Seventeen

2.2K 121 31
                                    

"MAGANDANG UMAGA, Kagawad."

"O, Ashton napadalaw ka. Anong sadya mo?" salubong na tanong ni Kagawad Dominador. Hindi niya inaasahan na magiging bisita niya ngayong araw rito sa barangay hall si Ashton. "Maupo ka."

Umupo si Ashton. "Kagawad, ire-report ko sana 'yong nangyari sa akin kagabi sa bahay. Sinalakay ako ng halimaw. Wala bang gagawin ang barangay para mahuli at mapatay ang halimaw na sumasalakay rito sa baryo? Marami na ang napatay. Hihintayin ba nating maubos ang mga residente rito?"

"Nakita mo ang halimaw?"

"Nakunan ko siya ng litrato." Ipinakita niya ang litratong nasa cellphone niya. "Ayan siya, napakalaki niya. Mukha siyang unggoy na may katawan ng baboy-ramo."

Mukhang hindi makapaniwala si kagawad sa nakita. Bigla ay parang nag-isip ito nang malalim.

"Anong plano n'yong gawin dito? Sabi n'yo magpaparonda kayo 'pag gabi para maproteksyunan ang mga residente. Bakit hindi pa inuumpisahan ang rondang 'yan?"

"Magpupulong kami ng mga tanod pagkatapos nating mag-usap. Pauumpisahan ko mamayang gabi ang pagroronda sa barangay," pangako nito.

"Aasahan ko 'yan, kagawad. Huwag na nating hintaying makapambiktima na naman ang halimaw," mariing sambit ni Ashton.

Napansin ni kagawad ang mga sugat sa braso ni Ashton. "Kagagawan ba ng halimaw ang mga sugat sa braso mo?"

Marahan siyang tumango. "Muntik na niya akong mapatay kagabi. Sinira niya ang dingding ng tinitirhan ko at pumasok siya sa loob ng bahay."

"Sige, makakaasa kang may magroronda na simula mamayang gabi. May gusto ka pa bang sabihin?"

"Wala na, kagawad. Salamat... Aalis na ako." Tumayo na siya at naglakad papalabas ng barangay hall.

Sunod ang tingin sa kanya ni kagawad. Matiim ang tinging ipinupukol nito kay Ashton. Kung ano man ang iniisip nito, tanging ito lang ang nakaaalam.

Dumiretso muli sa health center si Ashton. Eksaktong wala ng pasyente si Wangga at si Laarni naman ay nakita niyang naghahanda nang mananghalian.

"O, Ashton nai-report mo na ba sa barangay ang nangyari sa'yo kagabi?" tanong ni Laarni. "Tamang-tama ang dating mo, dito ka na kumain."

Noon naman lumabas ng check up room si Wangga at pumunta sa reception area. "Ashton, dito ka na kumain. Nagluto si Laarni kanina. Marami ito, sobra pa sa ating tatlo."

"Oo nga, para matikman mo rin ang luto ko. Ginisang mongo at paksiw na isdang bato. Masarap ito," pagmamalaki ni Laarni.

"Umupo ka na rito, Ashton," anyaya ni Wangga. "Huwag ka nang mahiya, paminsan-minsan lang ito."

Pinagbigyan niya ang alok ng dalawang babae. Habang kumakain sila ay muling naungkat ang pinag-usapan nila kaninang umaga.

"Ano ang plano natin sa halimaw?" simulang tanong ni Wangga.

"Basta, 'yong siguradong hindi tayo mapapahamak, ha? Mahirap namang maging bayani tayo, tapos tsugi naman tayo in the end." Si Laarni ay halata pa rin ang takot sa kanilang gagawin.

"Nag-report na ako sa barangay kanina. Sabi ni kagawad, magroronda na ang mga tanod simula mamayang gabi. Sana, mahuli nila ang gumagalang halimaw. Pinakita ko kay kagawad ang litrato ng halimaw, napansin ko medyo natigilan siya noong makita niya ito. Hindi ko alam kung bakit." Pagkatapos magsalita ay sumubo ng kanin si Ashton.

"Paano ba tayo mag-uumpisa? At saan? Wala naman tayong puwedeng paghinalaan." Si Laarni ay mausisa na rin.

"Pinaghihinalaan ko si kagawad," deklara ni Ashton. "Naalala mo ba, Wangga 'yung sinabi ko sa'yo na nakita ko siyang pumunta sa isang malaki at lumang bahay doon sa gubat pagbaba ng bundok?"

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Where stories live. Discover now