Fourteen

2.2K 131 28
                                    

HINDI UMUWI si Ashton. Sumama siya kina Wangga at Laarni sa health center. Nang makarating doon ay naabutan nila ang limang pasyente na naghihintay sa kanila para makapagpakonsulta sa doktora.

"Pasensya na po kayo. Nagpunta lang po kami saglit doon sa bagong biktima ng halimaw," paghingi ni Wangga ng paumanhin sa mga tao.

"Naiintindihan po namin, doktora," sagot ng isang matandang babae na siguro ay nasa sisenta ang edad.

"Pumasok na po kayo," sabi naman ni Laarni.

Si Ashton ay pumasok na rin.

"Magpapa-check up ka ulit, Ashton?"

"Oo, follow-up ng check up ko kahapon," pagsisinungaling niya. "Pero paunahin mo na sila. Panghuli na lang ako. Lima lang naman sila."

"Okay, maupo ka muna riyan." Inumpisahang kunin ni Laarni ang personal information ng mga pasyente para sa medical records nila. Nang matapos ang isa ay agad niya itong inendorso kay Wangga.

Mabilis namang natapos ni Wangga ang limang pasyente dahil hindi naman malala ang mga sakit na idinaraing ng mga ito. Niresetahan niya ang mga pasyente at pinayuhang bumalik kapag ubos na ang mga gamot na ibinigay niya. Pumasok si Laarni sa check up room.

"Doktora, si Ashton na lang ang natitira. Follow up check up daw niya today."

Mabuti na lang at agad nasakyan ni Wangga ang sinabi ng kanyang assistant. "Sige papasukin mo na siya."

Bumalik na si Laarni sa reception area at ilang sandali lang ay si Ashton naman ang kaharap ni Wangga.

"Isara mo ang pinto," sabi ng doktora.

Umupo si Ashton. "Nakita mo ba iyong reaksyon ni Laarni kanina nang makita niya ang bangkay? Sabi niya, bakit siya? Tingin mo, kilala niya ang biktima?" agad na tanong ni Ashton. Kaninang-kanina pa siya naghahanap ng kasagutan sa naglalarong mga tanong sa isip niya.

"Oo, napansin ko rin 'yon."

"At bakit parang walang kamag-anak na nagke-claim sa bangkay? Narinig mo ang sabi ni kagawad? Sila na raw ang bahala roon. Ibig bang sabihin, wala talagang pamilya rito 'yong biktima?"

"Mukhang wala, eh. Pero sa tingin mo ba, arannik ang pumatay sa biktima?" tanong ni Wangga.

"Nakita ko ang sugat sa leeg ng bangkay, kapareho rin ng sugat ng mga unang naging biktima."

"Pero hindi nagparamdam ang arannik kagabi. Ibig sabihin, hindi ito sumalakay. Pero bakit may biktima?"

"Iyon din ang hindi ko lubos maisip," mahina ang boses pero madiin na sabi ni Ashton. "Well, maliban na lang kung previously ay may nangyari nang ganito na sumalakay ang halimaw nang hindi man lang ito nagbigay ng kanyang nakakikilabot na tunog."

"Paano natin malalaman?"

"Si Laarni. Maaaring alam niya. Maitatanong na rin natin sa kanya kung sino ang bangkay na nakita sa gubat kanina at bakit ganoon ang reaksyon niya nang makita ito?"

Tumayo si Wangga. "Halika, puntahan natin siya." Lumabas sila ng silid at pinuntahan si Laarni sa reception area.

"May kailangan ka po, doktora?"

"Puwede ka ba naming makausap? May gusto lang sana kaming itanong sa'yo."

"Ah, puwede naman po. Tungkol po ba saan?"

"Tungkol doon sa huling lalaking naging biktima ng arannik."

"Ano po ang tungkol doon?"

"Kilala mo ba ang biktima? Bakit tila wala siyang pamilya rito? Tagasaan siya," sunod-sunod ang tanong ni Wangga.

"At bakit parang gulat na gulat ka kanina nang makita mong siya ang biktima?" tanong naman ni Ashton.

"Doktora... Kasi, ano..." May pag-aalinlangan si Laarni. Kung titingnan, parang nagdadalawang-isip itong magbigay ng impormasyon.

"Ano iyon, Laarni? Sabihin mo sa amin," pangungumbinsi ni Wangga.

"Naguguluhan rin kasi ako, doktora. Hindi ko rin kasi maisip kung bakit siya."

"Ano bang ibig mong sabihin ng, "bakit siya"? Hindi ba siya puwedeng maging biktima ng halimaw?"

