Twenty-two

2.2K 115 10
                                    

ALAS-SINGKO pa lang ng umaga nang magpaalam kay Wangga sina Laarni at Ashton para umuwi muna.

"Saan tayo magkikita-kita?" tanong ni Laarni?

"Doon na lang sa tinitirhan ko," mabilis na sagot ni Ashton. "Kung puwede sana, lumakad na tayo bago mag-alas siyete ng umaga para wala pang masyadong tao sa paligid."

"Sang-ayon ako," sabi ni Wangga.

"Sige, pupunta kaagad ako sa tinitirhan mo, Ashton. Kukunin ko lang sa bahay ang gamit ko at magpapaalam rin ako kay nanay." Kahit kinakabahan sa kanilang gagawin ay buo pa rin ang loob ni Laarni para sumama sa gagawin nilang pagtuklas sa misteryo ng pumapatay na halimaw.

"Lumakad na kayo bago pa lumiwanag ang paligid. Bilisan n'yo na." Itinaboy na ni Wangga ang dalawang kasama.

Pagkaalis nina Laarni at Ashton ay agad ding nag-empake si Wangga. Naglagay siya ng ilang piraso ng damit sa bag. Nilagay din niya roon ang kanyang cellphone na siniguro niyang fully-charged ang baterya. Ilang de lata rin ang isinilid niya sa bag para may makain sila sakali mang abutin sila ng gutom kung saang lugar man sila dalhin ng kanilang mga paa. Hindi niya kinalimutang magbaon din ng tubig. Nagdala rin siya ng medicine kit. Handa siya sa mga ganitong uri ng aktibidad. Naalala niya, kasali siya sa isang mountain climbing group noong nag-aaral pa siya sa kolehiyo. At kahit nga noong nag-aaral na siya ng medisina ay nagagawa pa rin niyang sumama sa ilang pag-akyat ng bundok ng kanyang mga kagrupo.

Pagdating sa bahay na kanyang tinitirhan ay kaagad inihanda ni Ashton ang mga kailangan niyang dalhin sa gubat. Binuksan niya ang isang drawer na nasa kanyang silid at tumambad ang tatlong baril at mga espesyal na balang sadya pa niyang ginawa sa kanyang kompanya para gamitin sa misyon niyang ito. Sa ilang pagkakataong lumuwas siya ng Maynila ay ang paggawa ng mga balang ito ang kanyang tinututukan at inaasikaso. Gusto niyang masiguro na mapapatay niya ang halimaw mabigyan lang siya ng tsansa na makaharap ito. Sayang nga lamang at nang minsang makaharap niya ito ay naunahan siya ng halimaw. Idagdag pang hindi siya makakilos nang maayos dahil sa kadiliman ng paligid nang mga oras na iyon. Pero sa susunod na magkrus muli ang landas nila ng halimaw, hindi niya ito lulubayan hanggang hindi ito namamatay.

Binuksan niya ang isa pang drawer kung saan naroon naman ang mga pinasadya niyang granada na kayang gutayin maging ang pinakamakunat at pinakamakapal na balat ng halimaw. Nagamit niya nang husto ang kaalaman niya sa mga kemikal para sa misyong ito. Nakatulong din sa kanya ang kanyang negosyo para madali niyang maibiyahe ang mga baril, bala at granada nang hindi nasisita ng mga awtoridad. Sa dami ng mga inihanda niyang sandata para patayin ang halimaw, kahit sampung halimaw pa ang humarang sa kanila ay kayang-kaya nilang sagupain.

Bago mag-alas-siyete ng umaga ay naroon na sina Wangga at Laarni sa bahay ni Ashton. Bago sila lumakad ay nag-usap muna silang tatlo.

"Pupunta tayo sa gubat. Hahalughugin natin ang kagubatan para hanapin kung saan nagtatago o naninirahan ang halimaw. Maglalakad tayo hanggang doon sa malaking bahay na pinuntahan dati ni Kagawad Dominador. Nararamdaman kong may kakaiba sa bahay na iyon kaya kung hindi natin makaengkuwentro ang halimaw sa gubat, susubukan nating makapasok sa malaking bahay na iyon." Pinag-aralan nang mabuti ni Ashton kung ano ang kanilang gagawin.

"Paano kung salakayin niya tayo habang hinahanap natin ang halimaw sa gubat?" tanong ni Laarni.

"Hindi tayo pupunta sa giyera nang walang armas." Inilabas ni Ashton ang dalawang baril at binigyan ng tig-isa sina Wangga at Laarni.

"Hindi ako marunong gumamit nito," kinakabahang sabi ni Laarni. Paano ko papuputukin ito?"

