Twenty-eight

2.3K 137 28
                                    

"ILABAS MO si Yvette! Ilabas mo ang kapatid ko kung ayaw mong mauna nang mamatay ang kapatid mo!" Idiniin ni Ashton ang dulo ng baril sa sentido ni Dominador.

Parang walang narinig si Regidor. Pumalakpak ito ng tatlong ulit at nagmamadaling lumapit dito sina Cleto at Simon.

"Dalhin n'yo rito si Dr. Luarca. Isama n'yo na rin ang bisita n'ya," utos ni Regidor sa dalawang lalaki.

Nagtungo sina Simon at Cleto sa isang sulok ng basement kung saan ang isang bahagi ng pader ay gawa sa makapal na rehas. Ang rehas na iyon ay pinto pala ng isang kulungan at  naroon si Dr. Luarca at isang babae.

Si Wangga!

Tila wala sa sarili si Dr. Luarca. Sa hita nito ay may bakas ng dugo. Si Wangga naman ay nakakadena ang mga kamay at paa. Ang kadenang nasa paa niya ay sapat para makalakad pa rin siya ng katamtamang mga hakbang. Walang reaksyon sa mukha ng doktora. Kung ano man ang iniisip nito ay ito lang ang nakaaalam.

Dinala ng dalawang lalaki sina Wangga at Dr. Luarca kay Regidor.

"Ngayon, masdan n'yo kung ano ang gagawin ko sa inutil na mga doktor n'yo." Dinukot nito sa bulsa ng suot na laboratory gown at inilabas ang isang maliit na botelyang may lamang asul na likido. Kasunod ay iniabot naman ni Simon ang isang heringgilya kay Regidor at inilagay nito ang asul na likido sa heringgilya.

Itinurok ni Regidor sa ugat sa braso ni Dr. Luarca ang kemikal. Sa umpisa ay parang wala lang ngunit pagkalipas ng ilang sandali ay nanginig na tila kinukuryente si Dr. Luarca kasabay ang unti-unting pagbabago ng anyo nito. Ang maamong mukha nito ay dahan-dahang naging mukha ng unggoy na may mahahabang mga pangil habang ang katawan ay naging tila sa baboy-ramo. Lumaki rin ito at umabot ng siyam na piye.

Hindi makapaniwala si Laarni sa nasaksihan. Si Ashton ay nakamasid lang pero alerto siyang nakikiramdam sa paligid.

Naging ganap na halimaw si Dr. Luarca. Ang atungal nito ay pumuno sa loob ng basement.

Napatili si Wangga. Katabi niya ang halimaw. Ano mang oras ay puwede siyang dakmain nito at lapain.

Humalakhak si Regidor. "Wala na kayong magagawa. Permanente nang magiging halimaw si Dr. Luarca dahil naperpekto ko na ang pormulang nagpapabago sa kanyang anyo!"

"Doktora!" sigaw ni Laarni nang kumilos ang kamay ng nependiso para dakmain si Wangga. Mas hinigpitan niya ang hawak sa baril at itinutok sa halimaw.

Dinampot ng halimaw si Wangga at itinaas.

Babarilin na ni Ashton ang nependiso ngunit kumilos si Dominador para agawin ang baril. Dalawang beses na pumutok ang baril sa ere. Muling nagsukatan ng lakas ang dalawang lalaki. Sumugod sina Simon at Cleto para tulungan si kagawad.

"Laarni, barilin mo ang halimaw!" sigaw ni Ashton habang nakikipaglaban kay Dominador.

Humanda ang halimaw para lapain ang doktora. Noon ipinutok ni Laarni ang baril. Sapul sa balikat ang nependiso. Isang putok pa ang umalingawngaw at tumama sa braso ng halimaw. Nabitawan nito si Wangga na unang bumagsak ang likod sa semento. Namilipit sa sakit ang doktora.

Mabilis na nilapitan ni Regidor si Wangga at pinasan ito. Pagkatapos ay mabilis siyang tumalilis papalabas ng basement. Dumaan siya sa  malaking pinto na nasa bandang dulo ng basement kung saan pumapasok at lumalabas ang halimaw.

Muling umatungal ang halimaw. Galit na galit na ito. Humakbang ito papalapit kay Laarni.