"Hindi... Matagal na siyang wala rito, eh. Paano siya mabibiktima ng halimaw kung almost two years na siyang hindi naninirahan dito sa baryo?"

"Teka, magulo. Naguguluhan ako," sawata ni Wangga. Isa-isahin natin. "Sino 'yung biktima? Ano ang pangalan niya?"

"Siya si Dr. Ernesto Roxas. Siya iyong doktor dito na pinalitan ni Dr. Carlos Luarca. Hindi ko siya makakalimutan dahil siya ang gumamot sa akin noong dalhin ako ng nanay ko rito sa health center dahil sa matinding pananakit ng tiyan."

Nagkatinginan sina Ashton at Wangga.

"Sabi mo, matagal na siyang wala rito. Anong ibig mong sabihin?" tanong ni Ashton.

"Wala na siya rito kasi nagpaalam siyang babalik na sa Maynila. Sabi niya, mag-aaral siya para maging surgeon," paliwanag ni Laarni.

"Nakita mo siyang umalis dito?"

"Oo, nagpaalam pa nga kami sa kanya. Barangay Secretary na ako noon. Nakita ko siyang umalis dito, dala ang maleta niya. Hinatid pa nga siya ni Kagawad Dominador at ng isang pinsan nitong lalaki."

"Si kagawad?" nanlalaki ang mga matang tanong ni Wangga. Napatingin siyang muli kay Ashton na matiim ding nag-iisip at tila pinagdudugtong ang mga sinasabi ni Laarni.

Pareho ba sila ng iniisip?

"Wala talaga siyang pamilya rito dahil katulad n'yo, taga-Maynila rin siya," dagdag ni Laarni.

Nagtanong si Ashton. "Few days or few weeks after umalis dito si Dr. Roxas, wala bang naghanap sa kanya?"

Nag-isip muna si Laarni bago sumagot, "Wala naman. Wala akong natatandaang may naghanap sa kanya."

"Iniisip mo ba ang iniisip ko, Ashton?" May namumuong takot sa mukha ni Wangga. "Iniisip mo bang hindi nakabalik ng Maynila si Dr. Roxas?"

Marahang tumango si Ashton. "Hindi dalawang doktor lang ang nawala sa baryong ito. Tatlo sila. Si Dr. Ernesto Roxas, si Dr. Carlos Luarca, at si Dr. Yvette Tresvalles."

Napamulagat si Laarni sa sinabi ni Ashton.

"Hindi nakabalik ng Maynila si Dr. Roxas. At marahil kung saan man siya napunta sa loob ng mahabang panahong iyon, doon din napunta ang dalawa pang nawawalang mga doktor. Isipin n'yo, sa kanilang tatlo siya pa lang ang nakitang patay. Ibig sabihin, malaki ang tsansang buhay pa sina Dr. Luarca at Dr. Tresvalles. Kailangan na lang nating malaman kung nasaan silang dalawa bago pa nila sapitin ang nangyari kay Dr. Roxas," mahabang salaysay ni Ashton.

Napatingin si Laarni kay Wangga. "Doktora, ibig bang sabihin bihag ng arannik sina Dr. Luarca at Dr. Tresvalles?"

"Posible..."

"Pero saan naman itinatago ng halimaw ang dalawang doktor? Maliit lang itong Baryo San Joaquin."

"Iyan ang aalamin natin. Handa ka bang makipagtulungan sa amin, Laarni?" tanong ng binata.

"Ha?" Bumakas ang pag-aalinlangan sa mukha ng assistant ni Wangga. "Natatakot ako. Baka ako naman ang puntiryahin ng arannik."

"Magtutulungan tayong tatlo. Huwag kang matakot. Poprotektahan natin ang isa't-isa," paniniguro ni Wangga. "Pagtulungan nating tuklasin kung nasaan ang nawawalang dalawang doktor."

"Pumapayag ka ba?" tanong ni Ashton. "Walang ibang makakaalam ng ating gagawin. Tayong tatlo lang."

Saglit na natahimik si Laarni. Halatang pinag-iisipan nitong mabuti ang sinabi nina Ashton at Wangga. Mukhang mapanganib ang kanilang gagawin. Pero para naman iyon sa ikatatahimik ng kanilang baryo.

"Pumapayag ka na ba?" Si Wangga naman ang nagtanong.

"Mukhang masyadong seryoso ang pinag-uusapan n'yo, ah..."

Sabay-sabay silang napalingon sa pinto at nakita nila ang nakangising si Kagawad Dominador Almanzor.

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Where stories live. Discover now