Twenty-seven

2.2K 123 11
                                    

"SI DR. LUARCA?" hindi makapaniwalang tanong ni Laarni.

"Paano ka nakasisiguro na si Dr. Luarca ang nependiso?" Gustong makatiyak ni Ashton.

"Dahil iyon ang plano ni Regidor. Ang maghiganti sa mga doktor ng baryo. Si Dr. Roxas ang inuna niya bilang arannik. Kasunod na si Dr. Luarca bilang nependiso. Si Dra. Yvette na ang kasunod pero baka hindi niya ito gawing halimaw dahil nagustuhan ni Regidor si doktora."

"Hindi maaari!" Bumakas ang galit sa mukha ni Ashton. "Hindi niya puwedeng galawin ang kapatid ko. Hindi niya puwedeng babuyin ang kapatid ko!"

"Ashton!" Maging si Wangga ay nabahala sa sinabi ni Ka Nelia.

"Ikaw rin, Dra. Wangga. Nanganganib ka rin kay Regidor. Siguradong kukunin ka rin niya para gawing halimaw. 'Yan ang dahilan kaya paulit-ulit kitang binalaan na umalis ka na sa baryo. Dahil alam ko ang kasasapitan mo kapag nagtagal ka pa bilang doktor sa Baryo San Joaquin. Pero hindi ka nakinig sa akin."

"Hindi ito ang panahon para magsisihan pa tayo. Kailangan na nating kumilos para mailigtas si Yvette kay Regidor," sagot ni Wangga. "Sasama ka ba, Ka Nelia? Baka nga tama ang hinala mo na naroon din si Kapitan Celso."

"Oo, sasama ako. Tutulungan ko kayo..."

"Kung ganoon, lumakad na tayo bago pa natin muling makasalubong ang nependiso," utos ni Ashton. "Bilisan n'yo ang pagkilos!"

Nagsimula na silang muling maglakad. Lahat sila ay nakaramdam ng pagod pero wala ni isa man ang nagreklamo at sumuko. Narating nila ang malaking bahay ngunit problema naman nila kung paano makakapasok doon. Sarado ang gate nito at napakataas naman ng sementong bakod para akyatin.

"Siguradong hindi tayo pagbubuksan ni Lucia. Pero may alam akong daanan sa likod ng bahay. Iyon nga lang, may tsansang makasalubong natin ang halimaw dahil doon ito pumapasok at lumalabas."

"Handa akong salubungin kahit ilang halimaw mabawi ko lang ang kapatid ko," matapang na sabi ni Ashton. "Tinamaan na siya ni Wangga kanina. Ang susunod na bala ay sisiguruhin kong tatama sa ulo niya. Kahit siya pa si Dr. Luarca, wala akong magagawa kundi patayin kaysa ako naman ang mapatay."

"Anong ginagawa n'yo rito?" Nagulat ang lahat sa biglang pagdating ni Kagawad Dominador. Huling-huli sila nito na nasa harapan ng malaking bahay.

"Ilabas mo ang anak ko! Alam kong dinukot mo si Celso!" Agad na naglabas ng emosyon si Ka Nelia. "Tama na ang kasamaan mo, Dominador. Dapat nang matigil ang kasamaan ng pamilya n'yo! Alam na nila na nasa malaking bahay na 'yan si Dra. Yvette. Alam na nila ang kasamaang ginagawa ng kapatid mo sa mga doktor sa baryo."

"Hindi mo alam ang sinasabi mo!" sigaw ni kagawad. "Umalis na kayo rito. Alis!!!"

"Hindi kami aalis dito nang hindi kasama si Yvette. Hindi kami aalis hanggang hindi namin napapatay ang halimaw," madiin na sabi ni Ashton.

Napangisi si Dominador. "Akala n'yo ba ay laruan lang ang halimaw na ganoon kadaling idispatsa? Maraming buhay na ang napatay. Baka gusto n'yong kayo naman ang paglamayan."

Mabilis na dinukot ni Ashton ang baril na nakasuksok sa kanyang baywang at itinutok kay kagawad. "Sisiguruhin kong mauuna ka kapag hindi mo kami pinapasok sa loob ng bahay na 'yan."

Ang halimaw na pinag-uusapan nila ay kanina pa nasa paligid lang at naghihintay ng tamang tiyempo. At kung kelan hindi nila inaasahan ay saka ito biglang lumundag mula sa pinagtataguan nitong malago at mataas na puno. Eksakto itong bumagsak sa harapan nina Laarni at Wangga.

