Thirty

2.4K 145 47
                                    

MULING NAGTUNGO sa basement si Ka Nelia, kasama sina Laarni at Yvette, para pakawalan ang anak na si Celso.

"Celso, anak nandito na ako," puno ng emosyong sabi niya. Sinubukan niyang susian ang kandado sa kadenang nasa mga kamay ni Celso. Pagkatapos ay isinunod niya ang kandado sa kadenang nasa mga paa nito.

"Salamat, 'nay!" Mahigpit na niyakap ni Celso ang ina.

Bakas sa mukha ni Laarni ang kasiyahan sa eksenang nasa kanyang harapan. Si Yvette naman ay nananatiling nakatingin lang sa kawalan.

KAHIT NASA ilog na ay tuloy pa rin ang bakbakan nina Ashton at Regidor. Bawat isa ay matindi ang pagnanais na talunin ang isa't-isa. Pero walang gustong magpatalo.

Mahirap makipagsuntukan sa gitna ng ilog lalo na kung rumaragasa ang agos nito. Sa isang maling pagtayo ni Regidor ay nadulas ito sa natapakang bato. Nawalan siya ng balanse, nabuwal at tinangay ng agos.

Sinikap ni Ashton na lumangoy para habulin si Regidor pero mas mabilis ang pag-agos ng tubig sa bahaging iyon ng ilog.

"Ashton!" Nakita niya si Wangga na nasa isang malaking tipak ng bato. Kahit paano ay nakahinga siya nang maluwag pagkakita sa dalagang doktora. Salamat sa Diyos at ligtas ito.

At saka lang napansin ni Ashton na malayo na si Regidor. Imposible nang maabutan niya ito at mailigtas. Sigurado siyang tuloy-tuloy na itong tatangayin ng agos at mahuhulog sa talon.

Sinikap niyang makalangoy papunta sa batong kinaroroonan ni Wangga.

Si Regidor ay patuloy na inaanod ng rumaragasang agos ng ilog. Kahit masakit na ang kanyang katawan ay pinilit niyang imaniobra ito para kontrolado niya ang sarili pagbagsak niya sa talon. Alam niyang talon ang dulo ng ilog na ito at mapanganib kung hindi niya makokontrol ang pagbagsak.

Ilang sandali lang ay papalapit na siya sa dulo ng ilog. Nilamon ng tunog ng rumaragasang agos ang kanyang sigaw nang tuluyan na siyang mahulog sa talon.

"Wangga, salamat at ligtas ka." Sa labis na tuwa ay niyakap niya ang doktora.

"Nasaan si Laarni? Si Ka Nelia?"

"Iniwan ko sila sa malaking bahay. Huwag kang mag-alala, ligtas sila," paniniguro niya kay Wangga. "Kailangan nating makaalis dito sa gitna ng ilog para mapuntahan na natin sila."

"Paano si Regidor?"

"Malamang na nahulog na siya sa talon sa dulo nitong ilog. Sinubukan kong habulin siya kanina para iligtas pero hindi ko nagawa. Halika na, kailangan na nating makaalis rito."

Magkahawak-kamay nilang nilangoy ang ilog at sinagasa ang malakas na agos hanggang marating nila ang pampang. Pagkatapos ay naghanap sila ng madadaanan pabalik sa malaking bahay. Kailangan nilang magmadali.

Nasa labas na ng malaking bahay sina Laarni at Yvette nang dumating sina Wangga at Ashton. Laking tuwa ng lalaki nang makita si Yvette.

"Yvette!" Hindi napigilan ni Ashton ang sarili. Mahigpit niyang niyakap ang kapatid.

"A-ash-ton..." Nangilid ang luha sa mga mata ni Yvette.

"Ligtas ka na, Yvette. Ligtas ka na." Mas hinigpitan pa niya ang pagyakap dito.

Pagkatapos susian ang kandado sa kadenang nakagapos sa mga kamay ni Wangga ay magkasabay na silang bumaba ng bundok. Ikinadena nila ang mga kamay nina Aling Lucing, Dominador, Cleto at Simon para hindi na makatakas pa ang mga ito. Mabibilis ang kanilang paglalakad para hindi sila abutin ng malalim na gabi sa daan.

Gabi na nang makarating sila sa Baryo San Joaquin. Pansamantalang ikinulong ni Kapitan Celso sa barangay hall ang mga bihag. Ginamot ni Wangga ang daplis ng bala sa balikat ni Ashton. Doon na rin niya pinatulog sa health center sina Ashton at Yvette, pati na rin si Laarni.

