwang. "That's my boy!" Tuwang-tuwa pa nitong sabi.

Siyepre natakpan na naman siya... ang mga sinabi at ikinwento niya rito kanina.

String from the HeartWhere stories live. Discover now