One

5.7K 210 58
                                    

ANG MATINGKAD na init ng araw ay lalong nagpasidhi sa maalinsangang paligid. Mula pa kanina sa airport pagkababa niya ng eroplano ay ramdam na ni Wangga ang hapdi na dulot ng init ng araw na nanunuot sa manipis niyang balat. Kabababa lang niya ng jeep at kailangan pa niyang sumakay ng tricycle na maghahatid sa kanya sa Baryo San Joaquin. Ang Baryo San Joaquin ay nasa liblib na bahagi ng bayan ng Monte Cristo. Ang lugar na iyon ay tila hindi pa naaabot ng sibilisasyon. Walang kuryente ang lugar kaya pagsapit ng alas-sais ng gabi kung kailan sinakop na ng dilim ang liwanag ay wala nang makikitang taong pagala-gala sa kalye. Iilang residente lang ng lugar ang may maayos na liwanag kung gabi na nagmumula sa generator. Pero ang malaking bahagi ng populasyon sa Baryo San Joaquin ay nagtitiyaga sa liwanag na dala ng lampara at gasera.

Pinara ni Wangga ang isang bakanteng tricycle na dumaan sa harapan niya.

"Kuya, magkano po hanggang Baryo San Joaquin?"

"Isandaan po, ma'am."

"Ha?" gulat na sabi ni Wangga. "Ang mahal naman."

"Malayo po kasi iyon, ma'am. Liblib na po 'yun," katwiran ng drayber.

"Sige po, pakihatid na lang po ako roon." Naisip niyang wala naman siyang choice kundi ang sumakay.

"Sakay na po kayo..."

Sumakay na siya at mabilis na pinatakbo ng drayber ang tricycle. Malayo rin ang itinakbo ng sasakyan. Mula sa bayan ay nakarating ito sa medyo bukid nang lugar kung saan puro mga puno at matataas na talahib na ang nakikita ni Wangga sa paligid. Napakalayo nga pala ng pupuntahan niya mula sa binabaan niya ng jeep kanina.

Maya-maya pa ay huminto ang tricycle sa harapan ng isang maliit na ilog.

Napatingin sa drayber si Wangga. "Dito na ba, kuya?"

"Hanggang dito na lang po tayo. Hindi ko maitatawid sa ilog itong tricycle," sabi nito.

"Paano po ako makakalipat sa kabilang pampang?" tanong niya. Wala siyang nakikitang tulay na puwedeng daanan papunta sa kabilang bahagi ng ilog. Sa tingin niya ay may kalaliman ang tubig nito at imposibleng tawirin niya lalo pa at dalawang mabibigat na bagahe ang bitbit niya.

"Kailangan n'yo pong tumawid," sagot nito sa kanya. "Ano po ba ang gagawin n'yo diyan? May dadalawin po ba kayong kamag-anak?"

"Doktor po ako ng gobyerno. Galing po ako sa Maynila. Dito ako in-assign sa Baryo San Joaquin."

"Naku!" tila nabiglang sabi ng drayber.

"Bakit po? May problema po ba?" tanong ni Wangga.

Umiling ang drayber. "Wala po, Doktora."

"Paano ba ako makatatawid sa kabila? Bakit ba kasi walang tulay dito?"

"May tulay na kawayan po dati diyan, Doktora. Pero nasisira tuwing bumabagyo at 'pag tumataas ang tubig dito sa ilog. Kaya ayan, wala nang tulay ngayon."

"Hindi po ba malalim 'yan?"

"Hanggang baywang lang po siguro. Hindi naman masyadong malalim," paniniguro ng drayber.

Napaisip si Wangga. Wala pala siyang choice kundi magpakabasa sa pagtawid sa ilog.

"Kuya, puwede mo ba akong tulungang makatawid sa kabila?" pakiusap ni Wangga. "Mabigat kasi itong bagahe ko. Baka tangayin ako ng agos ng ilog kapag sinuong ko 'yan. Dadagdagan ko na lang ang bayad ko sa'yo."

"Sige, Doktora tutulungan kita. Pero hanggang sa makatawid lang, ha? Hindi na kita maihahatid hanggang sa barangay," sagot nito na bakas sa mukha ang pagkabahala. "Kailangan kong makabalik kaagad sa bayan.

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Where stories live. Discover now