Mabilis ang naging pagkilos ng halimaw. Bago pa nakakilos sila nakakilos ay agad na dinampot nito si Wangga. Pagkatapos ay mabilis din itong tumakbo papalayo.

Ang lakas ng tili ni Wangga sa bilis ng pangyayari. Si Laarni ay hindi rin agad nakakilos sa labis na pagkabigla. Nawala ang atensyon ni Ashton kay kagawad at iyon ang sinamantala nito.

Isang suntok ang pinakawalan ni Dominador at tumama mukha ni Ashton. Sinubukang agawin ni Dominador ang baril ni Ashton kaya nagpambuno silang dalawa.

Pumutok sa ere ang baril pero patuloy pa rin sila sa pag-aagawan. Walang gustong sumuko. Bawat isa ay matindi ang pagnanasang matalo ang katunggali.

Hindi malaman ni Laarni ang gagawin. Si Ka Nelia ay dumampot ng isang mahabang sanga ng punong kahoy.

Nakakuha ng tiyempo si Dominador kaya isang malakas na suntok ang muli niyang pinakawalan. Sapol sa mukha si Ashton. Tumilapon siya at bumagsak. Nabitiwan din niya ang baril.

Lumapit si Dominador para sundan ng isa pang suntok si Ashton ngunit mas mabilis si Ka Nelia. Hinambalos niya sa ulo si Dominador gamit ang hawak na sanga ng punong kahoy.

Hilong natumba si Dominador. Isang hataw pa sana ang gagawin ni Ka Nelia pero inawat na siya ni Ashton.

"Tama na, Ka Nelia. Kakailanganin natin ang hayup na 'yan para makapasok tayo sa loob ng bahay." Dinampot niya ang baril.

"Ashton, si Doktora! Tinangay siya ng halimaw!" Umiiyak na sigaw ni Laarni.

"Huwag kang mag-alala. Malakas ang kutob kong hindi sasaktan ng halimaw si Wangga. Kung tama ang hinala ko, malamang na nasa loob na siya ng malaking bahay."

Tinadyakan ni Ashton si Kagawad Dominador. "Bumangon ka riyan! Katukin mo 'tong gate para buksan ng mga kasabwat mo." Hinila pa niya ang kuwelyo ng damit nito para mabilis itong makabangon.

Nag-doorbell si Kagawad Dominador. Tatlong sunod. Ilang saglit lang ay may nagbukas ng gate.

"Cleto..."

"Kagawad, anong nangyari?" Nanlalaki ang mga mata ni Cleto habang palipat-lipat ang tingin kina Dominador at Ashton. Nahagip din ng mga mata nito sina Ka Nelia at Laarni.

"Pasok!" Itinulak ni Ashton si Kagawad habang nakatutok ang baril sa ulo nito. Binalaan nito si Cleto. "Subukan mong kumilos nang hindi maganda, para bumulagta itong amo mo."

Hindi nakapalag si Cleto nang pumasok sa loob ng bahay ang mga bagong dating.

"Dalhin mo kami kay Regidor!" utos niya kay Cleto. "Bilisan mo!" Lumingon siya sa likod. "Laarni, ilabas mo ang baril mo! Ka Nelia, sumunod kayo sa amin."

Lumakad si Cleto. Kasunod sina Ashton at Dominador. Nasa likuran naman ang dalawang babae. Alerto si Laarni habang hawak ang baril at nakatutok naman sa likuran ni Cleto.

Sa basement dinala ni Cleto ang mga bagong dating. Agad na nakita ni Ashton ang isang lalaki na tila sadyang naghihintay sa kanila.

"Maligayang pagdating sa inyo! Welcome to my humble abode," nakangising pagbati ni Regidor. "Kanina ko pa kayo hinihintay."

Nakita ni Ka Nelia ang isang lalaking nakakadena sa isang kulungan. "Celso, anak!"

Nag-angat ng ulo si Celso. Nagliwanag ang mukha nito nang makilala ang ina, kasabay ang mapait na ngiti.

"Napakagandang pagkakataon ang pagsasama-sama ninyo ngayon dito. Hindi na ako mahihirapang patayin kayo nang sabay-sabay." Hindi nawawala ang nakalolokong ngisi sa mga labi ni Regidor. "Mamamatay kayong lahat dito... Ngayon!"

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Место, где живут истории. Откройте их для себя