Nine

2.1K 135 12
                                    

KINAUMAGAHAN AY natagpuan ng mga residente ng baryo ang walang buhay na katawan ni Mang Zosimo. Katulad ni Lumen, nasa parteng leeg din ang sugat nito na tila ba inalisan ng dugo ang katawan ng biktima.

Hindi inaasahan ni Wangga ang pagdalaw ni Kagawad Dominador sa health center.

"Good morning, kagawad. May kailangan po kayo? May ipapa-check up ka?" tanong niya sa bisita.

"Wala, doktora. May gusto lang sana akong itanong sa'yo."

"Maupo ka, kagawad."

"Hindi na. Mabilis lang ito. Gusto ko lang sana, sumagot ka nang totoo."

Napakunot-noo si Wangga. May tinutumbok ba ang mga salita ng kagawad?

"Go ahead, kagawad." Kung kahapon ay na-bad trip siya dahil sa kagawad na ito. Ngayon ay mukhang mauulit ang pagkainis niya rito kahapon.

"Hindi naman siguro lingid sa'yo na dalawa na ang nabibiktima ng arannik."

Tumango si Wangga. "Yeah, kaya nga nag-suggest ako kahapon na dapat suriin ang katawan ng biktima para malaman natin kung halimaw ba talaga ang gumawa o tao lang. Dapat i-autopsy ang biktima. Well, for this case mga biktima."

"Wala ka bang kinalaman sa mga nagyayaring ito?"

Tumaas ang kilay ni Wangga. Pinagbibintangan ba siya ng kagawad na ito na siyang may kagagawan ng mga pagpatay? "Anong ibig mong sabihin?"

"Well, nagsimula ang mga pagpatay mula noong dumating ka dito sa baryo namin."

"And so?" Hindi nawawala ang pagkakataas ng kilay niya. Akala yata ng kagawad na ito ay palalagpasin niya ang baseless accusations nito sa kanya. Siya pa talaga ang pagbibintangan eh, muntik na nga rin siyang maging biktima.

"Iniisip ko na kung sinasabi mong baka tao lang ang may kagagawan ng pagpatay. Baka naman kakilala mo mismo ang taong 'yun. O baka naman, ikaw iyon?"

Sarkastiko ang pinakawalan niyang ngiti. "Seryoso ka ba sa sinasabi mo, kagawad? Puwede mong sabihing nagbibiro ka lang."

"No, I'm serious!"

"Puwes, mawalang-galang na pero sasabihin ko sa'yo na barangay kagawad ka, kaya sana ginagamit mo ang utak mo para makapag-isip nang tama at may sense! Seriously? Pinagbibintangan mo ako na siyang may kagagawan ng mga nagaganap na patayan dito? Kelan ka pa ba naging residente sa baryong ito? Alam mo bang noong isang taon ay may approximately limang kataong pinatay din at ang paraan ng pagpatay ay katulad ng pagpatay kina Lumen at Mang Zosimo? Wala pa ako dito, may mga naganap ng patayan. So please lang, bago mo ako pagbintangan nang wala namang basehan, get your facts straight first!"

Hindi nakapagsalita si Kagawad Dominador. Hindi niya inakalang palaban ang doktorang ito.

"Kung wala ka nang sasabihin, makakaalis ka na."

Tumalikod ang kagawad para umalis.

"Kung gusto mong magpabibo sa mga residente rito para masungkit mo ang posisyon ni kapitan sa susunod na eleksyon, please not at my expense! Hindi ko kailangang magsalita para idepensa ang sarili ko. Pero kung gusto mo, kausapin mo si Mang Gimo."

Nakaalis na si kagawad ay hindi pa rin mapanatag si Wangga. Ngayon naiintindihan na niya si Ashton. Nakakainit nga pala talaga ng ulo 'yong mapagbintangan ka, lalo na at pagpatay ng tao ang pinag-uusapan dito.

"Doktora..." Bukas ang pinto ng kuwarto kaya sumilip na si Laarni

Nag-angat ng ulo si Wangga.

"Mag-uumpisa na po ba tayo?" magalang na tanong ni Laarni. "Naghihintay na ang mga pasyente."