"Kapag nalagay sa panganib ang buhay mo, matututunan mo ang tamang paggamit niyan," seryosong pahayag ni Ashton. "Eto pa ang mga bala na magagamit n'yo kapag naubos na ang balang nariyan sa baril. Espesyal ang mga balang ito na kayang tumagos sa pinakamakunat o pinakamakapal mang balat ng halimaw. At sa oras na makapasok sa katawan niya ang balang ito, sasabog pa ulit ito sa loob ng kanyang katawan." Binigyan din niya ng mga bala ang dalawang babae.

Napanganga si Wangga. Hindi niya inasahan na ganoon kahanda si Ashton sa gagawing pakikipaglaban sa halimaw.

Inilagay niya ang mga bala at baril sa kanyang bag. Ganoon din ang ginawa ni Laarni.

"Eto pa ang magagamit natin para pasabugin ang halimaw." Ipinakita niya kina Laarni at Wangga ang mga granada. "Sa pamamagitan ng mga ito, hindi natin kakailanganing lumapit sa halimaw o hayaang malapitan tayo ng halimaw. Kagatin n'yo lang ang pin ng granada para matanggal ito at saka n'yo ihagis sa kinaroroonan ng halimaw." Binigyan din niya ng mga granada ang mga kasama. "Pagpunta natin sa gubat, hindi natin alam kung saang banda siya lilitaw at sasalakay. Kaya hindi puwedeng kampante lang tayo. Kailangang lagi tayong handa."

"Lumakad na tayo," yaya ni Wangga sa dalawa."

Kinuha nila ang kani-kanilang mga bag. Pinakamalaki ang bag ni Ashton. Dinala rin niya ang matalas na itak na ginagamit niya sa pangangahoy at nagsimula na silang maglakad para hanapin ang halimaw sa gubat.

Mabigat ang bag na dala ni Ashton pero balewala lang iyon sa kanya. Ang nasa isip niya ay ang misyong hanapin ang halimaw na tumangay sa kanyang kapatid.

Nauuna siya sa paglalakad. Kasunod niya si Wangga at nasa likuran naman nito si Laarni. Paminsan-minsan ay lumilingon sa likuran ang doktora para matiyak na kasunod pa rin niya ang kanyang assistant.

Medyo malayo na rin ang kanilang nalalakad nang makaramdam ng pagod si Laarni. "Puwede bang magpahinga tayo kahit sandali lang?" Huminto sa paglalakad sina Ashton at Wangga para makapagpahinga sila.

Binuksan ni Laarni ang kanyang bag at kinuha ang isang boteng may lamang tubig at uminom. "Tubig, doktora... Ashton," alok niya sa mga kasama.

Tumango si Wangga. "Salamat. Mayroon ako rito."

"May dala rin ako," sabi rin ni Ashton.

Nang makapagpahinga ay nagpatuloy sila sa paglalakad. Gaya kanina, nauuna pa rin si Ashton, kasunod si Wangga at nasa hulihan naman si Laarni. Nagulat na lang ang dalawang nauuna sa malakas na tili ni Laarni. Nang lingunin nila ito ay nakita nila ang ahas na nakasabit sa balikat nito na nahulog mula sa isang puno.

Halos himatayin sa matinding nerbiyos si Laarni. Hindi siya makakilos sa takot na baka tuklawin siya ng ahas na mukhang naging balisa dahil sa kanyang malakas na tili.

Mabilis na kumilos si Ashton. Maagap nitong dinampot sa may parteng buntot ang ahas at ipinaikot-ikot sa ere ng paulit-ulit hanggang sa kumalma ito. Pagkatapos ay buong lakas na inihagis niya ito sa malayo sa dadaanan nila. At saka lamang napanatag ang loob ni Laarni kahit na nanginginig pa rin ito sa takot.

"Sabay na lang tayo," mungkahi ni Wangga. "Para nakikita kita."

"Pasensya na kayo sa akin. Natakot lang talaga ako sa ahas."

"Ahas lang 'yon. Napakaliit noon kumpara sa hinahanap nating halimaw. Mas nakakatakot ang puwedeng gawin sa atin ng mga halimaw kaysa sa kagat ng ahas."

"Nakamamatay rin ang kagat ng ahas, Ashton," protesta ni Laarni.

"May dala akong gamot para sa kagat ng ahas," sabi naman ni Wangga.

Napangiti si Ashton. "Kitam, hindi tayo mapapahamak. May kasama tayong doktor."

Nagpatuloy na silang tatlo sa paglalakad. Wala na silang nasalubong na ahas sa daan. Malayo na ang nalalakad nila ngunit hindi pa rin nagpaparamdam ang halimaw.

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Where stories live. Discover now