Kinabukasan ay mabilis na kumalat sa buong baryo ang nangyari. Inasikaso kaagad ni Kapitan Celso ang pagsasampa ng kaso kina Dominador at Regidor kasama ang ina ng mga ito at ang kasabwat na sina Cleto at Simon. Sinamahan ni Ashton si Kapitan para magsampa rin ng kaso para sa pagdukot ng mga ito kay Yvette.

Nang maisampa ang kaso ay nagpaalam si Ashton kina Kapitan Celso at Wangga.

"Kailangang madala ko agad sa Maynila ang kapatid ko para mapatingnan sa espesyalista," aniya.

"Ipapahatid ko na kayo sa mga tanod. Gusto kong masiguro ang inyong kaligtasan," nakangiting sabi ni Kapitan.

"Sasama ako sa inyo," biglang sabi ni Wangga. Bumaling siya kay Kapitan. "Babalik din ako, Kapitan Celso. Gusto ko lang sanang magpahinga ng ilang araw."

Tumango si Kapitan. "Nauunawaan kita, Dra. Wangga. Hihintayin ng buong baryo ang pagbabalik mo."

"Bumalik ka agad, Doktora," nangingilid ang luhang sabi ni Laarni.

Nilapitan niya ito at niyakap nang mahigpit.

Malungkot ang buong baryo sa pag-alis nina Wangga, Ashton at Yvette.

PAGKALIPAS NG limang araw ay natagpuan sa malayong bahagi ng ilog ang bangkay ng isang lalaki. Nag-uumpisa na itong maagnas at hindi na makilala ang mukha. Lumobo na rin ang katawan nito. Nang makita ni Ka Nelia ang bangkay, kinumpirma niyang si Regidor ang lalaki dahil sa suot nitong polo at pantalon. Sumang-ayon dito si Kapitan Celso dahil alam niyang iyon nga ang suot ni Regidor noong araw na sumugod ang grupo ni Wangga sa malaking bahay. Maging si Laarni ay kinilalang si Regidor nga ang bangkay. May suot ding relo ang bangkay at nakilala ni Aling Lucing ang relo ng anak nang dalhin ito ni Kapitan Celso sa presinto kung saan siya nakakulong.

Patay na si Regidor Almanzor. Sa wakas, matatahimik na ang Baryo San Joaquin.

MAYNILA

Dinalaw ni Wangga sina Ashton at Yvette sa bahay ng magkapatid.

"Kumusta si Yvette?" agad niyang tanong.

"Okay naman. Nasa kuwarto, natutulog."

"Ahh... Mabuti kung ganoon. Siyanga pala, babalik na ako sa baryo. Sapat na siguro 'yong pahinga ko. Nakapagpa-check up na rin ako at okay naman ang resulta. Nabugbog lang ako sa dalas ng pagbagsak ko kaya nananakit ang katawan ko. Pero the doctor guaranteed that I am perfectly okay," pagbabalita ni Wangga.

"Talaga bang gusto mo pang bumalik doon?"

Ngumiti ang dalaga. "Kung noon nga na may halimaw na pumapatay sa baryo, hindi ko iniwan ang trabaho ko roon. Ngayon pa ba? Eh, tahimik na ang Baryo San Joaquin. Tinawagan ka rin ni Kapitan Celso para ibalitang nakita na ang bangkay ni Regidor, 'di ba?"

"Kung sabagay..."

"Tatapusin ko lang ang isang taon---" Hindi na niya natapos ang sasabihin.

"Aaaahhhhhhh!!!"

"Si Yvette!" Mabilis na napatakbo si Ashton sa silid ng kapatid. Si Wangga ay napasunod na rin.

"Yvette, anong nangyari?" Naabutan nilang nakaupo ito sa kama. Takot na takot at pawis na pawis. Nilapitan ito ni Ashton.

"Si Regidor... Kukunin ako ni Regidor!" umiiyak na sigaw nito.

"Shhh... Tahan na." Niyakap ni Ashton ang kapatid. "Wala na si Regidor. Patay na siya. Wala ka nang dapat ikatakot."

Lumapit na rin si Wangga at umupo sa gilid ng kama. Hinagod ng kamay niya ang mahabang buhok ni Yvette. "Huwag ka nang matakot, Yvette. Wala na ang halimaw sa Baryo San Joaquin. Wala na..."

The End

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Onde histórias criam vida. Descubra agora