"Sige, magpapasok ka ng isa rito."

"Okay po."

Naging abala si Wangga sa kanyang mga pasyente. Medyo marami ngayong araw, hindi pa sila nakapagsimula kaagad kaya hanggang sa mag-alas singko ng hapon ay may natitira pang dalawang pasyente.

Pinuntahan niya si Laarni sa puwesto nito. "Alas-singko na. Puwede ka nang umuwi kung gusto mo. Dalawa na lang naman ang natitira. Ako na lang ang bahala rito."

"Okay lang ako, doktora. Mamaya na lang ako uuwi 'pag natapos na itong dalawang natitira."

"Salamat, Laarni." Nginitian niya ang kausap. "Sige, tapusin na natin ito." Bumaling siya sa pasyenteng matandang lalaki. "Tatay, sumunod na po kayo sa akin dito para ma-check up na kita."

Pumasok na silang dalawa sa kuwarto at sinuri ni Wangga ang kalusugan ng matandang lalaki. Pagkatapos ay niresetahan niya ito at binigyan ng instruksyon kung ilang beses iinom ng gamot sa isang araw.

Sunod na tinawag ang huling pasyente sa araw na iyon. Pinapasok na ito sa silid.

"Maupo po kayo," sabi ni Wangga sa babaeng pasyente.

"Salamat, doktora." Iniabot nito ang index card na nagsisilbing patient's record.

"Ano po ba ang ikokonsulta n'yo?" Binasa ni Wangga ang nakasulat sa index card. Nalaman niya, Helen ang pangalan ng babae at dalawamput-siyam na taong gulang lang ito.

"Ubo lang po. Tatlong araw na akong inuubo."

"May plema ba, Helen?"

"Wala po. Mahirap nga pong umubo kasi wala namang lumalabas na plema."

Tumayo si Wangga at inilagay sa tenga niya ang earpiece ng stethoscope. Itinapat naman niya sa kaliwang bahagi ng likod ni Helen ang chestpiece. "Hingang malalim."

Sumunod si Helen. Nilipat ni Wangga ang chestpiece sa kanang bahagi ng likod ng pasyente. "Hingang malalim ulit."

Kumuha siya ng tongue depressor at otoscope sa cabinet at muling bumalik kay Helen. "Pakibuka po ang bibig..." Ipinatong ni Wangga sa dila ng pasyente ang tongue depressor at sinilip niya ang lalamunan ng babae gamit ang ilaw na nagmumula sa otoscope. Pagkatapos ay may kinuha siyang gamot sa medicine cabinet at ibinigay sa pasyente. "Inumin mo ito tatlong beses isang araw." Gumawa pa rin siya ng reseta para rito. "Kapag naubos na ang gamot, puwede kang bumalik rito."

"Maraming salamat, doktora."

"Walang anuman po. Magpagaling ka kaagad."

"Doktora..."

"Bakit?"

"Naniniwala po ako sa inyo na hindi kayo ang halimaw na pumapatay."

"Ha?"

"Narinig ko po 'yong pagtatalo n'yo ni kagawad kanina."

"Naku, pasensya ka na, ha? Napalakas yata masyado ang boses ko kanina. Hindi ko kasi napigilan ang sarili ko."

"Ako nga po ang nahihiya sa inasal ni kagawad."

"Bakit mo naman nasabing naniniwala kang hindi ako ang halimaw na pumapatay?"

Nagpalinga-linga muna si Helen bago muling nagsalita. "Dahil nakita ko na ang halimaw. Nakita ko na ang arannik. Matagal na."

"Kelan 'yong matagal na sinasabi mo?" Naging interesado si Wangga sa sinasabi ni Helen.

"Noong isang taon, doktora. Noong araw na dagitin ng arannik si Dra. Yvette Tresvalles."

"Nakita mo nang patayin ng arannik si Dra. Yvette?" halos pabulong na tanong ni Wangga.

"Hindi, doktora. Hindi pinatay ng arannik si Dra. Yvette. Alam ko, buhay pa si Dra. Yvette. Buhay pa siya, doktora!"

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Where stories live. Discover now