Four

2.4K 137 25
                                    

ALAS-SAIS ng gabi isinara ni Wangga ang health center. Mukhang magtitiyaga na naman siya sa de lata ngayong gabi. Okay lang naman. Hindi naman siya maarte pagdating sa pagkain, pero bukas ay sisiguruhin niyang makapunta sa talipapa para naman makabili siya ng ibang makakain. At kailangan rin nga pala niyang bumili nang maayos na sapin sa higaan kung ayaw niyang patuloy na pagtiyagaan ang sapin niyang kumot at tuwalyang unan. Sayang. Sana pala ay nagpasama na siya kanina kay Laarni bago ito umuwi. Mabait naman ang barangay secretary at laging tinatanong kung okay lang ba siya.

Nang masigurong naka-lock na ang mga pinto ay nagpasya siyang maligo. Malamig ang tubig. Iba sa pakiramdam sa sandaling lumapat na sa balat ang dala nitong ginaw. Mabilis niyang tinapos ang paliligo. Maghahanda pa siya ng hapunan. Buti na lang at pinagdala siya ng mama niya ng bigas. May kasama pa ngang mineral water at asin. Iyon daw ang dapat na kasama sa una niyang ipapasok sa kanyang titirhan dito. Hindi niya alam kung bakit o para saan iyon. Hindi na rin naman siya nag-abala pang magtanong. Kabisado na niya ang mama niya na mahilig sumunod sa mga pamahiin. Ngayon, isasaing niya ang bigas na ipinadala ng mama niya. Tamang-tama dahil kahapon pa siya hindi nakakakain ng kanin.

Sarap na sarap si Wangga sa kanyang hapunan. De latang hot and spicy tuna ang ulam niya. Parang isang taon siyang hindi nakatikim ng kanin. Sarap na sarap siya habang sinasaid ang natitirang tuna sa mangkok. Napakasimple ng pagkain niya kung tutuusin. Pero tila isang masarap na steak ang kanyang nilalantakan. Ganoon yata talaga kapag gutom, nagiging espesyal sa panlasa ang kahit na ano pang klase ng pagkain.

Nang mailigpit ang pinakainan ay muling hinarap ni Wangga ang pagbabasa. Hindi pa niya natatapos ang librong inumpisahan niyang basahin sa eroplano pa lang. Mabuti naman at may magagawa siya habang hindi pa inaantok. Nalibang siya sa pagbabasa. Hindi niya namalayan ang oras. Alas-onse y medya na nang patayin niya ang ilaw at magpasya nang matulog.

"Doktora! Doktora, tulungan mo kami! Doktora!" Sunod-sunod na pagkalampag sa pinto ang narinig niya kasabay ng pasigaw na paghingi ng tulong ng isang lalaki.

Binuksan niya ang ilaw at agad na nagtungo sa pinto. "Sino 'yan?" Hindi niya muna binuksan ang pinto. Naalala niya ang sinabi kanina ng ina ni kapitan at nakadama siya ng takot.

"Doktora, ako si Gimo. Tagaroon ako sa ibayo. Tulungan n'yo ako, doktora. Ang asawa ko, manganganak na ang asawa ko. Nahihirapan ang komadrona kaya pinuntahan ko na kayo rito."

Saka lang binuksan ni Wangga ang pinto. Tumambad sa kanya ang isang lalaking siguro ay nasa mahigit kuwarenta na ang edad.

"Tulungan mo ang asawa ko, doktora," pagsusumamo nito.

"Teka lang po, kukuha ako ng gamit." Mabilis ang ginawa niyang pagkilos. Kinuha niya ang kakailanganing mga gamit at saka bumalik kay Gimo.

"Tayo na, doktora."

"Malayo ba ang bahay n'yo?" tanong ni Wangga sa natatarantang si Gimo.

"Medyo malayo, doktora. Doon kami sa ibayo." Mabilis ang mga hakbang ni Gimo kaya napapabilis din ang paghakbang ni Wangga. Tanging ang flashlight mula sa celphone ni Wangga ang tanglaw nila sa madilim na daan. May silbi pa rin pala kahit paano ang cellphone niya. Hindi man niya magamit dahil walang signal, nagamit naman niya bilang flashlight.

"Bakit po hindi n'yo siya dinala kaninang umaga sa center? Eh, 'di sana na-check up ko siya."

"Kaarawan kasi ng isang anak namin, doktora. Naging abala siya sa pagluluto ng konting maihahanda para sa aming bunso," magalang na sagot ni Gimo. "Pasensya na kayo, doktora. Dis-oras ng gabi, inaabala ko pa kayo."

"Huwag n'yo hong isipin 'yon. Ganoon talaga ang trabaho ng mga doktor, walang pinipiling oras." Napansin niya na tila magubat ang kanilang dinadaanan. Iilan lang ang mga bahay na nadaanan nila.

ARANNIK: Hilakbot sa Pusod ng Gubat (Published By Viva Books) Where stories live. Discover now