"S-sige, b-babarilin kita..." nanginginig ang boses na sabi niya sa halimaw.

"Iputok mo!" sigaw ni Ka Nelia. "Patayin mo siya bago pa tayo ang mapatay!"

Napalibutan nina Cleto, Simon at Dominador si Ashton. Tinangka niyang paputukin ang baril subalit wala na itong bala.

Mabilis siyang kumilos. Binigyan niya ng isang matinding bigwas sa panga si Dominador. Tulog na bumagsak sa semento ang kagawad. Sumugod ang dalawang tauhan ni Regidor pero mas maliksi at alerto si Ashton. Nagawa rin niyang patumbahin kaagad ang dalawang lalaki sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng magkasunod na knockout punch.

Apat na magkakasunod na putok ang lumabas sa baril ni Laarni. Dalawa rito ay tumama sa binti at dumaplis sa tagiliran ng halimaw.

Napaatras ang nependiso. At bago pa muling nakapagpaputok si Laarni ay tumakbo na ito papalabas ng basement.

"Susundan ko ang halimaw! Laarni, hanapin mo rito sa loob ng bahay si Yvette." Binalingan naman nito si Ka Nelia. "Hanapin n'yo ang susi ng kulungan at ng mga kadena. Pakawalan n'yo si Kapitan Celso." Iyon lang at mabilis na lumabas na rin siya sa basement para habulin ang halimaw.

Wala ang halimaw sa labas ng malaking bahay. Sinamantala niya ang pagkakataon. Agad niyang nilagyan ng bala ang kanyang baril. Walong bala para sa kanyang civilian pistol.

Napapitlag siya nang biglang marinig ang atungal ng halimaw. Kasabay nito ay bumagsak mula sa puno ilang metro sa kinatatayuan niya ang nependiso.

Humakbang ito papalapit kay Ashton.

Sinubukan itong kausapin ng binata.

"Dr. Luarca! Hindi kita kalaban. Pero sa ginawa sa'yo ni Regidor, hindi na rin kita puwedeng buhayin. Marami ka pang mapipinsalang tao habang nabubuhay ka."

Umatungal ang halimaw na tila sumasagot sa mga sinabi ni Ashton.

"Patawarin mo ako, Dr. Luarca. Lahat tayo ay naging biktima ni Regidor. Si Regidor ang totoong halimaw sa baryo San Joaquin! Si Regidor na ginamit ang kaalaman niya sa siyensya para maghasik ng lagim at takot sa buong baryo." Ikinasa niya ang hawak na baril at sunod-sunod itong ipinutok sa umaatungal na nependiso.

Bumaon sa iba't-ibang bahagi ng katawan ng halimaw ang walong bala. Mas lalo itong nagwala at umatungal. Humakbang ito patungo sa kinaroroonan ni Ashton.

"Patawad, Dr. Luarca. Hindi ko gustong patayin ka. Pero iyon na lang ang paraan para matahimik ang mga tao sa baryo San Joaquin." Mabilis na dinukot ni Ashton ang isang granada sa loob ng kanyang backpack.

Umaatungal pa rin ang halimaw sa dami ng tama ng bala sa katawan nito. Bakas sa itsura nito na iniinda na nito ang sakit na dulot ng mga tama ng bala ng baril pero patuloy pa rin ito sa paglapit kay Ashton.

Kinagat niya ang pin ng granada para matanggal ito. Pagkatapos ay inasinta niyang mabuti ang mukha ng nependiso. Hindi siya puwedeng sumablay. Hindi siya puwedeng magkamali!

Todong lakas niyang inihagis ang granada papunta sa mukha ng halimaw.

Patuloy sa malakas na pag-atungal ang nependiso. Bukang-buka ang bibig nito.

Ang granada ay naglakbay patungo sa inasintang kalaban. Diretso itong pumasok sa loob ng bibig ng halimaw.

Sumara ang bibig ng nependiso nang maramdaman ang granada sa kanyang bibig.

Mabilis na nag-dive si Ashton sa makapal na damuhan. Kasunod nito ay ang malakas na pagsabog ng granada.

Kitang-kita ni Ashton nang magkalasog-lasog ang ulo ng nependiso hanggang sa unti-unti itong bumulagta sa lupa. Wala nang buhay!

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Where stories live. Discover now